Friday, August 2, 2013

Pagsulong ng katarungan, dadaanin sa fun run

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGASPI, Agosto 2 (PIA) -- Pagugulungin ang katarungan sa pamamagitan ng takbuhan o fun–run na pamumunuan ng mga piskal ngayong hapon hanggang gabi ng Biyernes, Agosto 2.

Tinaguriang “Run for Justice-night fun run” at may temang “Boronyog na Kusog Kan mga Piskal sa Bikol Para sa Hustisya (Pinagsamang lakas ng mga Piskal sa Bikol para sa Hustisya),” ang kaganapan ay tampok sa pagtatapos ng ika apat na regional convention ng Prosecutors League of the Philippines simula kahapon, Agosto 1 hanggang ngayong araw.

Ayon kay Regional Prosecutor Mary May De Leoz, layunin ng aktibidad na palakasin ang kanilang mithiin at samahan ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pagsulong ng katarungan.

Ang takbuhan ay gagawin sa Legazpi Boulevard (Coastal Road) na binubuo ng limang kilometro na magsisimula malapit sa Kapuntukan Hill at iikot pagdating sa 2.5 kilometro malapit sa ikalawang tulay ng lungsod ng Legazpi.

Ang takbuhan ay may anim na kategorya at ito ang sumususunod; minors para sa edad 17 pababa, young adults para sa edad 18 hanggang 30, prime life para sa 31-40, midlife para sa 41-50, golden years sa 51-59 at senior citizens para sa 60 pataas.

Makatatanggap ang pinakaunang babae at lalaking makatatapos ng takbuhan ng medalya, P3,000 cash, at travelling bag. Ang mga mangungunang babae at lalaki sa bawat kategorya ay makatatanggap din ng medalya at travelling bag.

Magsisimula ang takbuhan mamayang alas singko ng hapon. Ang lahat ng lalahok ay kailangang nasa Legaspi Boulevard bago mag alas kwatro ng hapon, ayon kay De Leoz. (JJJPerez/PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment