Friday, May 31, 2013

Albay susubok sa Guinness Record sa pagbuo ng pinakamalaking human logo

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 31 (PIA) -- Ang lokal na pamahalaan ng Albay sa pamamagitan ng Smoke-Free Albay Network (SFAN) ay nagnanais na magtala ng world record sa pagbuo ng pinakamalaking "no smoking (smoke-free) human logo" sa buong mundo sa susunod na buwan.

“Magbibigay ito ng kaugnayan at kahulugan sa pagpapatupad ng ordinansa ng Albay sa pagbabawal sa paninigarilyo at para magbigay kaalaman sa masamang epekto ng paninigarilyo sa katawan at kapaligiran,” sabi ni Albay Governor Jose “Joey” Salceda.

Alinsunod sa pagdeklara ng Hunyo bilang International No-Smoking Month, ang LGU-Albay at SFAN ay magsasagawa ng mga aktibidad sa isang buwang selebrasyon, tampok dito ang pagbuo ng human logo kung saan 13,000 ang kinakailangang lalahok galing sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensiya ng pamahalaan, paaralan, non-government organizations at mga unipormado, ayon kay Salceda.

“Nagpadala na kami ng sulat sa Guinness Records upang pormal na kilalanin ang aming pagsubok,” sabi ni Provincial Board Member at SFAN Chairman Herbert Borja. Pinadala na rin ang mga sulat sa mga imbitadong ahensiya, institusyon at mga grupo upang humingi sa kanila ng partisipasyon sa aktibidad, ayon kay Borja. Si Borja ay muling nahalal sa sangguniang panlalawigan kung saan siya ang kasalukuyang namumuno sa komite sa kalusugan.

“Bubuuin ang human logo sa Bicol University Football field sa oras na alas seis ng umaga sa Hunyo 28,” sabi ni Borja. Magtatalaga rin ng sistema sa pagtala ng aktwal na bilang ng mga kalahok sa lugar at magkakaroon ng limang minutong pagkuha ng larawan at video na hinihingi ng Guinness, ayon kay Borja. “Ang Philippine Air Force ay nangako na ng suporta sa pagkuha ng dokumentasyon sa himpapawid sa pamamagitan ng kanilang dalawang helicopter,” sabi ni Borja. Ang AMA Computer College ay nagpahayag na rin ng suporta bilang opisyal na tagatala ng mga lalahok, ayon kay Borja.

Bago ang aktibidad, may isa pang gawain na tinaguriang “Walk for a Smoke-Free Albay” ang magpapasimula ng kaganapan alas singko ng umaga ng kaparehong araw sa pagtatagpo-tagpo ng mga kalahok sa human logo sa PeƱaranda Park at maglalakad papunta sa Bicol University kung saan gaganapin ang pagsubok sa Guinness World Record, ayon kay Salceda .

“Magkakaroon din ng Smoke-Free at Information, Education Campaign booth sa lugar bilang bahagi ng aming adbokasiya,” sabi ni Salceda.

Bahagi ang Philippine Information Agency (PIA) Bicol Regional Office ng working committee sa documentation, ground preparations, promotion and publicity para sa kaganapan.

Ayon kay Borja, patuloy silang nag-aanyaya sa mga nais lumahok sa aktibidad. Puede silang makipag-ugnayan sa kanya sa telepono numero (052)822-3175, o 0922-8398437 o sa kanyang email address hsborja8@yahoo.com. Puede rin silang makipag-ugnayan sa opisina ni Gobernador Salceda sa telefax number (052) 481-2555 o 0908-8660824 o sa email address albaygovoffice@yahoo.com. Isa pang paraan ay sa pamamagitan ng Add+vantage Community Team Services, Incorporated na may telepono numero (052)435-3003 o 0929-377-2442 o sa pamamagitan ng email smokefree.magayon@gmail.com o sa www.facebook.com/SmokeFreeAlbay. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


 Bulusan Volcano Pre-emptive Action Plan Briefing isinagawa ng SPDRRMO

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 30 (PIA) -- Isang pulong ang ipinatawag kahapon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) upang ipaliwanang sa mga kasapi ng Provincial Incident Command System (ICS) ang mga dapat gawin sakaling maulit sa Mt. Bulusan ang naganap na phreatic explosion ng Mt. Mayon noong Mayo 7, 2013.

Ayon kay Search and Rescue team leader Manro Jayco ng SPDRRMO, dapat na maintindihan ng mga kinauukulan ang tamang hakbang na dapat gawin sakaling biglaang maging aktibo ang Mt. Bulusan nang sa gayon ay walang buhay na mabubuwis.

Sa ganitong uri umano ng kalamidad dapat na maipatupad ang tinatawag na full safety parameters ng sinumang reresponde.

Kasama sa 4-km Permanent Danger Zone ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, Bulusan, Barcelona, at Gubat. Sa mga bayang nabanggit, ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, at Bulusan ang may mga komunidad na direktang maapektuhan at dapat na agarang mailikas.

Sakali umanong maganap ito, dapat na handa ang lahat ng mga kakailanganin mula sa mga tauhang gaganap, kagamitan at mga pagkain. Aniya, mahalagang alam ipatupad ng mga kinauukulan ang Group at Cluster Approach, at agarang maitayo at mapagalaw ang Incident Command System sa mga panahong nagkakaroon ng sakuna o kalamidad.

Ipinaliwanag din ni Jayco ang organizational set-up ng ICS sa provincial level; operation section field set-up; Group Response Approach (GRA); Cluster Response Approach (CRA); at Branch Response Approach (BRA). Ipinakita din niya ang Bulusan Volcano Hazard Map upang higit na maunawaan ang mga posibleng komunidad na maaaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.

Samantala, nananatiling nasa Zero Alert level ang Bulkang Bulusan at patuloy pa ring pinapayagan ang mga nais umakyat na mga turista at mountaineers sa nasabing bulkan. (MAL/BAR-PIA Sorsogon) 

No comments:

Post a Comment