Friday, August 30, 2013

Mga iskolar ng mina sa Rapu-rapu nanguna sa board licensure exams

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, Agosto 30 (PIA) – Nakuha ni Dailyn Asuncion Nivero ang ika-8 pwesto sa kanayang grading 84.9 sa nangunang sampung kumuha ng Mining Engineering Licensure Examination ngayong Agosto na isinagawa ng Professional Regulation Commission Board of Mining Engineers.

Si Nivero ay naging iskolar ng Rapu-Rapu Polymetallic Project (RRPP) sa ilalim ng Mining, Technology and Geosciences Development Program (MTGDP) bago siya pumasa sa board exam at nakasama pa sa sampung nangungunang pumasa.

Kasunod ni Dailyn ay isa pang iskolar ng RRPP, si Sarah Mae Bañares Ajon ng Sto. Domingo, Albay na nasa ika-9 na may gradong 84.8.

Sampu pang mga iskolar ng RRPP ang kasama sa 28  na pumasa sa  30 kumuha ng board exams galing sa Bicol University College of Engineering (BUCENG) na nakakuha ng 93.1% passing rate.

“Akala ko ay hindi na ako papasa sa pagsusulit pakatapos kong kunin ito,” sabi ni Nivero sa Philippine Information Agency (PIA). Buti na lang at karamihan sa mga katanungan sa pagsusulit ay ipinaliwanag noong review enhancement program na ibinigay ng RRPP sa mga iskolar nito, ayon kay Nivero. “Ipinagdasal ko na makapasa ako at hindi ko akalaing kasama ako sa mga mangunguna,” dagdag ni Nivero.

Ang sampu pang mga iskolar ng RRPP na pumasa sa  mining board exams ay sina Ryan Abejuela ng Legazpi City, Julie Faith Abo-abo ng Masbate, Ryan Bado ng Legazpi City, Julius Bañez ng Bacacay, Albay, John Vic Grageda ng Camalig, Albay, Geraldine Hufana ng Tabaco City, Ivan Macandog ng Legazpi City, Ghozel Marillano ng Daraga, Albay, Ronaldo Niña ng Legazpi City at Beann Natural ng Masbate.

Ang iba pang matagumpay na pumasa galing sa BUCENG ay sina Mark Joseph Astonal, Medelyn Aligan, Monica Mae Abengoza, Noah Balonzo, Krisna Lynn Bolaños, Aaron Camano, Samira Darish, Trizzia Generoso, Norberto Manlapas, Jr., Christina Matociños, Joven Pelaez, Roselie Pelaez, Alemar Velasco, Renier Villar, Irvin John Yuson at Bernadette Vallejo.

“Nagpapasalamat kami sa suporta ng Bicol University at mga pinuno nito sa pagtulong sa amin na ilunsad ang aming scholarship program,” sabi ni RRPP Community Relations Manager Lanie Lanuzo sa PIA. Kasama ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang BU at RRPP ay nagbuo ng isang komite sa pagpili ng karapat-dapat na mga iskolar. “nais naming siguraduhin na ang iskolar ay hindi lang magtatapos sa kurso kundi makakapasa sa board,” sabi ni Lanuzo.

Ayon kay Lanuzo, ang kanilang kompanya ay mayroong 90 na iskolar, 30 nito ay nagtapos na sa kursong geology sa Partido State University sa Goa, Camarines Sur, at kursong mining at environmental engineering sa BU. “Isang trust fund ang inilagak para sa natitirang 60 iskolar upang maseguro na makakapagtapos sila hanggang academic year 2016-2017,” dagdag ni Lanuzo. Ang operasyon ng pagmimina ng RRPP ay hanggang huling quarter na lamang ng taong kasalukuyan.

“Ang aming scholarship program ay galing sa 10% ng 1.5% ng aming total operating cost na pinagkukunan ng pondo para sa Social Development Management Program (SDMP) ayon sa Philippine Mining Act,” sabi ni Lanuzo.

Si Nivero at iba pang RRPP scholars ay nakatatanggap ng allowance bawat buwan kasabay na dito ang gastusin sa mga aklat at uniporme maliban pa sa matrikula at  miscellaneous fees na binabayarang buo ng kompanya.

“Hindi mining ang una kong kurso, nag-aral ako ng edukasyon sa  Rapu-Rapu Community College subalit naisipang tumigil sanhi ng pagkawala ng sigasig kong mag-aral,” sabi ni Nivero. Isang dating opisyal ng kompanya ang nakaalam ng kanyang kalagayan at naikwento sa dating Community Relations Manager ang kanyang sitwasyon.Umapela ang mga pinuno ng kompanya sa mga pinuno ng BU upang tanggapin si Nivero kahit nagsimula na ang semestre at ang programa sa scholarship ay inaayos pa lamang.

“Umaasa akong tatanggapin ng MGB sa Legazpi City ang aking sinumiteng aplikasyon upang magtrabaho,” sabi ni Nivero. Itinakda ng RRPP scholarship program ang lahat ng mga nagsipagtapos at pumasa sa board na magsilbi kahit dalawang taon sa pamahalaan. “Suportado namin ang programa ng pamahalaan na kailangang tumulong ang mga intelektual sa pamahalaan,” sabi ni Lanuzo sa PIA.

“Kinakailangan ang pagmimina para sa kaunlaran ng ekonomiya at paglago nito subalit kailangang responsable at sumusunod sa batas,” sabi ni Nivero sa PIA. “Pinapasalamatan ko ang Panginoon, ang aking pamilya at lahat ng tumulong sa aking tagumpay.”

Pinasalamatan din ni Lanuzo ang BU, MGB, ang kasalukuyan at nakalipas na mga pinuno ng RRPP sa tagumpay ng scholarship program nito. “Wika nga ng kasabihang Aprikano – Isang pamayanan ang nagpapalaki sa isang bata,” sabi ni Lanuzo sa PIA. (JJJP-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment