Thursday, January 2, 2014

Pagdiriwang ng “holiday season” sa Camarines Norte, pangkalahatang tahimik at maayos

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 2 (PIA) -- Naging tahimik at maayos ang “holiday season” sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa paggunita ng pasko at pagsalubong sa bagong taon.

Ayon kay provincial director PSSupt. Moises Pagaduan ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), generally peaceful ang lalawigan sa pagsalubong ng bagong taon at walang naitalang insidente ng stray bullet o biktima ng pagpapaputok ng baril.

May mga naitala naman na insidente ng nakawan sa isang pawnshop sa bayan ng Daet at panloloko sa pawnshop sa bayan ng Labo, ganundin ang nangyaring nakawan sa paaralan sa barangay Lag-on, Daet noong kasagsagan ng bagong taon.

Matatandaan na nagtalaga ang pamunuan ng mga kapulisan sa mga lugar kung saan dinadagsa ng tao kabilang na dito ang malls, simbahan, pamilihang bayan at mga terminal dito upang maiwasan ang mga gagawa ng krimen o anumang kaguluhan sa mga naturang lugar.

Batay naman sa talaan ng Provincial Health Office ng pamahalaang panlalawigan, umaabot sa 17 ang bilang ng biktima ng paputok sa nakaraang taon ng 2013 kumpara sa taong 2012 na 8 ang naging biktima.

Sanhi ng mga naputukan ay ang Picollo, libentador at kwitis kung saan karamihan sa mga biktima ay mga kabataan sanhi ng Picollo.

Samantala, walang naitalang insidente ng sunog ang tanggapan ng Daet Central Fire Station ng Bureau of Fire Station sa pagsalubong sa bagong taon maliban lang noong pasko na isa ang naitalang insidente ng sunog.

Dahil na rin ito sa mahigpit na pagpapatupad lalo na lugar ng bilihan ng paputok kung saan mahigpit na ipinagbawal ang pagsindi ng sigarilyo, pagtesting ng paputok at mayroong fire extinguisher ang bawat tindahan ganundin ang paglalagay ng drum na mayroong tubig.

Nagsagawa din ng panawagan ang naturang tanggapan sa pamamagitan ng bandillo o oplan paalala bilang pag-iwas sa insidente ng sunog. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881388633033#sthash.rz2LxbMs.dpuf

No comments:

Post a Comment