Saturday, November 16, 2013

Team ALBAY-OCD5 patuloy ang pagbibigay serbisyo sa mga nasalanta ng bagyo sa Samar at Leyte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Nob. 15 (PIA) – Sa gitna ng nakapanlulumong kalagayan ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Samar at Leyte, buong tapang pa ring hinaharap ng Team-Albay OCD5 ang mga pagsubok sa kanilang isinasagawang humanitarian mission na sa ngayon ay nasa ika-apat na araw na.

Ayon kay Dr. Cedric Daep, pinuno ng Albay Public Safety Emergency Management Office (APSEMO),  pinakamalala ang pinsalang dala ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan ng Samar at Leyte  batay sa kaniyang nakita at naranasan kung ihahambing sa mga lugar na kanila ng napuntahan.

Ito na ang ika-11 humanitarian mission ng Team Albay-OCD5  sa loob ng limang taon.

Ani Daep, sa ngayon ay nagpapatuloy sila sa pagbibigay ng libreng serbisyo.

Mahigit 60,000 litro ng libreng tubig ang naipamahagi habang nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operation ng isa sa mga sub teams ng grupo sa pakikipagtulungan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ibang volunteers.

Ang DSWD at DOH sa Bicol ay nagpapatuloy din sa pagbibigay ng psycho social care sa mga biktima ng kalamidad.

Ang medical team mula sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH), Provincial Health Office – Albay Health Emergency Management (PHO-AHEM) ay kasalukuyang nagbibigay serbisyo sa lungsod ng Tacloban sa pamumuno ni Dr Nathaniel Rempillo, sssistant Provincial Health Officer ng Albay.

Ayon kay Rempillo marami ang nangangailangan ng serbisyong medikal kung saan halos dalawa o tatlong araw na walang maibigay na serbisyo sa mga ito lalo na sa mga namamagang sugat ng mga injured victims.

Dagdag pa ni Rhondon Ricafort ng Albay governor’s office, mahirap ang kalagayan ng mga survivors sapagkat karamihan sa mga ito ay tuliro at walang direksiyon bagaman’t ang lungsod ng Tacloban ay isa sa mga pinakamaunlad at pinakamagandang lugar sa lalawigan ng Leyte.

Sa lalawigan ng Albay ay patuloy rin ang isinasagawang malawakang repacking ng mga relief goods sa Albay Astrodome ng daan-daang volunteers na sinimulan Lunes ng linggong ito.

Kanina lamang ay nanawagan si Albay governor Joey Salceda sa mga makapagbibigay ng gloves, mask at alcohol bottles para sa retrieval teams.

Maari itong ibigay sa opisina ng Albay PDRRMC o kay Eden Gonzales ng governor’s office.        

Samantala iminungkahi ni Daep ang dalawang hakbangin upang mabigyan tugon ang pangangailangan ng mga survivors.

Una ay ang pagpapatuloy ng Search and Retrieval Operation dahil sa dami ng mga patay na hindi pa nakukuha hanggang sa ngayon.

Pangalawa ay ang paglalagay ng temporary holding area sa mga biktima.

Paliwanag ni Daep, mahalaga ang magiging papel ng ilalagay na temporary holding area para sa mga biktima upang mapabilis ang pagbibigay tulong sa mga ito at pagtataya ng kanilang kalagayan.

Kanyang nabanggit na patuloy sa paglalakad ang mga evacuees sa paghahanap ng pagkain at matitirhan. Sa ngayon ay suot pa rin nila ang parehong kasuotan simula pa ng bagyo. (MAL/SAA-PIA5/Albay/RNB Albay)

No comments:

Post a Comment