Thursday, July 11, 2013

Gobernador nanawagang tuldukan na ang karahasan

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 11 (PIA) -- Nanawagan si Sorsogon Governor Raul R. Lee sa Armed Forces of the Philippines at sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CNN) na tapusin na ang mga engkwentro at karahasan sa lalawigan ng Sorsogon.

Ito ay kaugnay ng mga naganap na engkwentro sa pagitan ng Philippine Army 31st Infantry Battalion at mga kasapi ng CNN sa Barangay Upper Calmayon nitong Hulyo 4 na sinundan ng isa pang engkwentro sa bayan ng Irosin at dalawa ring magkasunod na panggugulo sa bayan ng Gubat.

Ang pangyayaring ito ay nagpapakita lamang umano na napakahirap abutin ang minimithing kapayapaan ng lahat ng mga Pilipino kahit pa nga abot-kamay na lamang ito.

Aniya, hindi na ito matatawag na isolated sapagkat ang labanan sa pagitan ng dalawang panig ay nagaganap na rin sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan tulad ng Casiguran, Gubat at Irosin.

Ayon sa gobernador, pati mga inosenteng sibilyan ay nadadamay sa mga nagaganap na enkuentro.

Noong nakaraang Hulyo 7 isang babaeng mag-aaral at kasali sa isinagawang Fun Run ng Bicol University-Gubat Campus ang tinamaan ng bala matapos na paputukan ng baril ng mga hinihinalang rebelde ang mga pulis ng Gubat Municipal Police Station na noo’y nagbibigay seguridad sa 158 na kalahok sa Fun Run sa Brgy Buenavista, Gubat, Sorsogon. Mapalad na lamang at ligtas na nakauwi ito matapos ang halos ay isang araw na pamamalagi sa ospital.

Ayon kay Gov. Lee, nababahiran ng dungis ng nagaganap na mga karahasan ang magandang imahe ng lalawigan at nahahadlangan din ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na mailagay sa mapa ang Sorsogon bilang mapayapa at ligtas na destinasyon para sa mga turista at mga imbestor.

Kaugnay nito, nanawagan ang gobernador sa lahat ng sangkot sa mga pangyayari na magbukas ng isang makatuturang dayalogo sa lokal na lebel upang maiwasang may mabuwis pang buhay at hanapin ang lahat ng paraan upang makapagpatupad ng mainam na pormula para sa pangmatagalang kapayapaan.

Nanawagan din ito sa mga inter-faith leader sa lalawigan na samahan siya sa pagkamit ng kapayapaan.

Sinabi din niyang bukas ang kanyang tanggapan at ang rekurso ng pamahalaang panlalawigan bilang unang hakbang sa pag-abot sa mga nasa bundok at sa mga military upang tuluyan nang matuldukan ang walang katuturang labanang ito. (MAL/BAR-PIA5, Sorsogon)

No comments:

Post a Comment