Thursday, July 25, 2013

Ordinansang 'Anti-child labor', isinusulong sa Masbate

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Hulyo 25 (PIA) -- Hihilingin sa Sangguniang Panlalawigan ng Masbate na magpasa ang isang ordinansa para sustentuhin ng lokal na pamahalaan ang programa sa pagpigil at progresibong eliminasyon ng child labor sa Masbate.

Kung maipapasa ang ordinansa, ang programa na itinaguyod sa huling tatlong taon ng grupong Provincial Anti-Child Labor Committee ay magiging pamantayan sa patuloy na kampanya laban sa child labor.

Nakumpirma ng isang pagsusuri na isinagawa noong taong 2009 na hindi kakaunting kabataan sa probinsya ng Masbate ang hindi pumapasok sa paaralan dahil sila’y naghahanapbuhay sa dagat, minahan, sakahan at iba pang pinakamalalang anyo ng child labor.

Batay sa mga batas, hindi pinapayagang manilbihan bilang hanapbuhay ang batang mas mababa sa kinse anyos ang edad.

Dahil sa lumagda ang Pilipinas sa United Nations on the Rights of the Child at gumawa ito ng pambansang balangkas sa pagpigil sa child labor, dinala ng International Labor Organization (ILO) ang International Program for the Elimination of Child Labor sa Masbate upang ang lalawigan ay magsilbing isa sa pilot areas ng programa.

Ang suporta ng ILO sa tatlong taong programa ay magtatapos sa darating na Setyembre.

Ayon kay Chito Atibagos ng Department of Labor, positibo ang resulta ng programa kaya ang progresibong eliminasyon ng child labor sa Masbate ay magtutuloy-tuloy kung may ordinansa para sustentuhin ng LGUs ang mga gawain ng anti-child labor committee.

Ang panukalang ordinansa aniya ay nag-aatas sa LGU na laanan ng pondo ang programa at ipatupad ang parusang ipapataw sa mga nasasangkot sa child labor.

Kampante aniya ang grupong nagtatagyod ng anti-child labor campaign na maipapasa sa Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa para sa ikabubuti ng mga batang manggagawa. (MAL/EAD/PIA5 Masbate)

No comments:

Post a Comment