Sunday, September 1, 2013

Material recovery facility itatayo sa Albay

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOG NG LEGAZPI, Sept 1 (PIA) --Di magtatagal ay mas mapagiibayo pa ang garbage management system sa lalawigan ng Albay partikular na sa bayan ng Guinobatan.

Ito ay matapos malagdaan nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje kasama si Albay Governor Joey Salceda at Guinobatan Mayor Ann Ongjoco ang kasunduan sa pagtatayo ng Materials RecoveryFacility System (MRFS) sa bayan ng Guinabatan.

 “Ang MRF ay isang kompletong sistema ng pagrerekober ng basura na maaari pang gamiting compost  mula recyclable materials hanggang kitchen waste. Ito ay isasagawa dito sa bayan ng Guinobatan alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act,” pahayag ni Environmental Management Bureau (EMB) engineer Nanette Tidon.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng EMB, ang projected recovery ng 18 porsiyento ng recyclables at 73 porsyento ng biodegradable wastes ay hahanguin mula sa waste stream samantalang ang natitirang 8.72 porsyento nng kabuuang waste composition ay maaari ng maitapon sa final disposal facility o muling gamitin na functional products ng mga alternative technologies.

Pormal din na inendorso ni Paje ang isang garbage shredder at garbage truck collector na siyang gagamitin sa paghahakot at pangongolekta ng basura sa nasabing bayan.

“Ang bawat local government unit ay kailangang sumunod sa Republic Act 9003 or the Ecological Solid Waste Management Act kaya’t aming ilulunsad ang recovery system upang matulungan ang bayan na ito. Kami rin ay magbibigay ng garbage shredder at truck para sa paghahakot at pangongolekta ng basura sa bayan na ito,” ani Paje.

Ayon sa kalihim sa kasalukuyan ay halos 700 LGUs na ang tumupad sa eco waste management law at ito ay idadagdag sa bilang ng mga tumupad sa RA 9003.

Kanyang binigyan diin ang pangangailangan na matugunan ang suliranin sa municipal waste dahil sa patuloy na tumataas na gastusin ng pamahalaan sa pagbigay ng gamot sa mga sakit na dala ng garbage pollution.

Binanggit ng kalihim ang isang ulat mula sa Department of Health (DOH) kung saan ang pamahalaan ay gumagastos ng tinatayang 50 bilyong piso kada taon upang malunasan ang mga sakit dahil sa polusyon. 50 porsyento ng mga gamot ay para sa upper respiratory ailments. (MAL/SAA/PIA5-Albay/DENR5)

No comments:

Post a Comment