Friday, July 26, 2013

Ika-4 na SONA ni Pnoy pinakamaganda sabi ni Sen. Chiz, mga pinuno sa Bikol sang-ayon

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 26 (PIA) -- Ang pang-apat na State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III ay ang pinakamaganda sa ngayon.

Ito ang reaksiyon ng Bicolanong senador na si Francis Joseph “Chiz” Escudero na tumakbo sa ilalim ng Team Pnoy ng Pangulo sa nakaraang halalan noong Mayo na nakuha ang pang-apat na pwesto sa mga nanalong senador.

“Kumpara sa dati, bagamat medyo mahaba, ito na ang pinakamaganda, detalyado, maliwanag at klarong SONA ni Pangulong Aquino,” sabi ni Escudero. Inilatag ng pangulo ang mga bagay-bagay na nais niyang makita at mangyari at ‘yung mga bagay-bagay na gagawin pa niya sa darating na tatlong taon, dagdag ni Escudero.

Subalit nais sana ni Escudero na naisama ng Pangulo sa kanyang SONA ang kontrobersiyal na Freedom of Information Bill. “Pero maliwanag din naman ang posisyon ng Pangulong Aquino tungkol dun na hindi siya kumbinsido at ‘yung bersyong hinahanap at pinapagawa niya ay hindi pa niya nakikita,” sabi ni Escudero.

Suportado rin ni Escudero ang mga pangunahing prayoridad ni PNoy sa huling tatlong taon ng kanyang panunungkulan na gawing sustenable ang paglago ng ekonomiya at magkaroon ng tinatawag na inclusive growth.

“Dalawang bagay para sa akin, una, paano gawing sustainable ang paglago at pagganda ng ating ekonomiya. At higit pa roon, paano maging inclusive ito at maparamdam sa pinakanangangailangan at mahihirap nating kababayan at hindi lamang dun sa mayaman,” dagdag ni Escudero.

Samantala, sumang-ayon din ang mga matataas na pinuno sa Bicol sa pangkalahatang nilalaman ng SONA. Nagalak si Department of Tourism (DOT) Regional Director Maria Ong-Ravanilla sa pagkabanggit ng Bicol International Airport bilang isa sa mga pangunahing proyekto ni PNoy. “Nangangahulugan na makokompleto ito pagdating ng 2016 at magdadala ito ng mas maraming turista sa Bicol,” sabi ni Ravanilla.

Nag-ambag ang Bicol ng 17 porsyento o 700,000 sa 4.2 milyon na banyagang turista noong 2012, ayon kay Ravanilla. “Inaasahan naming makaambag ng isang milyong banyagang turista o kaya 10 porsyento na inaasahang banyagang turista ayon sa bagong target,” sabi ni Ravanilla. Aabot sa P10M na kita ang inaasahang makukuha ng Bicol sa industriyang turismo, dagdag pa niya.

Inilarawan ni Land Transportation Office Assistant Regional Director Vincent Nato ang SONA ni PNoy tulad ng sikat na pagkaing Pilipino na adobo na kumpleto ang sangkap. “Tinatawag namin itong ‘kumpletos recados’ tulad ng adobo na kailangan nang tikman,” sabi ni Nato. Sa pagsulong ni PNoy sa ‘matuwid na daan’ ang pamahalaan ay nakatipid sa badyet na naidagdag sa ibang prayoridad na proyekto, ayon kay Nato. “Mas desidido na ngayon ang pamahalaan sa pagsulong ng tuwid na daan,” dagdag ni pa Nato.

Sinuri naman ni Maria Libertad Mella-Dometita, project manager ng European Union-supported good governance project ng Integrated Rural Development Foundation of the Philippines (IRDF) ang SONA na naglalaman ng sapat na impormasyon at may ‘entertainment value.’

“Nagamit ng mainam ang multi-media, mainam ang ulat sa rice export at nabanggit ang reproductive health,” sabi ni Dometita. Subalit ang testimonya sa 4Ps ay mistulang case study na hindi naaayon sa pangkalahatang resulta at masyadong nabigyan ng tuon ang ‘pogi points’ para sa military at pulis, ayon kay Dometita. “Hindi nabanggit sa SONA ang pinaka-ugat ng isyung agraryo,” dagdag ni Dometita.

Samantala, pinaliwanag ni Regional Director Maria Celestina Manlangit-Tam ng Department of Agrarian Reform na tinuturing na ‘barometro’ ang Hacienda Luisita para sa mga naisagawa ng ibang rehiyon kung kaya’t binigyan ito ng tuon sa SONA. “Kung kayang gawin ng aming mga kasamahan sa Rehiyon 3 ang ginawa nila sa Hacienda Luisita, inaasahan ring kaya din naming gawin sa iba't ibang rehiyon ito (na pamamahagi ng mga lupaing pinagtatalunan),” sabi ni Tam.

Aprubado rin ni Tam ang pagsasama ng mga kapuri-puring mga kawani ng pamahalaan na namukod tangi sa kanilang trabaho na nagbigay ng pag-asa at nagpatunay na kayang tahakin ang ‘tuwid na daan.’ “Bilang kawani ng pamahalaan, karangalan kong maging bahagi ng tagumpay ng pamahalaan dito sa Bicol lalo na sa pagsilbi sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo na aming mandato,” sabi ni Tam. Katotohanan ang ipinahayag ng Pangulo na nakakaabot ang kaunlaran sa kanayunan, dagdag ni Tam. (MAL/JJJPerez-PIA5-Albay)

No comments:

Post a Comment