Monday, June 24, 2013

Huling araw sa pagtala itinakda sa lalahok sa pagtatangka ng Albay sa pinakamalaking human no-smoking sign

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hunyo 21 (PIA) -- Sa paglampas sa inaasahang 13,000 kataong lalahok sa pagtatangka ng Albay sa Guinness World Record (GWR) para sa pinakamalaking "human no smoking sign," nagpasya ang mga organizers na itigil na ang pagpapatala pagsapit ng tanghali Biyernes, Hunyo 21.

“Noong Miyerkules, Hunyo 19, lumampas na sa 15,000 katao ang nagpatala sa aktibidad,” ito ang ipinahayag ni Smoke-Free Albay Network (SFAN) Chairman and Provincial Board Member Herbert Borja sa isang pagpupulong na ipinatawag ng kanilang grupo ngayong linggo. Ang orihinal na plano na tatanggap ng hahabol pa at magpapatala sa mismong araw ay hindi na gagawin sa mga kadahilanang administratibo at teknikal, ayon kay Borja.

Ang mga pangangailangan sa pagtatala, seguridad, kaligtasan, paggawa ng opisyal na damit at paghahanda sa lugar ay kailangang tapusin ilang araw bago ang aktibidad ang kinonsidera at naging batayan ng pagpasya na magtakda ng huling araw sa pagtatala, sabi ng SFAN sa Philippine Information Agency (PIA).

“Nasa 90 porsyento na ang aming kahandaan sa ngayon batay sa naisagawa nang paghahanda at nakakasiguro kaming magaganap ang aktibidad na mahusay batay sa plano,” sabi ni Borja. Papayagan ding pumunta sa lugar ang mga nais manood subalit hindi na sila puwedeng sumali sa loob ng hugis, ayon sa SFAN.

Ayon kay Borja, ang 15,000 kalahok ay makabubuo ng mas malinaw imahe at masmatingkad na kulay para sa pagkuha ng mga larawan at video sa ere batay sa panuntunan ng GWR. “Inaasahan naming makagawa ng madaling makita na no-smoking sign sa malapitan o malayuan,” sabi ni Borja.

Ibinunyag din ng SFAN na may mga nasyonal at internasyonal na organisasyon na ang interesado na sa naiibang estratehiya ng Albay sa pagsulong ng adbokasiya laban sa paninigarilyo sa pandaigdigang larangan.

“Nakatatanggap na kami ng mga mensahe ng pagsuporta galing sa nasyonal at internasyonal na grupo at mga tao na pinupuri ang aming ginagawa,” sabi SFAN Secretariat head Rose Orbita. Sina Metro Manila Development Authority Chairman Francisco Tolentino, Health Justice, Campaign for Tobacco-Free Kids ay kabilang sa mga grupong naunang nagpahayag ng suporta sa aktibidad, ayon kay Orbita.

Samantala, ang Philippine Air Force Tactical Operations Group (PAF TOG 5) na namumuno sa documentation committee ay nagpatawag ng isang pagpupulong sa promosyon and publicity committee na pinangungunahan ng Philippine Information Agency Regional Office V (PIA V) kasama ng SFAN at mga pinuno ng media groups para isa-pinal ang proseso sa media accreditation, requirements at guidelines para sa coverage ng aktibidad.

Ang komunidad ng media ay sasali sa aktibidad sa dalawang pamamaraan: una, magsagawa ng coverage, o pangalawa, sumama sa human no-smoking sign. Habang sinusulat ang balitang ito, nasa 50 lokal na media na ang nagpatala na magsasagawa ng coverage at 143 ay piniling maging parte ng human sign, ayon sa PIA.

“Inaasahan namin na magpapadala ang pambansang media outlets ng mga correspondents sa aktibidad at tatanggapin namin sila ayon sa itinakdang panuntunan,” sabi ni Marlon Loterte ng PIA.

Magkakaroon din ng lugar ang media para sa coverage dahil bawal pumasok ang mga hindi kasali sa pagtantangka sa world record sa perimeter fence na kung saan nasa loob ang mga kasali base sa patakaran ng GWR, dagdag ng PIA.

Sinabi rin ng SFAN na posibleng kunan ng larawan ang aktibidad galing sa outer space ng National Aeronautics and Scientific Administration (NASA).

“Ngayon pa lang ay pinupuri ko at nagpapasalamat ako sa mga tao at organisasyon na kasali ditto na nagseseguro na magiging matagumpay ang aktibidad sa mismong araw,” sabi ni Borja.

Ang aktibidad ay tampok sa mga serye ng mga kaganapan na inihahanda ng Provincial Government of Albay (PGA) at SFAN sa pagdiriwang ng International No-Smoking Month ngayong Hunyo, ayon kay Albay Governor Jose “Joey” Salceda.

“Magbibigay ito ng kaugnayan at kahulugan sa pagpapatupad ng ordinansa ng Albay sa pagbabawal sa paninigarilyo at para magbigay kaalaman sa masamang epekto ng paninigarilyo sa katawan at kapaligiran,” sabi ni Albay Governor Jose “Joey” Salceda.
(MAL/JJJP-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment