Thursday, November 14, 2013

Gobernador Tallado hinikayat ang mga CamNorteño na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Nobyembre 14 (PIA) -- Hinikayat ngayon ng ama ng lalawigan ng Camarines Norte ang mga mamamayan dito na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa rehiyon ng Visayas.

Ipinalabas ni Gobernador Edgardo A. Tallado ang Memorandum no. 131113-01 o “Kilos ng Bayan” Project kasama ang kanyang liham na humihingi ng tulong sa mga CamNorteño para maibigay sa mga nangangailangan sa Visayas.

Ayon sa memorandum, hinihikayat ang suporta at tulong ng lahat ng lokal na pamahalaan at mga hepe ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan; pamahalaang nasyunal at government owned and controlled corporations; mga pribado at pampublikong paaralan; socio-civic at religious organizations; lokal media ganundin ang mga may kaugnayan dito.

Ayon naman sa liham ng gobernador, “ang inyo pong lingkod ay humihingi ng tulong sa ngalan ng lalawigan ng Camarines Norte para maibsan ang sakit at hirap ng naging epekto ng nagdaang sakuna sa ating mga kababayan”.

Aniya, ang nangyaring sakuna dala ng bagyong Yolanda na nagdulot ng napakalawak na pinsala sa buhay at kabuhayan ng marami ay isang pagkakataon upang ang lahat ay magkaisa at magbayanihan para maibangon ang ating mga kababayan na lugmok sa pagdurusa.

Ayon pa rin kay Tallado, tayo ay maging bukas ang puso at bukas palad na magbahagi ng kahit na anumang nais nating maibigay para sa mga nalasanta ng bagyo.

“Mapagpakumbaba pong nakikiusap ang inyong lingkod na tumulong tayo sa mga biktima ng trahedya dala ng bagyong Yolanda, ang inyo pong tulong ay tiyak na makakarating sa ating mga kababayan” ayon pa rin sa gobernador.

Maaaring ipadala o ihatid ang mga donasyon o tulong sa tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng pamahalaang panlalawigan sa kapitolyo probinsiya sa bayan ng Daet. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881384397870#sthash.6tIvO6xg.dpuf

No comments:

Post a Comment