Friday, June 21, 2013

Tamang pamamaraan sa pagtatanim ng mga puno isasagawa sa pamamagitan ng paligsahan

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Hunyo 21 (PIA) -- Isasagawa sa pamamagitan ng paligsahan ang tamang pamamaraan sa pagtatanim ng iba't ibang puno mula sa pribado at pampublikong organisasyon at indibidwal sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ang mga benepisyaryo na tumanggap ng mga pantanim na punong-kahoy sa taong 2003 na nabigyan ng Ecosystem and Environmental Resource Management Division (EERMD) sa ngayon ay Provincial Government-Provincial Environment and Natural Resources Office (PG-PENRO) ng pamahalaang panlalawigan.

Sa loob ng 10 taon (2003-2012), unang isasagawa ng PG-PENRO ang field verification ngayong buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ngayong taon para sa dokumentasyon upang matukoy ang mga bibigyan ng parangal.

Ito ay upang malaman ang bilang ng mga nabuhay na puno tamang pangangalaga nito mula sa kanilang forest plantation.

Batay sa talaan ng PG-PENRO, pipiliin sa mga indibidwal at organisasyon ang nabigyan ng 1,000 pantanim upang matukoy na sila ay kuwalipikadong kalahok bago isagawa ang ebalwasyon.

Kabilang sa mga puno ang Mahogany, Gemelina, Dau, Kamagong at iba pang mga forestry seedlings mula sa nursery ng pamahalaang panlalawigan.

Pipiliin dito ang 10 tatanggap para sa pinakamahusay na best plantation kung saan tatanggap sila ng plake ng pagkilala kasama rin nito ang 200 iba't ibang pantanim na punong-kahoy.

Sa isasagawang ebalwasyon, kailangan na ipakita ng mga benepisyaryo ang lugar na kanilang pinagtaniman at dapat rin na nasa maayos din itong lugar ganundin ang kanilang tamang pangangalaga at pamamaraan ng pagtatanim nito sa nakalipas na 10 taon.

Ayon kay PG-PENRO Engr. Leopoldo Badiola, layunin ng paligsahan na masiguro ang mga punong itinanim na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa mga benepisyaryo ay napangalagaan ng mabuti at pakikinabangan ng lalawigan.

Ayon pa rin kay Badiola, ang mga puno ay malaking tulong sa paglaban sa pabago-bagong panahon o climate change at global warming ganundin kapag mayroong kalamidad katulad ng bagyo at pumipigil din ito sa pagtaas ng tubig sanhi ng pagbaha o labis na pag-ulan.

Ang naturang paligsahan ay nasa ilalim ng Forestry Seedlings Production and Tree Planting Program na ipinatutupad ng PG-PENRO ng pamahalaang panlalawigan.

Ang paglisahan ay bahagi rin sa selebrasyon ng Environment Month ngayong buwan ng Hunyo sa temang “Think. Eat. Save. Reduce your foodprint.” (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment