Thursday, May 30, 2013

Presyo ng mga kagamitang pang eskwela , binabantayan ng DTI

By Edna A. Bagadiong

VIRAC, Catanduanes, May 30 (PIA) -- Ilang araw bago ang pagsisimula ng pasukan, mahigpit na binabantayan at minomonitor ng Department of Trade and Indsutry (DTI) ang presyo ng mga kagamitang pang eskwela sa lalawigan.

Ayon kay DTI Provincial Director Hegeno Baldano, magsasagawa sila ng random inspection sa iba’t ibang pamilihan sa 11 bayan ng lalawigan upang matiyak na ang lahat ay sumusunod sa batas.

Sabi ni Baldano, titiyakin umano nila na walang sinuman ang maaaring manamantala lalo na ngayong dagsa ang mga mamimili dahil sa papalapit na pasukan.

Dagdag pa niya, sinumang mapatunayang lumabag sa batas ay papatawan ng kaukulang parusa.

Hinikayat naman niya ang mga mamimili na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pag-uulat sa kanilang tanggapan sakaling may mga paglabag sa kanilang alituntunin.

Nakatakdang magsimula ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa probinsya sa Lunes, Hunyo 3, 2013. (EAB-PIA5/Catanduanes)


33 benepisyaryo ng SPES-TWSP Convergent Program bibigyan ng starter kits ng DOLE

By Monaliza Z. Eser

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 30 (PIA) -- Magbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng starter kits sa 33 benepisyaro ng pinagsamang Special Program for the Employment of Students (o SPES) ng DOLE at Training for Work Scholarship Program (o TWSP) ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa darating na Mayo 31 sa DOLE Regional Office 5 lobby.

Labing lima sa mga benepisyaryong ito ay mula sa Computer Arts Technology College ng Tabaco at 18 naman ay mula sa Salugan Training Center ng Camalig, Albay. Ang mga ito ay nagtapos ng technical-vocational training sa ilalim ng TWSP ng Tesda.

Ayon kay Mariel Ella Verano, senior labor and employment officer ng DOLE Bikol, ang mga benepisyaryong ito ay mga out-of-school youths na pinili ng Human Development and Poverty Reduction Cluster sa Bikol na binubuo ng mga pinuno ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno ng rehiyon upang mabigyan sila ng oportunidad na kumita at makapagtapos ng technical-vocational training ng Tesda.

Ang 60 porsyentong gastos sa pagsasanay at assessment fee sa bawat benepisyaryo ay sagot ng Tesda samantalang ang 40 porsyento naman ay training allowance na ibibigay ng DOLE sa bawat benepisyaryo ngayong natapos na nila ang naturang training ng Tesda.

Ayon kay Verano, sa halip na bigyan ang mga benepisyaryo ng allowance, starter kits na lamang ang ibibigay sa mga ito upang matulungan silang makapagsimula agad ng sarili nilang hanapbuhay. (MAL/MZE-OJT-BU-PIA5 Albay)


SETUP ng DOST Cam Norte patuloy ang pagtulong sa mga maliliit na negosyante

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Mayo 30 (PIA) -- Patuloy ang paghikayat ng Department of Science and Technology (DOST) ng Camarines Norte sa pagtulong sa mga maliliit ng negosyante sa pamamagitan ng Small Enterprises Technology Upgrading Program o SETUP.

Ayon kay PSTC Jorge Pedro V. Villanea bukas ang kanilang tanggapan sa mga nais maging benepisyaryo ng SETUP lalong lalo na ang Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa lalawigan.

Aniya kabilang sa maaring benepisyo ng sinumang nais magpatala ay ang pagbibigay ng halaga na gagastusin sa teknolohiya tulad ng pagbili ng makinarya o equipment; pagsasanay at consultancy; testing ng produkto; packaging at labeling design; at database management and information system.

Sinabi niya na ang SETUP ay inilunsad ng DOST bilang tugon sa panawagan ng Presidente sa isang programang tutulong sa mga MSMEs sa lalawigan at maging sa iba't ibang lalawigan at siyudad sa bansa.

Aniya layunin nito na maiangat ang kabuhayan sa pamamagitan ng paghikayat at pagbibigay ng tulong sa mga MSMEs sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kanilang teknolohiya upang mapaigting ang pagpapatakbo ng negosyo at maisulong ang produksiyon at pakikipag kompetensiya.

Layunin din ng programa na tulungan ang mga negosyo na matugunan ang kanilang problemang teknikal sa pamamagitan ng technology transfer at technogical interventions upang mapahusay ang produksiyon tungo sa kalidad ng produkto, human resource development, cost minimization, waste management at iba't ibang may kaugnayan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Aniya ngayong taon kabilang sa mga nabigyan ng benepisyo ng SETUP ay ang Solis Meat Shop sa halagang P263,505; Sherlen Bread and Pastries – P620,000; at Lamadrid Bakery – P240,970.

Idinagdag niya na sa mga nais magpatala upang maging benepisyaryo ng SETUP maari silang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa DOST sa Camarines Norte State College (CNSC). (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment