Tuesday, December 3, 2013

Kampanya para wakasan ang karahasan sa kababaihan at kabataan isinasagawa sa Camarines Norte

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Disyembre 3 (PIA) – Isinasagawa ngayong araw sa lalawigan ang kampanya upang wakasan ang karahasan sa kababaihan at kabataan bilang pagtalima sa “18 day campaign to end Violence Against Women (VAW)” simula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 ngayong taon.

Ang naturang kampanya ng VAW ay taunang isinasagawa mula pa ng taong 2002 kung saan tema ngayon ang “End VAW NOW! Its Our Duty”.

Kabilang sa mga gawain ay ang paglalagay ng “streamer” para sa kampanya, “radio plug” at paggamit ng “social media” gaya ng facebook, twitter sa pagpapakalat ng mga impormasyon upang mapangalagaan ang karapatan ng kababaihan at kabataan.

Sa pagtatapos nito sa ika-12 ng Disyembre ay kaalinsabay ang paggunita ng International Day Against Human Trafficking kung saan isasagawa ang “fun walk” at magtatapos sa isang talakayan o pagpupulong.

Pag-uusapan dito ang batas ng Republic Act 10364 ang nagpapalawak sa RA 9208 na naglalaman ng polisiya upang maalis ang “trafficking” lalong lalo na sa mga kababaihan at kabataan kasama ang pagtatag ng mga mekanismo para sila ay mapangalagaan at masuportahan at ganon din ang pagpapataw ng mga penalidad o parusa sa mga lalabag sa mga batas na nakapaloob dito.

Ayon kay Dolores Tresmonte, social welfare officer I ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) layon ng paggunita ng International Day Against Human Trafficking ang maisaayos ang mga polisiya na magsusulong upang mawakasan ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan.

Ang naturang mga gawain ay pinag-usapan kahapon (Disyembre 2) ng Provincial Council for the Welfare of Children (PCWC) na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan kasama ang ibat-ibang ahensiyang kaugnay ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor.

Sa pagpupulong tinalakay rin ang mga programang nagawa para sa pagsusulong ng karapatan at mga programa para sa mga kababaihan at mga kabataan sa lalawigan.

Magkakaroon rin ng “monitoring” o pagbisita sa mga establisyemento para naman sa “Dikit Paalala” o pagbabawal sa mga batang 18 taong gulang pababa na magtrabaho sa mga “videoke bars” o “night clubs” sa lalawigan sa pamamagitan ng grupo ng PCWC. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte)

Sunday, December 1, 2013

Gabay sa pagbili ng mga pailaw at palamuting de kuryente, ipinaalala ng DTI Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Nob. 28 (PIA) -- Ipinaalala ngayon ng tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Camarines Norte ang pagbili ng mga christmas lights para sa paggunita ng kapaskuhan ngayong buwan ng Disyembre.

Ayon kay Senior Trade and Industry Development Specialist Violeta F. Farro ng DTI, siguraduhin na ang mga christmas lights na binili ay nakasulat sa lalagyan o package ang pangalan at address ng importer/distributor o trademark ng manufacturer.

Aniya, suriin kung matibay ang pagkakayari ng wire at plug nito, ang labas ng diameter ng plug ay dapat nasa tamang sukat (1.5 mm) at ang mga pins naman ay kailangang matigas at hindi madaling mabaluktot ng kamay ayon pa rin kay Farro.

Dagdag pa niya, dapat din na mayroon itong Import Commodity Clearance (ICC) stickers sa lalagyan o sa christmas lights, kung mayroong marka ng ICC ito ay nakapasa sa pagsusuri ng DTI.

Kailangan din na hanapin ng mamimili ang opisyal na kopya ng ICC certificate ng importer sa tindahan na nagbebenta nito.

Ayon pa rin sa pahayag ni Farro, dapat ang mga ICC certificate na inisyu ng nakaraang taon ng 2011, 2012 at 2013 ngayong taon ang maaaring bilihin samantalang ang mga christmas lights naman noong taong 2010 pababa ay hindi na dapat ibenta dahil delikado na ito at mahina na ang kalidad.

Ang mga magbebenta nito ay maaari silang hulihin kung sila ay lalabag at kumpiskahin ang kanilang mga paninda at patawan ng kaukulang multa batay sa Product Standard Law ng DTI, dagdag pa ni Farro.

Paalala pa rin sa mga tindahan na kailangan ang mga produkto ay mayroong ICC certificate at ICC sticker mula sa kanilang mga supplier at kailangan rin itong ipakita sa DTI.

Samantala, nagsasagawa naman ng monitoring and enforcement sa bayan ng Daet ang naturang tanggapan sa mga establisyemento na nagbebenta ng christmas lights upang masuri kung ang tindahan ay kumpleto sa mga dokumento at sumusunod sa ipinatutupad ng DTI. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881385616356#sthash.ZRGqlFQP.dpuf