LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 14 (PIA) -- Mahigit 60 narses ng mga pampublikong paaralan at mga pambayang sentro ng kalusugan sa probinsya ng Masbate ang magtatapos ngayong Huwebes sa dalawang araw na pagsasanay sa pagsusuri sa mga sakit sa mata.
Ang mga narses na ito ay magsasagawa ng pagsusuri sa mata ng mga mag-aaral at mga indibidwal na humihingi ng tulong sa mga pambayang sentro ng kalusugan upang matiyak ang may kapansanan sa paningin.
Sinabi ng lider ng mga tagapagsanay na si Mavis Campos ng Cataract Foundation Philippine Inc., ang mga may katarata na walang pambayad sa operasyon ay may pagkakataong maoperahan ng libre sa medical mission na isasagawa sa Masbate ng kanilang grupo sa darating na Oktubre.
Ayon kay Mavis, ang katarata ay parang ulap na tumatakip sa lente ng mata at humahantong sa pagdilim ng paningin. Ito ang pinaka-kariniwang sanhi ng pagkabulag.
Sa ospital sa Masbate na nagtatanggal ng katarata, mahigit P16,000 ang sinisingil nito sa bawat matang ooperahan.
Tinatayang 25,000 mamamayan sa Masbate ang may katarata.
Bukod sa pagsasanay sa optalmolohiya, tinuruan din ang mga narses ng paghadlang sa pagkawala ng pandinig.
Sinabi ni Mavis na ang nakasanayang paggamit ng cotton buds o swab sa paglilinis ng taynga ang umano’y pinaka-karaniwang sanhi ng hearing loss dahil sa nalalagot nito ang ear drum.
Ang libreng serbisyo ng Cataract Foundation Philippine Inc. ay suportado ng Rotary Club of Masbate at Rotary Club of Canberra City ng bansang Australia.
Sa tambalang ito ng Rotary Club at Cataract Foundation Philippines Inc., umaaliwalas ang pag-asa na may pagkakataon pang luminaw ang paningin at pandinig ng mga nanganganib mabulag at mabingi dahil sa katarata at maling kinagawian sa taynga. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
No comments:
Post a Comment