Tuesday, October 8, 2013

Resolusyon, pinagtibay para sa rehabilitasyon ng Daet Airport sa Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Oktubre 8 (PIA) -- Sisimulan na ang feasibility study sa panukalang rehabilitasyon ng Daet Airport sa lalawigan ng Camarines Norte matapos pagtibayin ng Bicol Regional Development Council ang isang resolusyon ukol dito.

Isinumite ni Gobernador Edgardo A. Tallado sa nakaraang 3rd quarter meeting ng RDC noong buwan ng Setyembre ngayong taon sa lungsod ng Legazpi ang nasabing panukalang proyekto sa pamamagitan ng isang resolusyon ng Provincial Development Council of Camarines Norte na kanyang pinamumunuan.

Ipinabatid sa RDC ang kahalagahan ng Daet Airport na isa sa pangunahing infrastructure support na kinakailangan para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng turismo sa lalawigan gayundin sa rehiyong bikol.

Gugugol ng may P100 milyon para proyektong ito na kinapapalooban ng pagpapalawak ng runway, pagtatayo ng perimeter fence, paglalagay ng mga ilaw, pagtatayo ng isang modernong control tower with air navigation equipment at radar system.

Sa matagal na panahon ay hindi napapakinabangan ang paliparan ng Daet na ang kategorya ay one feeder airport at pwede lamang sa light aircraft na mataas ang halaga ng transportasyon.

Sa isasagawang pag-aaral para sa pagbubukas muli ng paliparan, layunin din na magkaroon ng biyaheng ligtas at abot-kayang pamasahe at kumikitang hanap-buhay para sa mga aircraft companies.

Matatagpuan ang Daet Airport sa Bagasbas Beach dito na isa sa pangunahing destinasyon ng turismo sa Camarines Norte na regular nang pinagdadausan ng international surfing and kite boarding.

Kasakuluyan ding tinatapos dito ang proyektong Cory Aquino Boulevard na isang malaking tourism infrastructure project at maaaring dayuhin ng mga turista mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas at iba pang bansa.

Ang rehabilitasyon at upgrading ng Daet Airport ay isa sa proyektong nakapaloob sa Executive Agenda ni Gob. Tallado sa kanyang kasalukuyang termino. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment