Thursday, June 27, 2013

E-cigarette, shisha hindi ligtas na alternatibo sa paninigarilyo – DOH Bicol

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hunyo 26 (PIA) -- Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa Bicol sa publiko na hindi ligtas bilang alternatibo ang electronic – cigarette o e-cigarrette at shisha upang pabulaanan ang pag-aakalang mabuti sa kalusugan ang dalawang ito bilang pamalit sa ordinaryong sigarilyo.

“Ang e-cigarette pati ang shisha ay hindi dapat ituring na alternatibo dahil paninigarilyo pa rin ang mga ito at may sangkap na delikado sa kalusugan,” sabi ni Regional Program Coordinator for Non-Communicable Diseases Dr. Evy Sarmiento sa panayam sa loob ng programa sa radyo na “Aramon Ta Daw,” ng Philippine Information Agency Regional Office V (PIA V).

Ang e-cigarette na tanyag din sa tawag na personal vaporiser o PV ay isang electronic inhaler na pinapausok ang isang liquid solution upang maging aerosol mist, na ginagamit kahalintulad ng paninigarilyo.

Ang shisha naman, na pinagtatalunan pa kung saan nanggaling (ayon sa iba ay India, may nagsasabing Persia o Turkey) ay isang pipa na nakakabit sa botelya na may lamang tubig na kung kung saan mayroong tabako na lasa at amoy prutas na nababalot sa foil at iniinit sa pamamagitan ng baga. Dumadaan sa lalagyan ng tubig ang usok galing sa tabako na lasa at amoy prutas, saka ito nilalanghap gaya ng paninigarilyo.

Noong nakaraang taon, ang American Lung Association ay nagpalabas ng babala nito sa e-cigarette. Ayon sa kanila, posibleng mas delikado pa ang produkto sa ordinaryong sigarilyo dahil sa ang nikotina sa e-cigarette ay puwedeng masmarami pa kesa sa ordinaryong sigarilyo.

Ang Food and Drug Administration (FDA) ay nagsagawa rin ng pagsusuri sa laman ng e-cigarettes ng mga nakalipas na taon at natuklasan ang ilang nakakalasong kemikal kasama ang diethylene glycol – ang sangkap na ginagamit sa antifreeze. Ang mga natuklasang ito ang naging dahilan upang magpalabas angFDA ng babalang pangkalusugan sa buong bansa.

Samantala, ang Niche Tobacco Advisory Group (NTAG) for North England ay nagsagawa kamakailan ng kampanya sa pagbibigay kaalaman sa paggamit ng shisha. Si Dr. Khalid Anis, chairman ng NTAG sa Manchester, ay nagsabi: "May maling akala na hindi masama ang shisha kumpara sa ordinaryong sigarilyo, dahil sa may prutas na lasa at amoy at dumadaan muna ito sa tubig. Subalit ang katotohanan ay nandoon pa rin ang carcinogens at nicotine.”

Ang regular na humihithit ng shisha ay humaharap sa panganib at problema sa kalusugan katulad ng naninigarilyo, ito man ay sa karamdaman sa baga, puso o kanser. Tulad ng iba pang produktong tabako, ang humihithit ng shisha ay posibleng malulong dito na hahanap-hanapin nila araw-araw, dagdag pa ni Anis.

Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), ang dami ng usok sa isang oras na paghithit ng shisha ay tinatayang katumbas ng paghithit ng 100 hanggang 200 sigarilyo. Batay sa resulta ng pag-aaral, tinatayang umaabot sa kalahating litro ng usok ang nalalanghap ng maninigarilyo sa bawat sigarilyo habang ang humihithit ng shisha ay maaring lumampas sa kalahati o umabot pa sa isang litro ng usok ang nalalanghap sa bawat hithit nito.

Muling nagpaalala ang DOH-Bicol na ang paninigarilyo ay nagiging sanhi ng apat na nakamamatay na sakit at ito ay ang obstructive pulmonary diseases, lung cancer, kidney diseases at diabetes. “Hindi lang pinapatay ng naninigarilyo ang kanyang sarili kundi pati ang mga nakapaligid sa kanya gaya ng kapamilya, kaopisina, kaibigan,” sabi ni Sarmiento.

Samantala, ibinalita ng Smoke-Free Albay Network (SFAN) ng nakaraang linggo na nalampasan na nito ang itinakdang 13,000 kalahok para sa pagtatangka sa Guinness World Records (GWR).

“Noong Miyerkules, Hunyo 19, lumampas na sa 15,000 katao ang nagpatala sa aktibidad,” ito ang ipinahayag ni SFAN Chairman at Provincial Board Member Herbert Borja. Ang orihinal na plano na tatanggap pa ng hahabol at magpapatala sa mismong araw ay hindi na gagawin sa mga kadahilanang administratibo at teknikal, ayon kay Borja.

Ang pagtatangka ay gagawin sa Biyernes, Hunyo 28, alas siete ng umaga sa loob ng Bicol University (BU) football field na inaasahang makakakuha ng atensyon at suporta ng buong mundo.

Ang aktibidad ay tampok sa mga serye ng mga kaganapan na inihahanda ng Provincial Government of Albay (PGA) at SFAN sa pagdiriwang ng "International No-Smoking Month" ngayong Hunyo, ayon kay Albay Governor Jose “Joey” Salceda.

“Magbibigay ito ng kaugnayan at kahulugan sa pagpapatupad ng ordinansa ng Albay sa pagbabawal sa paninigarilyo at para magbigay kaalaman sa masamang epekto ng paninigarilyo sa katawan at kapaligiran,” sabi ni Salceda. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

1 comment:

  1. If you are just getting started, joyetech ego aio is definitely the best choice. Besides ijoy captain pd270 mod has absolutely amazing flavors, produces lots of vapor, has a great battery, is extremely convenient to use. Shipping is fast and vapesourcing customer service is friendly. Nothing bad to say.

    ReplyDelete