Tuesday, November 19, 2013

58 magulang ng mga batang manggagawa sa Paracale tumanggap ng tulong pangkabuhayan sa DOLE

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Nov. 19 (PIA) – Umabot sa 58 magulang ng mga batang manggagawa ang naging benepisyaryo ng negosyong pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipinamahagi kahapon (Nob. 18) sa bayan ng Paracale sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay provincial field officer Ruben Romanillos ng DOLE Camarines Norte, 19 na mga magulang ng mga batang manggagawa ang nabigyan ng Negosyo sa Kariton o Nego Kart samantalang 39 naman ang nabigyan ng Kabuhayan Starter Kit.

Aniya ang Nego Kart ay nagkakahalaga ng P15,000 bawat isa na binubuo ng push cart, gas stove, mga kagamitan at mga produktong paninda samantalang ang Kabuhayan Starter Kit ay binubuo ng panimulang kagamitan ng karpintero, pagluluto at iba pa na nagkakahalaga ng P7,000 bawat isa.

Ang mga naipamahagi ay may kabuuang halaga na P284,797 para sa Nego Kart at P271,275 naman sa Kabuhayan Starter Kit.

Sinabi niya na una ng nagkaroon ng kasunduan o “Memorandum of Agreement” sa mga opisyal ng DOLE, lokal na pamahalaan ng Paracale, mga barangay at mga magulang na hindi na papayagan ng mga benepisyaryo ang kanilang mga anak na magtrabaho o “magkabod” sa mga minahan.

Aniya ito ay bahagi ng programang Kabuhayan para sa mga Magulang ng mga Batang Manggagawa o KASAMA sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa anim (6) na mga barangay kabilang ang Gumaos, Casalugan, Palanas, Tawig, Malaguit at Tugos na mga minahan sa  naturang bayan na siyang tinukoy ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Romanillos kasama si Mayor Romeo Moreno at ang iba pang lokal na opisyales ng bayan at ng anim na mga barangay.

Unang ng namahagi ng tulong pangkabuhayan ang naturang tanggapan noong taong 2007 at 2011 sa naturang bayan na ibinigay sa pamamagitan ng grupo ng mga magulang ng mga batang manggagawa.

Ang naturang programa ay bahagi rin ng “anti-child labor” ng DOLE na naglalayon na magbigay ng alternatibong kabuhayan sa mga magulang ng mga batang manggagawa lalong lalo na sa mga nagtratrabaho sa mga minahan upang maialis sila sa delikadong trabaho na maaring magdulot ng kapahamakan. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).

No comments:

Post a Comment