Thursday, April 9, 2015

Forestry Management Program ng DENR patuloy ang pagtulong sa mga magsasaka sa Bicol

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 8 (PIA) – Patuloy na nagbibigay tulong ang Community-based Forestry Management (CBFM) Program ng Department of Environment and Environment (DENR) sa mga magsasaka sa upland areas o matataas na lugar sa rehiyon ng Bicol sa pamamagitan ng mga pangkabuhayan at agroforestry programs sa ilalim nito.

Ayon kay DENR Bicol director Gilbert Gonzales isinagawa nitong Marso 27 2015 sa DENR multipurpose hall ang MOA signing sa pagitan ng DENR at implementing people’s organizations para sa mga bagong proyekto na isasagawa sa rehiyon ngayong taon.

Kasama dito ang kabuuang 305 ektarya at karagdagang 240 benepisyaryo mula sa lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay at Catanduanes.

Dagdag pa ni Gonzales, ayon sa datus ng CBFM sa rehiyon mula taong 2007-2015 ay umabot  sa 117 sites o kabuuang 49, 142.34 ektarya ng kalupaan ang nasasakop ng program kung saan umaabot na sa 8,824 na indibidwal ang nakikinabang sa buong rehiyon.

Ang mga kalahok sa CBFM program ay ang mga naninirahan sa loob o malapit sa mga kagubatang natukoy ng DENR na nagmamay-ari ng lupang sakahan o nakadepende ang pamumuhay sa mga yamang gubat.

Sila rin ay itinatag na lehitimong people’s organization upang kumatawan sa interes ng bawat kasapi at masigurong ang mga lupaing gubat na ipinagkatiwala sa kanila ay napapangalagaan ng wasto.

Kasama sa mga nagawa na sa  rehiyon sa ilalim ng CBFM ay pagsasagawa ng mga bunkhouses at nurseries, pagtatayo ng agroforestry plantation para sa mga kahoy sa kagubatan gayundin ng mga gulay o cash crop production, composting at pagbili at pamamahagi ng kalabaw sa pagsasaka sa mga kasapi sa people’s organizations.

Ang CBFM program ay unang isinagawa sa rehiyong Bicol noong Okotbre 10, 1996 bilang pambansang estratehiya upang maisulong ang sustainable o pangmatagalang paggamit ng yamang gubat ng bansa.(MAL/SAA-PIA5/DENR5)


- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2571428476590/forestry-management-program-ng-denr-patuloy-ang-pagtulong-sa-mga-magsasaka-sa-bicol-#sthash.1B0iFmTR.dpuf

No comments:

Post a Comment