Friday, January 17, 2014

Negosyante Bikolana, isa sa kinilala ng Carlos P. Romulo Award

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Enero 17 (PIA) – Patuloy na nagbibigay ng karangalan ang mga Bicolana sa rehiyon sa pag-gawad ng Carlos P. Romulo (CPR) Award for International Achievement sa taga-Sorsogon na amerikanang negosyante at abogadong si Loida Nicolas-Lewis noong Enero 14.

Kasama ni Lewis sina boksingero at kinatawan ng Saranggani Manny Pacquiao, Commission on Higher Education (CHEd) Chair Patricia Licuanan, at Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa mga ginawaran ng nasabing parangal na itinataguyod ng United Nations Association of the Philippines (UNAP) at iginawad ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang seremonya sa Malacañang ngayong linggo.

Ang nakabase sa New York na si Lewis ay chairperson at Chief Executive Officer (CEO) ng The Lewis Corporation (TLC) Beatrice LLC, isang negosyong pamumuhunan ng pamilya at kompanyang multinational na itinatag ng kanyang yumaong amerikanong asawang si Reginald Lewis na kanyang pinamahalaan pakatapos na siya’y yumao. Pinamumunuan di niya ang isang foundation na ipinangalan sa kanyang asawa at kilalang personalidad sa US Asian-American community at kinikilalang isa sa mga maimpluwensiyang personalidad sa larangan ng pagnenegosyo.

Itinatag ni Lewis ang The Lewis College (TLC) sa Lungsod ng Sorsogon noong 1999 na ngayon ay isa sa mga nagungunang pribadong paaralan sa probinsiya ng Sorsogon na nagbibigay ng scholarships sa mga nangangailangang estudyante.

“Ang ideyang pagtatayo ng isang paaralan ay aking ikinagagalak dahil sa naniniwala ako na ang edukasyon ang pinakamainam na paraan upang makaahon sa kahirapan,” sabi ni Lewis sa isang panayam.

Ngayong buwan, umuwi si Lewis sa kanyang tinubuang bayan upang pangunahan ang panunumpa ng mga bagong pinuno ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Sorsogon Chapter.

Ang paggawad ng parangal ay kasabay sa ika -115 na kaarawan ng yumaong Pilipinong statesman at dating UN secretary general Carlos P. Romulo na kilala sa kanyang tanyag na talumpating “I Am a Filipino.”

Sa isang pahayag ng UNAP, sinabi nito na ang mga pinarangalan ay napili sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad at kapayapaan ng mundo sa pamamagitan ng kanilang iba-ibang personal at propesyunal na tagumpay na nagbigay karangalan sa mga Pilipino.

Itinatag noong 1947, ang UNAP ay isang organisasyon na tumutulong sa bansa na maisakatuparan ang mga mithiin ng UN at nag-oorganisa ng mga aktibidad sa edukasyon tungkol sa araw ng UN at iba pang mga okasyon nito kasama ang mga proyektong pangkalikasan.

Ang mga nakatanggap na ng nasabing parangal ay sina Lea Salonga, dating senador Leticia Ramos Shahani at dating Pangulong Fidel V. Ramos, mga yumaong senador Jose W. Diokno at Lorenzo Tañada, at yumaong Chief Justice Claudio Teehankee.

Ang mga napiling mga makatatanggap ng parangal ay kinumpirma noong Disyembre 15, 2013 kasabay ng anibersaryo ng pagyao ni Romulo. (JJJPerez-PIA5/Albay)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=2591389943921#sthash.6x57SsKz.dpuf

No comments:

Post a Comment