Friday, August 16, 2013

Galing Mason Award inilunsad

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZP, Agosto 16 (PIA) -- Inilunsad ng Holcim Philippines, Incorporated ang Galing Mason Award para sa taong kasalukuyan upang magbigay pugay sa mga Pilipinong mason na nagpakita ng kakayahan at pagpunyagi sa kanilang gawain at modelong mamamayan sa kanilang pamayanan.

Sa pahayag na inilabas ng Holcim Philippines, bukas na sa mga indibidwal o lehitimong organisasyon na magsumite ng nominasyon para sa mga nagtatrabahong mason na edad 25 taong gulang pataas at nakatira sa kanilang pamayanan sa loob ng isang taon o mahigit. Ang nominado ay dapat nagtataglay ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) Certificate of Masonry.

Kailangang kasabay sa nominasyon ang certificates of good moral character galing sa dalawang lokal na organisasyon at mga kinakailangang mga dokumento na isusumite sa pinakamalapit na opisina ng Tesda. Ang nominasyon ay tatanggapin hanggang Agosto 16, 2013.

Ang mga nominado ay isasailalim sa tatlong baytang na proseso sa pagpili: panlalawigan, pang-rehiyon at pambansa. Ang pangunang tatlong nominado lamang galing sa rehiyon ang lalahok sa pambansang kompetisyon. Ang magwawagi ay pipiliin base sa kaniyang nagawa, kaalamang teknikal at propesyunalismo. Ang seremonya ng paggawad ay nakatalaang gawin sa Oktubre 25 sa New World Hotel sa Makati.

Ang itatangahal na pinakamagaling na mason ay makakatanggap ng halagang P150,000 cash at Mason Statuette na nililok ng tanyag na Paete artist Glen Cabanan. Samantalang ang mga nanalo sa rehiyon ay makakatanggap ng halagang P25,000 cash at ang nagnominang indibidwal o organisasyon na nagpadala ng pinakamaraming nominasyon ay bibigyan ng P15,000.

Ang unang Galing Mason Award noong 2007 ay napanalunan ni Sergio Barliso ng Cebu, ang patimpalak noong 2009 ay pinangunahan ni Rodante Andres ng Capiz at ang mga nanalo noong 2011 ay sina Eduardo Latap ng National Capital Region at Alejandro Tagle ng Cagayan Valley.

“Mahalaga ang papel ng mga mason dahil sa gumagawa sila ng mga estrukturang kinakailangan sa pag-unlad ng ating bansa,” sabi ni Holcim Phils. Sustainable Development Head Michael Cabalda. Marapat lamang na parangalan sila sa paggawa ng kanilang tungkulin ng maayos at pagiging modelo sa kanilang pamayanan, dagdag ni Cabalda. “Inaasahan naming inonomina silang mga organisasyong nakakakilala sa kanila.”

Ang Holcim Galing Mason Award, na ginaganap tuwing dalawang taon, na bahagi ng programa sa corporate social responsibility ng kompanya sa pakikipagtulungan ng Tesda, Philippine Contractors Association ((PCA) at Association of Construction and Informal Workers (ACIW). Ang iba pang aktibidad ay Galing Mason Olympics, tatlong araw na masonry competition at ang Galing Mason Training, pitong araw na pagpapa-unlad ng kakayahan at certification program.

Isinasagawa ng Holcim Philippines ang programang Galing Mason upang makatulong sa pagpapaunlad ng kakayahan at kaalaman ng mga mason sa kanilang gawain at isa-propesyunal ang industriya. Nakapagbigay na ng kasanayan ang kompanya sa mahigit 8,000 na mason sa ilalim ng programa.

Sa karagdagang detalye sa patimpalak, makipag-ugnayan sa Galing Mason Award hotlines mobile numbers 0919-536-7425; 0917-866-4252 at email galingmasonawards@yahoo.com. Ang nomination kits ay makukuha sa Holcim at mga opisina ng TESDA at sa PCA at ACIW chapters sa buong bansa. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment