Friday, June 21, 2013

Presyo ng mga bilihin sa Sorsogon nananatiling matatag, ayon sa LPCC

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) -- Walang nakitang pagbabago ang Local Price Coordinating Council (LPCC) sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin na matatagpuan sa mga pamilihan at palengke ng Sorsogon.

Ito ang halos naging laman ng mga ulat na ibinahagi ng Department of Trade and Industry (DTI), Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), National Food Authority (NFA) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa ginawang pagpupulong ng mga kasapi ng LPCC noong Biyernes, Hunyo 14, 2013.

Sa ulat ng CENRO, sinabi nitong pinakamababa sa buong rehiyon ng Bicol ang presyo ng mga nipa shingles na ibinebenta sa Sorsogon. Pangunahing supplier nito ay ang mga bayan ng Pilar, Matnog at Donsol. Pinakamababang presyo ng nagmumula sa Matnog.

Iniulat din nito na sa buong lalawigan, dalawa lamang ang rehistradong lumber dealer, ang I. Diaz sa Brgy. Ariman, Gubat at ang Ruffer Construction Supply sa Guinlajon, lungsod ng Sorsogon.

Sa panig naman ng OPA, presyo ng pili ang huling sinubaybayan nila kung saan wala silang naitalang pagbabago sa halaga ng “lagting,” “tinildan,” at bunga nito.

Ayon naman sa NFA, ginagawa nila ang pagbili at pagbenta ng palay at lahat umano ng grains retailer ay sinusubaybayan nila. Nananatili ding matatag ang presyo ng palay at bigas sa lalawigan.

Ibinalita din nito na pumangalawa ang Sorsogon sa Daet, Camarines Norte sa may pinakamalaking procurement accomplishment sa taong 2012. Nananatiling sapat din umano ang suplay ng bigas at palay sa Sorsogon at wala silang nakikitang magiging kakulangan sa suplay nito. Dagdag pa niya na may 5,000 sakong imported na bigas ang darating sa kanila bilang paghahanda sakaling magkaroon ng mga sakuna o kalamidad.

Ayon naman kay DTI Sorsogon information officer Senen Malaya, may mga naitala din silang mangilan-ilang pangunahing pangangailangan na tumaas ang presyo ngunit napakaminimal lamang ng mga ito at mayroon ding mga produktong bumaba naman ang presyo. Sa kanilang pagtatasa sa kabuuan, ay wala silang naitalang mahalagang galaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gumagawa din ng price watch ang Sorsogon Consumers Association (Sorcass) katuwang ang DTI. Wala din itong naitalang mahalagang galaw sa halaga ng bilihin, subalit binigyang-diin nito ang kanilang mga obserbasyong nakita sa ilang tindahan sa lungsod ng Sorsogon lalo na ang mga paglabag ng ilan sa Price Tag Law at mga produktong walang Import Commodity Clearance (ICC).

Sinabi ni DTI Sorsogon provincial Director Leah Pagao na may mga kaugnay na reklamo na ring inaksyunan ang DTI sa pamamagitan ng pagbibigay ng notice sa mga ito na naitama na rin, habang ang iba naman ay binigyan na rin ng kaukulang penalidad.

Nilinaw din ni Pagao na hindi dapat na gawing pamalit sa price tag ang price scanner.

Aniya, nakasaad sa batas na dapat na may mga price tag ang bawat produktong nakadisplay lalo na sa mga malalaking tindahan.

Dagdag din nya na sinimulan na nila ngayong taon lamang ang pagsubaybay sa mga halaga ng bottled water at noodles bilang basic commodities na dati ay kabilang sa prime commodities.

Ang price monitoring ay isang epektibong paraan upang matulungang maayos na mabadyet ng mga mamimili ang kanilang pambili, sapagkat nabibigyan sila ng malinaw na senaryo pagdating sa halaga ng mga bilihin sa iba't ibang mga pamilihan.

Maaari namang makipag-ugnayan ang publiko kung sila ay may iuulat na reklamo o katanungan sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI o di kaya’y itext ang kanilang hotline sa numerong 09272907771 o tumawag sa numerong 421-5553. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)






No comments:

Post a Comment