Wednesday, July 10, 2013

Masbate, kasali na sa e-blotter project ng PNP

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Hulyo 10 (PIA) -- Bumili nang mga bagong computer ang police headquarters sa probinsya ng Masbate upang makasali ito sa electronic blotter o e-blotter ng Philippine National Police at gawing makabago ang imbakan ng datos sa lahat ng mga istasyon ng pulisya sa Masbate.

Ayon sa PNP Provincial Director na si Senior Superintendent Heriberto Olitoquit, may kabuuang 17 ang bagong computer sets na binili ng kanyang tanggapan upang maipatupad ang bagong sistema na bahagi ng PNP modernization program.

Tiniyak ni Olitoquit na bawat himpilan ng pulisya sa mga bayan ay nakatanggap ng isa sa mga computers sets na may program ng sistema at may printer.

Ang mga kawani ng pulisya na hahawak sa mga computer ay binigyan ng ng hands-on training, ayon pa sa police provincial director.

Ang computer sets aniya ay naipamahagi na sa mga hepe ng himpilan upang agad na masimulan ang pagpapatupad ng bagong sistema sa pagba-blotter.

Ang bagong sistema ay walang gastos na proyekto dahil ang software ay binuo sa pamamagitan ng lokal na mga programmer ng PNP Information Technology Management Service (ITMS) na in-install sa desktop ng bawat himpilan at mga yunit ng pulis.

Subalit kahit na sa bagong sistema, ang mga ulat sa pulis ay mano-manong ila-log at sa parehong panahon, ang mga ito ay naka-encode sa isang computer na naka-link sa central reporting network na tinaguriang PNP Crime Incident Reporting System.

Kung walang aberyang magaganap, ang sistema ay ganap na ipatutupad sa lalawigan, ayon pa kay Olitoquit. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)

No comments:

Post a Comment