Thursday, October 3, 2013

Imbensiyon ng mga Pinoy, kinilala sa BRICE

BY: ANALIZA S. MACATANGAY

LUNGSOD NG NAGA, Oktubre 1 (PIA)--- Pinangunahan ng Department of Science and Technology o DOST sa pakikipagtulungan ng Technology Application and Promotions o TAPI ang pagbubukas ng 2013 Bicol Regional Invention Contest and Exhibits (BRICE) ngayong araw upang kilalanin ang kakayahan ng mga Bikolano na makalikha ng mga imbensyon o likha na makakatulong sa pag taas ng antas kabuhayan ng bansa.

Ang pormal na pagbubukas ng naturang patimpalak at exhibit ay pinangunahan mismo ni Director Tomas B. BriƱas ng DOST Bicol regional office kung saan sinabi nito sa kanyang talumpati na angkop ang temang “ Inventions and Innovations for Smarter Philippines” dahil sa pangangailangan na gamitin ang syensya at teknolohiya upang mas pang mapaangat ang antas ng ating ekonomiya.

Panauhin din ang alkalde ng lungsod na si John Bongat na hinikayat naman di lamang mga estudyante at mga propesyonal kundi ang mga mamamayan na makilahok sa pagtuklas ng mga kapaki-pakinabang na mga bagay na magtataguyod ng mas maaliwalas na buhay para sa Pilipinas.

Binigyang diin nin nito ang pagsusumikap ng pamahalaan katuwang ang ibang sector upang mas marami pang mamamayan ang mabigyan ng pagkakataon na maipakilala ang kanilang imbensyon.

Isa sa mga tampok na aktibidad ngayong araw ay ang pagbibigay ng rekognisyon sa Bicolanong nanalo sa kahalintulad na patimpalak noong 2012. Tinanggap  ni Mr. Alfredo John Malinis bilang researcher at Ms. Evelyn Espinas bilang adviser, kapwa mula sa Polangui General Comprehensive High School ang Philippine Alternatives Foundation Inc. Special Award. Ito ay may titulong Abaca Wastes Profile: Basis for Innovation technologies.

Sisimulan din ngayong araw ang tatlong araw na exhibits sa SM City Naga na may layuning ipakita ang mga science and technology inventions at innovations gayundin  iba’t ibang pagsasaliksik upang maipaalam sa publiko ang malaking potensyal nito para sa tinatawag na technology transfer.

Ngayong taon ay itatampok ng BRICE ang mga imbensyon, mga inobasyon at mga pag aaral upang mas pang maipakilala sa mundo ang akda ng mga Bikolano.  Maglalaban laban sa limang kategorya ang mga kalahok:  Sibol Awards para sa High School para sa mga creative research category, Sibol Awards para sa kolehiyo sa katulad na kategorya, Tuklas Award para sa Invention Category, Utility Model Category, at Likha Award para sa Creative Research.

Inaasahan na mas pang papalawakin ng naturang aktibidad ang potensyal ng mga Bikolanong makalikha ng mga teknolohiya na mas pang magbibigay ng malaking potensyal upang mapaunlad ang ating bansa. (MALLSM-PIA5//Camarines Sur)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=861380606039#sthash.kXPMTslY.dpuf

No comments:

Post a Comment