Monday, March 16, 2015

Adbokasiya para malabanan ang nakamamatay na rabis , magkatuwang na inilunsad ng GARC, PVO at DepEd sa lalawigan

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 16, 2015 ( PIA) May kasabihan ang aso ang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan ng isang tao subalit mananatili pa rin silang mga hayop at malaking banta sa atin at sa mga mahal sa buhay sa oras na ito ay nakakagat.

Ang higit na nakakapangamba dito kung ito ay kontaminado o may taglay na sakit na rabis  na maaaring maisalin sa kaninumang tao.

Upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng mamamayan ukol sa panganib na dala ng kagat ng aso ay inilunsad ng Global Alliance For Rabies Control (GARC) ang kauna-unahang Rabies Corner noong Marso 6, 2015 sa  Pilar II Central Elementary School sa Putiao, Pilar Sorsogon.

Nakipag-ugnayan din ang GARC  sa kagawaran ng Edukasyon  (DepEd), Provincial Veterinary Office (PVO) na nasa ilalim ng Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon at Lokal na Pamahalaang Bayan ng Pilar Sorsogon.

Sinabi sa panayam ni Dr. Joseph Garay,Medical Officer ng Sorsogon School District, kadalasan aniya ang mga bata ay malapit sa mga aso at kadalasan din sila ang biktima ng pagkakakagat ng mga ito.

Sa pamamagitan aniya ng estratehikong paglalatag ng mga Rabies Corner sa mga paaralan upang magturo sa mga mag-aaral kasama ang mga personahe kung paano sila mapangalagaan pati na rin kanilang mga alagang hayop.

Ang Rabies Corner aniya ay  sagana sa impormasyon tulad ng first aid manuals, babasahin ukol sa pagiging responsableng may-ari ng aso, pangangalaga sa hayop na  positibo sa rabis at marami pang iba.

Lima namang opisyal ng paaralan kasama ang kanilang mga tauhan at mag-aaral ang naimbitahan na masuri at mapakinggan ang mga ipinapaliwanag ng sa gayon ay makopya rin ito sa iba pang mga paaralan.

Bawat paaralan ay nabigyan din ng kit upang makapagsimula sa kanilang nasasakupang paaralan.

Ayon kay Dr. Garay, malaki ang maiaambag at matututunan nila sa tamang pag-uugali pagdating sa kalusugan na maaring maka-impluwensya sa mga kabataan hanggang sa paglaki ng mga ito.

Nakasaad diumano sa talaan ng World Health Organization (WHO)na umaabot sa 40 porsyento ng mga tao partikular na ang mga batang may edad 15 taong gulang ang nakakagat nang pinaghihinalaang carrier ng sakit na rabies .

Matatandaang ang WHO ay isang espesyalistang ahensya ng nagkakaisang bansa , sila ay nakaalalay upang tumugon sa pangangailang tulad ng kalusugan, sigalot at kagutuman.

Ayon sa doktor, nakakahawa ang kamandag ng rabis at 100 porsyento ang namamatay na tao at hayop sa sakit na ito na walang kalaban laban.

Daan-daan ding mga Pilipino ang pinapatay nito bawat taon ayon sa  2014 istatistika ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH. (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2581426495496/adbokasiya-para-malabanan-ang-nakamamatay-na-rabis-magkatuwang-na-inilunsad-ng-garc-pvo-at-deped-sa-lalawigan#sthash.FtwffafN.dpuf

No comments:

Post a Comment