Friday, January 17, 2014

Serbisyong pangkalusugan at turn-over ng covered court tampok sa Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 17 (PIA) -- Tampok ngayong araw sa Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan ang serbisyong pangkalusugan at turn-over ng covered court sa Barangay 7 at San Roque ng bayan ng Mercedes kung saan isinasagawa ang naturang gawain.

Pangungunahan nina Gobernador Edgardo A. Tallado at Bise Gob. Jonah G. Pimentel ang seremonyal ng paglilipat ng naturang istraktura sa mga opisyal ng barangay dito kaalinsabay ng paghahatid ng ibat-ibang serbisyo publiko sa mga barangay.

Ang covered court ng Barangay 7 ay pinonduhan ni Gobernador Tallado sa ilalim ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) habang sa 20% development naman nanggaling ang pondo para sa kontruksiyon ng covered court ng Barangay San Roque.

Samantala, sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng caravan ay tutugunan ang mga pangangailangan ng mga barangay na ipagkakaloob ng gobernador kabilang na dito ang libreng tsek-ap, gamot at bitamina, pagbasa sa presyon ng dugo, blood typing at blood testing kasama na ang libreng bunot ng ngipin.

Ito ang pangunahing prayoridad ni Gobernador Tallado na naniniwala na ang kalusugan ay kayamanan hindi lamang ng isang indibidwal kundi ng ating bansa na ang katatagan, pagka-produktibo at kaunlaran ay nakasalig sa malulusog na mga mamamayan dito.

Maliban pa dito, ipaaabot din sa kanila ang programang pang-edukasyon ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Camarines Norte Provincial Government College Education Assistance Program (CNPGCEAP) para sa mga kwalipikadong pumasok sa kolehiyo.

Ang Educational Program for the Development of Out-of-School Youth (EPDOSY) ay para naman sa mga nais kumuha ng kursong bokasyunal.

Bukod sa tulong na pang-edukasyon, inihahatid din ng multi-services caravan ang mga oportunidad sa trabaho, lokal at internasyunal man.

Ipapamahagi din sa caravan ang pantanim na mga punongkahoy, bungang-kahoy at mga butong gulay, libreng bitamina sa mga alagaing-hayop at tilapia fingerlings.

Kabilang pa rin sa ipapamahagi ang mga IEC materials ganundin ang mandatory cash assistance at assessment rolls para naman sa mga kaukulang opisyal ng barangay.

Pangungunahan naman ng gobernador at ng kanyang maybahay na si Gng. Josie Tallado ang libreng gupit, hair dye at hot oil treatment sa pamamagitan ng kanilang ‘Handog Gupitan’.

Isasagawa din ang ibat-ibang sangkap sa pagluluto ng isda, oryentasyon sa programang pang-edukasyon at iba pang programa ng pamahalaang panlalawigan. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389939457#sthash.Ekkl8wsU.dpuf

No comments:

Post a Comment