Tuesday, October 22, 2013

PNP Bicol, nagtalaga ng karagdagang 817 pulis para sa barangay election

LUNGSOD NG LEGAZPI, Okt. 22 (PIA) -- Nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) Bicol ng karagdagang 817 tauhan sa anim na probinsiya ng rehiyon para sa darating na barangay election sa Oktubre 28 ngayong taon.

Ayon kay Inspector Malou Calubaquib, tagapagsalita ng PNP Bicol, sa nasabing bilang ng karagadang pwersa ang Sorsogon ay tatalagahan ng 150 pulis, Masbate ng 143, Catanduanes ng 139, Naga City ng 100 at Albay, Camarines Sur at Camarines Norte ng tig-95 bawat isa.

Ang mga ito dagdag ni Calubaquid ay dumaan sa Junior and Senior Leadership Training sa Regional Training School sa Camp Gen. Simeon A. Ola dito.

Sa probinsiya ng Masbate ay itatalaga ang karagdagang 154 police officers upang makatulong na masiguro ang maayos, mapayapa at matagumpay na barangay election sa rehiyon.

Sa pangunguna ni Bicol Chief Supt. Victor Deona at ng kanyang directorial staff sa pangunguna ni Senior Supt. Arnold Albis, deputy regional director for operation, ay isinagawa ang sendoff ceremony nitong nakaraang lingo sa Camp Gen. Simeon A. Ola.

Hinimok ni Deona ang kanyang mga tauhan na “gawin ang tama sa tamang paraan at layunin.”

Kanyang sinabi na may magagawa ang isang police officer bagaman’t hindi man nito kakayaning gawin ang lahat.

Ang siguruhin na mapayapa at maayos ang barangay election ay isa sa mga ipinag-utos ni PNP Director General Alan Purisima kay Deona sa isinagawang turnover ceremony nitong nakaraang lingo. (MAL/SAA-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment