Tuesday, November 19, 2013

DSWD, may bagong kabalikat sa pagbabago sa asal ng mga benepisaryo ng 4Ps

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Nob. 19 (PIA) – Mas mahusay na family development sessions ang inaasahan ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa lalawigan ng Masbate matapos magkasundo ang Department of Social Welfare and Development sa Bicol at ang isang non-government organization  na magtambal sa pagpapaunlad sa asal ng mga benepisaryo.

Sa ilalim ng kasunduan, magsisilbi ang National Auxiliary Chaplaincy Philippines, Inc. o NACPHIL bilang patnubay sa pag-akay sa mga benepisaryo tungo sa pagiging mabuti at maunlad na mamamayan.

Ayon sa DSWD Bicol regional office, iaambag ng NACPHIL ang malawak na kasanayan nito para lalong paghusayin ang FDS o family development session na isinasagawa ng DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Arnel Garcia, ang partnership ng DSWD at NACPHIL ay magbibigay kapangyarihan sa mga benepisaryo na magkamit ng bagong kasanayan at kaalaman.

Ang kasunduan ng dalawang panig ay nilagdaan sa DSWD office sa Legazpi City nang nakaraang Biyernes, Nob. 15.

Ang 4Ps ang human development program ng pamahalaang nasyonal na namumuhunan sa kalusugan at pag-aaral ng mga mahihirap na pamilya.

 Sa Masbate na pinakamahirap na lalawigan sa Bikolandia, mahigit 88,000 o halos kalahati ng kabuuang household population nito ang benepisaryo ng 4Ps. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)


No comments:

Post a Comment