Tuesday, July 23, 2013

Mga residente ng Camarines Sur, positibo ang naging pananaw sa SONA ni PNoy

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Hulyo 23 (PIA) -- Positibo ang naging pananaw ng mga taga Camarines Sur matapos na marinig kahapon ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Una nang hinikayat ni Alkalde John G. Bongat sa lungsod na ito ang lahat ng mga empleyado ng City Hall na manood ng SONA at inihayag din nito na siya ay naniniwalang marami pang mga mahihirap ang matutulungan ng mga programang nais na ipatupad ng Pangulo sa natitira pa nitong tatlong taong paninilbihan.

Ayon kay Bongat, isa sa mga pambihirang nagawa ng administrasyon ay ang pagpapatupad ng 4P’s o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan maraming pamilya ang natutulungang maiangat ang pamumuhay.

Partikular nitong tinukoy ang mga responsibilidad ng mga magulang na kailangan nilang tuparin upang makuha ang benepisyo na itinalaga ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

"Maliban sa disiplinang tulong nito sa mga magulang, malaki rin ang tulong ng 4Ps upang maging maganda ang kalagayan ng kalusugan ng mga bata, partikular ang nasa edad 0 hanggang 14," dagdag pa ni Bongat.

Ayon naman sa isang komentarista ng radyo dito sa lungsod na si Jo Usabal ng DWKM-FM, tama lamang ang mga iniulat ni Pangulong Aquino sa bayan o ika-4 na SONA nito kahapon.

Sinabi niya na hindi pa tapos ang kanyang termino na anim na taon kung kaya pwede siyang markahan ng 7 kung 1-10 ang rating na pagpipilian.

"Nasa kalagitnaan pa lamang ang kanyang panunungkulan at maraming pa siyang matatapos na trabaho o pangako kung kaya dapat hintayin na lamang na matapos ang termino bago husgahan ng mga kritiko ang mga nagawa ng pangulo", ayom pa kay Usabal.

Marami rin sa mga taga Camarines Sur ang naniniwala na mas naging maunlad ang komersiyo at kalakal sa ekonomiya sa pangkalahatang aspeto nito.

Angat din para sa kanila ang nasimulan ng paglaban ng Pangulo sa katiwalian na ngayon ay nagbubunga na. Ayon naman sa iba, dapat ipagpatuloy ang paglalagay o pagtatanim ng mga mabubuting opisyal na karapat dapat sa posisyon sa pamahalaan upang matupad ang pagnanais na matuldukan ang katiwalian sa pamahalaan. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)

No comments:

Post a Comment