Wednesday, June 5, 2013

Unang araw ng klase maayos na naipatupad; police visibility lalong pinaigting

By FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 5 (PIA) -- Maayos ang kinalabasan ng pagbubukas ng unang araw ng klase sa Sorsogon noong Lunes sapagkat walang anumang naitatalang kaguluhan o anumang negatibong pangyayaring maaaring nakaapekto sa unang araw ng School Year 2013-2014.

Ayon sa mga nag-obserba, ito ay dahil na rin ng pinaigting na police visibility sa mga istratehikong lugar at sa kooperasyon na rin ng publiko partikular na ang libo-libong mga mag-aaral na nagsipasukan na sa lahat ng antas ng paaralan kahapon.

Mayroon ding inilagay na Police Assistance Desk (PAD) na makikita mismo sa harapan ng malalaking mga pampublikong paaralan na magtatagal ng buong linggo.

Sinabi ni Sorsogon City Police Chief PSupt. Edgardo Ardales na mahalaga ang Police Assistance Desk sa mga paaran lalo pa’t abala ngayon ang lahat ng mga paaralan mula preparatory school hanggang sa kolehiyo. Aniya, maaring lapitan ninuman ang inilagak na Police Assistance Desk sa oras na kailangan ng tulong ng mga mag-aaral at magulang at tiniyak ng hepe na makakaasa sila ng tulong mula sa mga unipormadong pulis.

Ayon sa opisyal limitado man siya sa mga tauhan ng City Police Office, tiniyak nito na mananatiling naririyan ang kanilang presensya para magbigay ng kanilang serbisyo at mapanatili ang kaayusan sa mga kalsada at mga paaralan sa lahat ng panahon.

Panawagan din ni Ardales sa mga magulang na huwag papayagan ang kanilang mga anak na magdala ng anumang mamahaling kagamitan o gadget sa paaralan nang sa gayon ay maiwasan ang mga problema at posibleng kapahamakan ng kanilang mga anak.

Kabilang din sa binabantayan ng mga ito ay ang mga internet café at mga bilyarang malapit sa mga paaralan. Binalaan na rin nila umano ang mga may-ari nito na huwag tatanggap ng mga estudyante sa oras ng klase sapagkat malimit na ginagawang tambayan at palipasan ng oras ng mga mag-aaral na nahuhumaling sa mga online games sa halip na pumasok sa kanilang mga klase.

Dagdag pa ni Ardales na magiging abala sila hanggang sa kapistahan ng lungsod ng Sorsogon sa darating na Hunyo 28-29, 2013.

Kabilang din sa preparasyong pinaghahandaan ng City PNP ang oath-taking ceremony ng mga bagong uupong opisyal ng lungsod sa Hunyo 30 ngayong taon para sa panibagong tatlong taong termino. (FBTumalad, PIA Sorsogon)


DOLE Bicol magsasagawa ng Barangay Empowerment Training

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hunyo 5 (PIA) -- Pangungunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsasanay sa mga opisyal ng aabot sa 3,482 mga baranggay sa rehiyon ng Bicol.

Ang Barangay Empowerment Training (BET) ay gaganapin mula Hunyo 19 hanggang Agosto 19 ng taong kasalukuyan kung saan ang mga dadalong kapitan, kagawad at iba pang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) at barangay ay hahahatiin sa 11 batch o grupo.

Layunin ng nasabing training na maisulong ang mga adbokasiya ng DOLE gayundin na mapalawak ang kaalaman at malinang ang kakayahan ng mga lalahok sa pagharap sa mga alalahanin na siya ring binibigyan tugon ng DOLE.

Kasama sa mga paksa at impormasyon na tatalakayin ang Integrated Livelihood Program ng DOLE, Livelihood program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga OFWs, child labor, illegal recruitment at human trafficking gayundin ang Batas Kasambahay, Gender and Development Programs at Basic Labor Laws.

Ang DOLE ay siya ring naatasan na manguna sa adbokasiya na maipatupad ang Batas kasambahay sa mga baranggay. (MAL/SAA –PIA5 Albay) 

No comments:

Post a Comment