Ospital, pier at patubig sa Calabanga, tutugunan ng pamahalaang pambansa
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Mayo 6 (PIA) -- Tinugunan ni Pangulong Benigno S. Aquino lll ang kahilingan ng mga mamamayan ng bayan ng Calabanga, Camarines Sur na magkaroon ng ospital sa naturang lugar.
Ang naturang pakiusap ay mula kay Bise Alkalde Philip Dumalasa sa ginawang ang pagtitipon sa Calabanga People’s Center kasama ang Pangulo.
Sa ginawang talumpati ni Dumalasa, matagal nang panahon na nagtitiis ang mga residente sa kawalan ng ospital sa kanilang lugar kung kaya naisipan niya talagang gawing prayoridad ang pakiusap nito sa Pangulo sa araw ng pagbisita sa kanilang lugar noong Mayo 3.
Sinabi naman ni Pangulong Aquino na isa ang naturang proyekto na bibigyan nito ng katugunan. Agad naman nitong iniuutos sa kalihim ng Department of Health na lagyan ng pondo ang pagpapatayo ng naturang district hospital.
Malaking pasalamat naman ng mga kumakandidatong lokal na opisyal sa ilalim ng Liberal Party sa ipinakitang suporta ng pangulo sa kanilang grupo.
Samantala, inihayag din ni Pangulong Aquino na isa ang bayan ng Calabanga sa nabiyayaan ng proyektong irigasyon na ipapatupad na sa lalawigan ng Camarines Sur. Kabilang ito sa halos 15 proyekto na ipapatupad para sa buong lalawigan.
Maliban sa proyektong patubig, sisimulan na ang pagpapatayo ng Sabang-San Vicente pier sa nasabing munisipyo. Inihayag ng Pangulo na ilang buwan na lamang ay papasimulan na ang bagong port sa buwan ng Agosto taong kasalukuyan at matatapos sa susunod na taon ng Abril 2014.
Ang iba pang programa na nabanggit ng Pangulo ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Sinabi nito na dalawang taon pa lamang ang nakalipas ay umabot na sa 108,497 pamilya ang nakinabang sa programa ng pamahalaang nasyunal para sa pagpapaunlad ng taong-bayan lalo na sa mga mahihirap na komunidad kumpara sa nakalipas na taon 2012 na nagkaroon lamang ng aabot sa 3,970 benepisyaryo dito sa Camarines Sur.
Sa kabuuan halos 3.9 milyong benepisyaryo ng 4P’s sa buong Pilipinas ang tinutulungan ng pamahalaan upang umangat ang pamumuhay.
Kabilang sa mga lugar na pinuntahan ng Pangulo noong Mayo 3 ay ang lungsod ng Naga upang pasinayaan ang Naga City Hospital na binigyan ng pondo ng DOH na nagkakahalaga ng 15 milyong piso at ang bayan ng Tinambac, Calabanga at Libmanan, Camarines Sur upang makipagpulong sa mga lokal na lider at taong-bayan. (LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
Pinal na pagsusuri at pagseselyo sa mga PCOS Machines isasagawa sa lalawigan at lungsod ng Sorsogon
By Francisco B. Tumalad, Jr.
LUNGSOD NG SORSOGON, May 6 (PIA) -- Nakatakdang isagawa ang huling pagsusuri at pagseselyo sa mga precinct count optical scan (PCOS) machine sa lalawigan at lungsod ng Sorsogon ngayong araw.
Pasadao alas tres ng madaling araw ngayong umag ay isa–isang inihatid ng Air 21 Cargo ang mga PCOS Machine sa mga mga silid aralan kasama ang test ballots na nasa loob mismo ng karton nito, ayon sa pahayag ng Provincial Comelec.
Bantay sarado naman ng mga awtoridad at mga sundalo sa mga silid aralan upang bantayan ang mga makinang gagamitin sa opisyal na testing at pagseselyo sa 64 na brgy sa lungsod at 14 na munisipyo sa probinsya ng Sorsogon upang masigurong mapapangalagaan ang mga ito at mapanatili ang kaayusan.
Maging ang mga opisyal ng barangay ay matiyagang nagbantay sa labas ng mga silid aralan upang masigurong walang mangugulo sa panahong isasagawa ang pagseselyo.
Samantala, ipinatawag muli noong Mayo 5, 2013 ng city comelec upang pinal na ibigay ang mga appointment o nakatalang iskedyul at iba pang kagamitan na gagamitin ng mga chairman, poll clerk at third member sa araw ng eleksyon.
