Monday, June 24, 2013

DepEd Bikol pinaalalahanan ang publiko sa pagbabawal sa paninigarilyo sa paaralan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hunyo 21 (PIA) -- Nagpaalala ang Department of Education Regional Office V (DepEd Bicol) sa publiko ng isinasaad ng Republic Act 9211 na maskilala bilang Tobacco Regulation Act of 2003 na ganap na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng antas ng paaralan.

Ito ay sa pakikiisa sa buong mundo sa pagdiwang ring International No-Smoking Month ngayong Hunyo at sa pagsuporta sa pagtatangka ng Albay sa kategoryang largest human no-smoking sign ng Guinness World Records (GWR).

Sa isang panayam sa “Aramon Ta Daw,” isang programa sa radyo ng Philippine Information Agency Region V (PIA V), sinabi ni DepEd Bicol Administrative Office Chief Jose Bonto na sakop ng pagbabawal sa paninigarilyo sa mga paaralan ang lahat pati na mga bisita. “Nagpalabas ng kautusan ang DepEd bilang suporta sa R.A. 9211 sa pagbabawal ng paninigarilyo sa lahat nitong tanggapan at paaralan,” sabi ni Bonto.

Sinabi rin ni Bonto na mabigat ang ipinapataw na parusa sa mga lalabag sa kautusan. “Hinihikayat namin ang publiko na isumbong sa amin ang mga estudyante lalo na ang mga guro, mga pinuno ng DepEd at kawani na lumalabag sa kautusan upang masampahan namin ng kaukulang parusa,” sabi ni Bonto. Isiniwalat din niya na may naparusahan nang punong-guro sa Albay na naglabag sa kautusan at batas.

Ayon sa RA 9211, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga lugar na isinasagawa ang mga gawain ng kabataan gaya ng playschools, preparatory schools, mababang paaralan, hayskul, kolehiyo at unibersidad, youth hostels at recreational facilities para sa edad na mababa sa 18 taong gulang.

“Ang mga paaralan at mga tanggapan ng DepED ay walang smoking areas, ang paninigarilyo ay dapat gawin sa labas ng gusali,” sabi ni Bonto.

Ipinagbabawal ng batas ang pagpapabili o pamamahagi ng produktong tabako sa loob ng 100 metro sa alinmang sulok ng perimetro ng paaralan, pampublikong playground o iba pang lugar na pinupuntahan ng kabataan. “Humihingi kami ng tulong sa pulisya, LGU (local government unit) at iba pang maykapangyarihan na magpatupad ng batas dahilan labas ito sa aming sakop,” sabi ni Bonto sa PIA.

Ang batas ay nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang magtakda ng alituntunin sa pagbalot, paggamit, pamamahagi, at patalastas ng produktong tabako. Nagtatadhana ito ng penalidad para sa paglabag ayon sa sumusunod: sa unang paglabag, penalidad na hindi bababa sa P500 subalit hindi lalampas sa P1,000; sa ikalawang paglabag, penalidad na hindi bababa sa P1,000 subalit hindi lalampas sa P5,000; at sa pangatlong paglabag, dagdag sa penalidad na hindi bababa sa P5,000 at hindi lalampas sa P10,000, ay pagkansela ng business permits at lisensiya na magnegosyo.

Bilang bahagi ng adbokasiya ng DepEd Bicol laban sa paninigarilyo, ibinigay nito ang maigting na suporta sa pagtatangka ng Albay’s para sa pinakamalaking human no smoking sign na naglalayong tipunin ang 13,000 katao sa loob ng Bicol University football field sa Biyernes, Hunyo 28, alas siete ng umaga.

Samantala, nagpalabas ng memorandum si Albay Assistant Schools Division Superintendent Bebiano Sentillas para sa lahat division superintendents, supervisors, coordinators, school heads at mga guro na magpadala ng 3,250 kawani ng DepEd na makiisa sa nasabing aktibidad.

Ayon sa Smoke-Free Albay Network (SFAN), maliban sa DepEd Albay Division, mayroon ding 6,876 karagdagang kalahok sa talaan na pinangungunan ng Bicol University na mayroong 3,000 habang magpapadala ang DepEd Tabaco City ng 225, Computer Arts and Technological College ng 209, Pag-asa National High School ng 75 at Ponso National High School sa Polangui na magpapadala ng 17. Ang kumpirmasyon ng iba pang paaralan ay hinihintay pa, sabi ng SFAN sa PIA.

Ang aktibidad ay tampok sa mga serye ng mga kaganapan na inihahanda ng Provincial Government of Albay (PGA) at SFAN sa pagdiriwang ng International No-Smoking Month ngayong Hunyo, ayon kay Albay Governor Jose “Joey” Salceda.

“Magbibigay ito ng kaugnayan at kahulugan sa pagpapatupad ng ordinansa ng Albay sa pagbabawal sa paninigarilyo at para magbigay kaalaman sa masamang epekto ng paninigarilyo sa katawan at kapaligiran,” sabi ni Albay Governor Jose “Joey” Salceda.
(mal/JJJP-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment