Saturday, August 17, 2013

54 sundalo, pulis sumasailalim sa Small Unit Operation Training

BY: BENILDA A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 17 (PIA) -- Sinimulan na noong ikalawang linggo ng Agosto sa kampo ng 903rd sa Barangay Poblacion bayan ng Castilla, Sorsogon ang unang araw ng Small Unit Operation Training Class-01-13 ng 54 na mga kasapi ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay 903rd Brigade commander Joselito E. Kakilala, ang pinagsanib na pagsasanay na ito ng mga sundalo at pulis ay upang mas mahasa pa ang inter-operability o capability ng mga kasapi ng Philippine Army at PNP sa pagsugpo ng mga armadong grupo at masasamang elementong nagdadala ng kaguluhan sa lalawigan ng Sorsogon.

Dagdag pa ni Kakilala na nais nilang palawakin pa nang husto ang nalalaman at kasanayan ng mga sundalo at pulis na palaging nakasuong sa panganib ang mga buhay.

Ito ang kauna-unahang joint training ng Philippine Army at PNP na isinagawa ng 903rd Brigade.

Labing-anim (16) na mga pulis mula sa PNP Sorsogon, 24 na sundalo mula sa 31st Infantry Brigade na nakabase sa Rangas, Juban, at 14 na sundalo mula sa 903rd Brigade ang isinailalim sa pagsasanay.

Bahagi ng pagsasanay ang pagbibigay sa kanila ng refresher lecture na una na nilang pinagdaanan ng mag-umpisa silang pumasok sa ganitong propesyon tulad ng General Information Module, Military Courtesy and Discipline, Bayanihan Best Practices, Individual Skills Development Module, Small Unit Leadership, Troop Leading Procedure, Map Reading at Land Navigation.

Sasailalim din sila sa Squad Tactics, Immediate Action Drill at iba pang Field Training Exercises para mas mapapalim pa ang kanilang kakayahan bilang mga sundalo, lalo na pagdating sa mga combat operation.

Magtatagal ng isang buwan ang Small Unit Operation Training ng mga ito kung saan magiging taga-pagsanay nila dito ang mga batikang instructor ng Scout Rangers at Special Forces mula sa Battalion at 903rd Brigade.

Samantala, nagpaabot din ng mensahe ng inspirasyon si Police Supirentendent Edgar Ardales, Deputy Director ng Police Provincial Office sa mga nagsasanay na pulis at sundalo at sinabi din niyang bahagi lamang ang pagsasanay na ito ng kanilang propesyon na tiyak na makakatulong sa kanila sa lahat ng mga gagawin nilang operasyon. (MAL/BAR/LBJimenez/PIA5)

No comments:

Post a Comment