Matatandaan na sumailalim sa masusing oryentasyon noong Abril 30, 2013 ang lahat ng mga guro na itatalaga sa mga presinto kaugnay sa halalan. (MAL/FBT-PIA Sorsogon)
Pulisya sa Cam Norte naka alerto sa isinasagawang testing at sealing ng mga PCOS machine
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Mayo 6 (PIA) -- Naka alerto ang pulisya dito kaugnay ng isinasagawang pagsusubok at sealing ng mga PCOS machine ngayong araw, Mayo 6.
Ayon kay Provincial Director P/SSupt. Moises Pagaduan ng Camarines Norte Police Provincial Office, kahapon pa ay itinalaga na ang mga pulis malapit sa mga voting centers upang masiguro ang kaayusan at katahimikan habang isinasagawa ang testing at sealing ng mga PCOS machine.
Aniya, nakahanda na rin ang mga pulis na itatalaga malapit sa mga voting centers para sa darating na halalan sa ika-13 ng Mayo ngayong taon.
Ayon naman kay election officer Atty. Maico Julia Jr. ng Commission on Elections ng Daet bilang paghahanda dito sa isinasagawang testing at sealing ng mga PCOS machine ay nagkaroon ng pagpupulong ang mga Board of Election Inspectors, mga supervisors at mga PCOS technicians sa bayan ng Daet noong ika-3 hanggang ika-4 ng Mayo at gayundin sa iba't ibang bayan sa lalawigan.
Aniya, matapos ang testing at sealing ng mga PCOS machine ay ilalagak ito sa isang lugar na mabantayan ito hanggang sa halalan sa ika-13 ng Mayo ngayon taon.
Samantala, sinabi rin niya na nanguna rin ang kanilang tanggapan sa operation baklas noong ika-1 ng Mayo sa bayan ng Daet kasama ang Community Environment and Natural Resources Office, Bureau of Fire Protection at ang Philippine National Police dito.
Sinabi niya na kanilang tinanggal ay ang mga wala sa sukat na campaign posters at mga nakalagay sa mga hindi itinalagang mga lugar na paglalagyan ng campaign materials lalong lalo na sa mga pampublikong sasakyan sa bayan ng Daet. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte)
Maayos at tahimik na halalan panatilihin sa Camarines Norte –PNP
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Mayo 6 (PIA) -- “Panatilihin natin ang maayos at tahimik na halalan sa darating na Mayo 13.”
Ito ang hamon ni Police Chief Superintendent Atty. Clarence V. Guinto, regional director ng Philippine National Police sa isinagawang diyalogo ng mga pinuno ng civil society organizations/non-partisan groups sa Doña Mercedes floating restaurant sa Mercedes noong Sabado (Abril 27).
Ayon kay Guinto, naging tahimik ang nakaraang halalan noong 2010 sa Camarines Norte samantalang noong taong 2004 at 2007 halalan ay nakapagtala lamang ng tig isang election related violence.
Sinabi niya na sa 249 voting centers ay magtatalaga ng isang pulis bawat presinto kung saan may 599 na silang nakahandang pulis at may 35 na mobility.
Ganon din kasama ng Philippine Army ay kanila rin binabantayan ang mga vital installation dito lalong lalo na ang mga cell cites.
Aniya sa rehiyong Bikol ay nakapagtala na ng limang validated election related incidence kung saan tatlo dito ay insidente ng pamamaril sa Masbate, isa ang pamamaslang sa lungsod ng Naga at isa ang pagsunog ng tarpaulin ng kandidato sa pagka kongresista sa unang distrito ng Camarines Norte.
Dagdag niya na ito ang ika-pitong dayalogo na isinagawa sa bikol kabilang sa mga nauna ang Albay, Sorsogon, Masbate, Naga, Catanduanes at Tabaco, Albay.
Ayon naman kay Regional Director Atty. Romeo Fortez ng Commission on Elections ay handang handa na ang Kabikulan sa darating na halalan kung saan magkakaroon rin ng final testing at sealing ng PCOS machines ngayong araw.
Aniya nagpapasalamat siya sa suporta ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan at ganon din sa civil society groups at ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Kabilang rin sa nakipagtalakayan ay sina Regional Director Rodolfo G. Santos ng National Police Commission at Major General Romeo V. Caliso, 9th ID, Phil. Army.
Mula naman sa lalawigan ay sina RTC Vice Executive Judge Ariel Dating, Schools Division Supt. Arnulfo Balane, Diocesan Coordinator Fr. Edwin Visda ng PPCRV, Pastor Avelino Cuenza ng Bayanihan Bible Baptist Church, Police Senior Supt. Moises Pagaduan at Deputy P/Supt. Rommel Blazo de la Rama ng Camarines Norte Police Provincial Office, Lt. Col. Michael Buhat, Bat. Commander 49th IB, Rosalita Manlangit ng PIA, Doming Tan ng Filipino Chinese Chamber of Commerce, kinatawan ng DILG at mga hepe ng pulisya sa mga bayan, at media. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment