Thursday, September 12, 2013

Sandugo awarding para sa Luzon, Visayas gaganapin sa Bicol

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Sept 12 (PIA) --  Kasalukuyang punong-abala ang Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) sa Bicol sa  ika-15 National Sandugo Awarding ceremony na gaganapin ngayong araw sa Oriental Hotel dito sa patuloy na pagtataguyod ng boluntaryong pagbibigay ng dugo.

Ayon kay DOH Bicol regional director Gloria Balboa ang National Sandugo Award ang pinakamataas na parangal na taunang ibinibigay sa mga lokal na punong tagapaganap na nagbibigay ng taos-pusong suporta, dedikasyon at pakikiisa sa National Voluntary Blood Services Program (NVBSP) ng pamahalaan.

Ang parangal, dagdag ni balboa, ay sinimulan ng DOH upang mabigyang pagkilala ang mga barangay captains, mayor at gobernador na aktibong nakikiisa sa adbokasiya na mapanatili ang sapat na suplay ng dugo sa bansa sa pamamagitan ng mobile blood donation activities.

Layunin din nito na mahimok ang mga lokal na opisyal na manguna at personal na makiisa sa NVBSP.

Kasama sa mga pamantayan sa pagpili ng mga mananalo ang personal na pakikiisa at paninindigan sa pagpapatupad ng NVBSP; pagbigay ng mga kinakailangang tulong sa pagsasagawa ng nasabing programa sa kanilang komunidad; paghimok sa mga nasasakupan na makiisa sa mga aktibidad na layuning mapataas ang koleksyon at suplay ng dugo sa bansa; at administrative issuances na nagpapakita ng suporta sa NVBSP sa loob ng tatlong taon.

Ang adbokasiya para sa voluntary blood donation ay pinaigting noong 1994 nng ipasa sa kongreso ang Republic Act 7719 at mapirmahan ni dating pangulo Fidel V. Ramos.

Ang polisiyang ito ay siya ring nagpakilos sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong organisasyon sa pagtaguyod ng voluntary blood donation at pagkolekta ng dugo. (MAL/SAA/PIA5-Albay)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=2571378890814#sthash.ojQZBaUk.dpuf

No comments:

Post a Comment