Tuesday, October 1, 2013

Kalusugan pangkalahatan patuloy na itinataguyod ng DOH Bicol

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Okt. 1 (PIA) – Pinangunahan ng Department of Health (DOH) ng Rehiyon Bicol Region ang adhikain para sa kalusugan pangkalahatan bilang isa sa mga pangunahing estratehiya sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa rehiyon sa ginanap na press conference ng nakaraang linggo sa pagdiwang ng Policy Development Research Month (PDRM) na may paksang gawain na – Making Health More Inclusive In A Growing Economy, na sinuportahan ng ahensiya.

“Ang adhikaing Kalusugan Pangkalahatan (KP) ng pamahalaang Aquino ay tugon sa pangangailangang pangkalusugan  ng bawat Pilipino lalo na ang mahihirap na pamilya,” ayon kay DOH Bicol SUpport to Operations chief Dr. Virgilio Ludovice.

Ang adhikaing KP ang pangunahing pamamaraan ng DOH sa pagsulong ng pamahalaan para sa kalusugang pangkalahatan. Sa ilalim ng programa, ipapatupad ang iba-ibang pamamaraan, pangunahin dito ang mabilis na pagrehistro ng mga mahihirap na pamilya sa National Health Insurance Program ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) kasama ang pagbigay ng subsidy para sa mahirap na pamilya.

Kasabay sa programa ang pagsasaayos ng mga pampublikong ospital at iba pang health facilities at pagbigay ng de-kalidad na serbisyo lalo na sa mahihirap. Magkakaroon din ng karagdagang tulong sa mga lugar na marami ang mahihirap na pamilya na hindi nakakatanggap ng kaukulang serbisyong pangkalusugan, sabi pa ni Ludovice.

Si Ludovice ang kumatawan ng DOH-Bicol kasabay sina Dr. Veronica Mateum, Philhealth Health Care Delivery Management Division Chief, David Escandor, Philhealth Field Operations Division Chief, Jasmine Zantua, National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Economic Development Specialist and Felipe Salvosa II, Publications and Circulation Division Chief ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS), ang humarap sa isang press conference na dinaluhan ng mga nangungunang mamamahayag sa dyaryo at radyo ng Albay at correspondents ng mga pambansang pahayagan.

Idinagdag pa niya na sa ilalim ng Kalusugan Pangkalahatan (KP), ang mga serbisyong pangkalusugan na patitingkarin ay pagplano ng pamilya, responsableng pagpapamilya, pangangalaga sa sanggol at bata sa pamamagitan ng newborn screening, eksklusibong pagpapasuso sa gatas ng ina sa unang anim na buwan ng sanggol at pagbabakuna.

Magsasagawa din ng fertility classes sa mga kabataan upang magbigay ng tamang kaalaman sa sekswalidad. Para sa mga buntis at bagong panganak, palalakasin din ang pre at post natal check-up, isasagawa ang pagbakuna sa buntis ng tetanus toxoid.

Siniguro din ng mga kinatawan ng Philhealth na walang sisingilin sa mga kasapi nila ang mga Philhealth-accredited na pampublikong ospital at lying-in clinics sa paggamit nila ng bagong case rate packages sa ilalim ng sponsored program.

Ang KP ay tumutulong na maisakatuparan  ang mga aspetong may kaugnayan sa kalusugan sa millennium development goals (MDG) para sa mga ina, sanggol at bata sa pagpababa ng bilang ng mga nanay na namamatay sa panganganak, mga sanggol at batang namamatay, namamatay sanhi ng tuberculosis HIV-AIDS at malaria, mga hindi nakakahawang karamdaman gaya ng cancer, diabetes, altapresyon, atake sa puso, sakit sa bato at iba pa, sabi ng DOH-Bicol sa PIA. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=2591380693639#sthash.H4ea9ncs.dpuf

No comments:

Post a Comment