Friday, November 8, 2013

Mga bagong daycare centers sa Masbate, pinasinayaan

LUNGSOD NG MASBATE. Nob. 7 (PIA) – Pinasinayaan kahapon ang dalawang gusali na magsisilbing daycare centers sa dalawang liblib na nayon sa bayan ng Cataingan, lalawigan ng Masbate.
                                         
Kabilang sa mga dumalo sa inagurasyon ay ang municipal at barangay official ng Cataingan, mga kawani ng Department of Social Welfare and Development at mga kasapi ng bayanihan sa naturang mga barangay.

Ang bagong gusali sa barangay Badiang at Tagboan ay itinayo alinsunod sa programa ng pamahalaan na Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services at Kapangyarihan at Kaunlaran sa Mamamayan. Dahil dito, mismong mga taganayon ang namahala at nagsagawa sa konstruksyon ng dalawang gusali.

Kasabay ng turn-over ng mga susi sa mga barangay officials, nagpahayag ang mga volunteers ng pagnanais na muli nilang i-aalay ang bahagi ng kanilang oras at lakas sa pagsasagawa ng iba pang proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng KALAHI-CIDSS-KKB.

Nagbigay-pugay naman ang bise-alkalde sa naisagawa ng mga taganayon ng Badiang at Tagboan. Nangako rin ang alkalde ng patuloy na suporta ng pamahalaang bayan sa KALAHI-CIDSS.

Ang dalawang gusali ay tinustusan ng pinagsamang pondo mula sa Australian Aid, pamahalaang bayan ng Cataingan, barangay council, at donasyon ng mga taganayon.

Bago magtapos ang buwan, magagamit na ang dalawang gusali ng mahigit 80 daycare pupils at ng kanilang daycare workers na sa nakalipas na ilang buwan ay nagtiyagang nagsagawa ng kanilang aralin sa loob ng barangay chapel.

Bukod sa Cataingan, ang KALAHI-CIDSS-KKB projects ay ipinapatupad sa mga bayan ng Mobo, Cawayan, Palanas at Monreal. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=821383727671#sthash.GgskjEel.dpuf

No comments:

Post a Comment