Thursday, September 5, 2013

DSWD inilunsad ang reg'l profile of poor households sa Bicol

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Sept 5 (PIA) – Inilunsad ng Social Welfare and Development (DSWD) regional office dito ang unang Regional Profile of Poor Households ng Bicol upang magamit ng mga ahensiya at organisasyon bilang basehan sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto para sa mga maralita at mahinang pangkat ng lipunan.

Ayon kay DSWD 5 regional director Arnel B.Garcia ang database o "Listahanan" ay resulta ng isinagawang survey sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTSPR) na maaaring gamitin ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagplano at pagsagawa ng mga interbensyon na kinakailangan ng mga marginalized sectors.

“Sa pamamagitan ng “Listahanan” nakakasiguro tayo na talagang ang mga tunay na mga mahihirap ang  nakikinabang sa mga poverty reduction interventions ng DSWD at iba pang ahensiya at organisasyon na gumagamit ng ating database,” pagbibigay-diin ni Garcia.

Ang profiling ng mga mahihirap na kabahayan ay inalam sa pamamagitan ng household assessment na isinagawa sa buong rehiyon mula 2009 hanggang 2011. Dito nakasaad ang katangian, lawak, kasalukuyang kalagayan at iba pang statistical data na tinipon mula sa nakilalang 461, 242 na mahihirap na kabahayan sa rehiyon.

Paliwanag pa ni Garcia ang layunin ng pamamaraan na ito na maipakita ang kahalagahan ng istatistika sa pag-alam ng estado ng kahirapan sa rehiyon na isa sa mga pangunahing isinasaalang-alang sa pagsasagawa ng mga lokal na estratehiya upang maibsan ang kahirapan.

Ang muling pagkalap ng mga bagong datus ay isasagawa sa rehiyon sa huling tatlong buwan ng taong ito na magiging bahagi din ng 2nd nationwide assessment.

Ang DSWD, dagdag ni Garcia, ay nagsasagawa rin ng oryentasyon sa mga programa ng departamento sa tuwing nagsasagawa ng nasabing aktibidad upang mahimok ang mga local government units at punong tagapaganap na suportahan at isagawa ng tama ang mga panlipunang serbisyo sa kanilang nasasakupan.

Ang NHTSR database ang siya ring basehan ng nasyonal na ahensiya ng pamahalaan sa pagtukoy ng mga makikinabang sa kanilang social protection programs upang masiguro ang unified targeting system at bjective database ng mga mahihirap na kabahayan. (MAL/SAA-PIA5/ Albay)

 - See more at: http://r05.pia.gov.ph/index.php?article=2571378285485#sthash.3QMFdyr8.dpuf

No comments:

Post a Comment