Monday, August 12, 2013

14 Purok lalagyan ng Photovoltaic Solar Home System ng DOE sa Camarines Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Agosto 12 (PIA) – Labing apat na Purok sa lalawigan ang natukoy na magiging benepisyaryo ng Household Electrification Program (HEP) na gagamitan ng Photovoltaic (PV) Solar Home Systems o PVSHS para sa off-grid electrification ng Department of Energy (DOE).

Makakatulong ng DOE sa paghahatid sa serbisyong pailaw sa mga coastal areas ng lalawigan ang Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) na magsisilbing distribution utility.

Sa may 653 kabahayan na sakop ng PVSHS, 66 na sambahayan mula sa dalawang (2) Purok ng Macolabo Island, Paracale ang mabebenepisyuhan; 345 sa anim (6) na Purok sa Banocboc Island, Vinzons; 63 sa dalawang (2) Purok ng Mangcawayan, Vinzons; at 179 sambahayan naman sa 4 na purok ng Pinagtigasan, Vinzons.

Kaugnay nito nagsagawa ng paghahanda kamakailan sa pamamagitan ng “social preparation” ang DOE katulong ang CANORECO at Central Bicol State University of Agriculture-Affiliated Renewable Energy Center (CBSUA-AREC).

Itinatag din nila ang kinakailangang Solar Power Associations (SOPAs) na siyang sasanayin para mangasiwa sa pagpatakbo at pagpanatili ng natural proyektong HEP.

Ito ang ipinaabot kamakailan ni Director IV Mario Marasigan ng DOE sa tanggapan ni Gobernador Edgardo Tallado. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte) 

No comments:

Post a Comment