Monday, June 24, 2013

Mass Deworming sa mga piling paaralan sa lungsod, isinagawa kamakailan ng BFP

By Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) -- Matapos ang matagumpay na inspeksyon ng Sorsogon City BFP sa mga pampublikong silid aralan sa lungsod ng Sorsogon, ay muling nagsagawa ang mga ito ng malawakang deworming sa mga piling paaralan sa lungsod.

Nabiyayaan ng kanilang programa ang mahigit kumulang sa 150 mag-aaral ng Our Village Village sa Bibincahan Sorsogon City noong Hunyo 13, 2013.

Ang nasabing programa na pinamagatang "Deworming Day" ay pinangunahan ng masigasig na opisyal at hepe ng City BFP na si SINP Walter Badong Marcial.

Ayon sa pahayag ni Marcial, bago aniya tuluyang isinagawa ang deworming sa nasabing paaralan ay nauna nang ipinaliwanag ng grupo ni Chief Emergency Medical Service Team FO1 Maricur Destajo sa mga magulang ang kahalagahan ng kalinisan sa katawan o ang kaugaliang paghuhugas palagi ng kanilang mga kamay bago at matapos kumain.

Tinalakay ang kalinisan upang hingin ang suporta at giya ng mga magulangang sa gayon ay matuto ang mga bata ng kalinisan. Sa oras na naging ritwal na sa mga bata ang kalinisan ay mababawasan ang posibilidad na magkaroon sila ng Parasite Helminths sa katawan.

Ayon naman kay Destajo malaki ang negatibong epekto dala nang nasabing parasito sa pisikal at mental na aspeto ng mga bata.

"Base sa ating research na nabasa sa website ng Livestrong .com ang kadalasang epekto ng parasito sa bata ay kawalan ng ganang kumain na nagreresulta ng mabilis na pagbaba ng timbang ng mga ito at diarrhea o pagtatae na maaring mauwi sa dehydration," dagdag pa nito.

Isang paraan ang deworming program ng BFP upang makatulong sa mamamayan upang mapanatili ang malusog na pangangatawan.

Sa Miyerkules, Hunyo 24, 2013 ay naka iskedyul silang magsasagawa ng deworming sa Sorsogon Pilot Elementary School. ( MAL/FBT-PIA5 Sorsogon)

No comments:

Post a Comment