Tuesday, December 3, 2013

Kampanya para wakasan ang karahasan sa kababaihan at kabataan isinasagawa sa Camarines Norte

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Disyembre 3 (PIA) – Isinasagawa ngayong araw sa lalawigan ang kampanya upang wakasan ang karahasan sa kababaihan at kabataan bilang pagtalima sa “18 day campaign to end Violence Against Women (VAW)” simula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 ngayong taon.

Ang naturang kampanya ng VAW ay taunang isinasagawa mula pa ng taong 2002 kung saan tema ngayon ang “End VAW NOW! Its Our Duty”.

Kabilang sa mga gawain ay ang paglalagay ng “streamer” para sa kampanya, “radio plug” at paggamit ng “social media” gaya ng facebook, twitter sa pagpapakalat ng mga impormasyon upang mapangalagaan ang karapatan ng kababaihan at kabataan.

Sa pagtatapos nito sa ika-12 ng Disyembre ay kaalinsabay ang paggunita ng International Day Against Human Trafficking kung saan isasagawa ang “fun walk” at magtatapos sa isang talakayan o pagpupulong.

Pag-uusapan dito ang batas ng Republic Act 10364 ang nagpapalawak sa RA 9208 na naglalaman ng polisiya upang maalis ang “trafficking” lalong lalo na sa mga kababaihan at kabataan kasama ang pagtatag ng mga mekanismo para sila ay mapangalagaan at masuportahan at ganon din ang pagpapataw ng mga penalidad o parusa sa mga lalabag sa mga batas na nakapaloob dito.

Ayon kay Dolores Tresmonte, social welfare officer I ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) layon ng paggunita ng International Day Against Human Trafficking ang maisaayos ang mga polisiya na magsusulong upang mawakasan ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan.

Ang naturang mga gawain ay pinag-usapan kahapon (Disyembre 2) ng Provincial Council for the Welfare of Children (PCWC) na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan kasama ang ibat-ibang ahensiyang kaugnay ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor.

Sa pagpupulong tinalakay rin ang mga programang nagawa para sa pagsusulong ng karapatan at mga programa para sa mga kababaihan at mga kabataan sa lalawigan.

Magkakaroon rin ng “monitoring” o pagbisita sa mga establisyemento para naman sa “Dikit Paalala” o pagbabawal sa mga batang 18 taong gulang pababa na magtrabaho sa mga “videoke bars” o “night clubs” sa lalawigan sa pamamagitan ng grupo ng PCWC. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment