Tuesday, November 12, 2013

Operation Walang Iwanan! inilunsad sa lungsod ng Naga

LUNGSOD NG NAGA, Nob. 12 (PIA) --- Inilunsad dito ng lokal na pamahalaan at mga pribadong grupo ang Operation Walang Iwanan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan ng Samar at Leyte.

Sa  isang press conference, nanawagan ang mga tagapangasiwa na kinabibilangan ng Gawad Kalinga sa Camarines Sur at Naga City, opisina ni Congresswoman Leny G. Robredo ng ikatlong distrito ng Camarines at iba pang pribadong kompanya, para sa agarang pagpapabot ng tulong sa mga kababayang nasalanta sa naturang lugar.

Ayon kay Harry Azaña, provincial chairman ng Gawad Kalinga, agarang tulong ang kailangan ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa naturang lugar kung kaya’t  nanawagan siya sa mga Nagueño at mga taga probinsiya ng Camarines Sur na may kakayahan sa magbigay tulong o donasyon  para sa mga nasalanta ng bagyo. Higit na kailangan ang pagkain at tubig na maiinom ngayon sa naturang mga lugar.

Sinabi ni Azaña na isang ten wheeler truck ang nakatakdang umalis sa Nobyembre 19 papuntang Samar-Leyte para maghatid ng mga naipon na donasyon gaya ng bigas, de lata, noodles at iba pang bagay na maaring maitulong sa mga biktima ng bagyo

Sa parte naman ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga sinabi ni Bise-Alkalde Nelson S. Legacion na nandyan ang kanilang pagsisikap na tumulong sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng mga pribadong sektor.

Ayon kay Legacion sa pamamagitan ng Sangguniang Panglungsod ay gagawa sila ng awtorisasyon kay Alkalde John Bongat na kumuha ng pondo sa calamity fund ng siyudad para ibigay na tulong sa mga probinsiya ng Visayas.

Sinabi pa nito na noong nakaraang buwan ng lumindol sa Bohol at Cebu ay halagang P200,000 ang kanilang naibigay na tulong at malamang makalikom sila ngayon ng P500,000 upang ibigay sa local na pamunuan ng Samar at Leyte. Nakatakda silang magkaroon ng session sa Huwebes para sa aprobahan ang naturang panukala.

“Imumungkahi ko rin na mas lalong magiging makahulugan ang ating pagtulong kung ang gagastusin sa Christmas party ay itutulong na lamang sa mga biktima ng bagyong Yolanda, “dagdag pa ni Legacion.

Ang magiging donation center ng Operation Walang Iwanan! ay ang Barangay Hall ng Tabuco at ang repacking area a naman ay ang Tabuco Elementary School sa Lungsod ng Naga.(MAL/LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)

No comments:

Post a Comment