Tagalog news: Araw ng Kagitingan pinangunahan ng PNP Sorsogon
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 13 (PIA) -- Pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) Sorsogon Police Provincial Office Police Community Relations ang isang simpleng aktibidad bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan noong Abril 9.
Alas otso nang simulan ang panalangin na sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas.
Si Governor Raul R. Lee ang nagbigay ng welcome remarks habang naatasan namang magbigay ng closing remarks si Col. Joselito E. Kakilala, ang Brigade Commander ng 903rd Philippine Army.
Nagbigay ng mensahe si PNP Sorsogon Police OIC Provincial Director Ramon S. Ranara na layuning pukawin ang kamalayan ng publiko ukol sa ginawang kabayanihan ng mga magigiting na sundalo at sibilyang Pilipino noong panahon ng Hapon na nakipaglaban at nag-alay ng kanilang sarili para sa kalayaan at demokrasya ng bansang Pilipinas.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga World War Veteran ng Sorsogon at mga kawani ng kapitolyo.
Ang Araw ng Kagitingan na kilala din sa tawag na “Bataan Day” o “Bataan and Corrigedor Day” ay ginugunita taon-taon tuwing ika-9 ng Abril bilang pambansang aktibidad.
Taong 1961 nang ipasa ng Kongreso ang Republic Act 3022 na nagdedeklara ng ika-9 ng Abril taon-taon bilang Araw ng Bataan o “Bataan Day.” Subalit noong taong 1987, sa bisa ng Executive Order 203, narebisa ang lahat ng national holiday sa bansa at napalitan ang “Bataan Day” at naging “Araw ng Kagitingan”. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Bilang ng turista sa lungsod ng Naga, inaasahan tataas
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Abril 13 (PIA) -- Inaasahang tataas ang bilang ng mga turista na dadagsa na naman dito ngayong Abril at sa mga susunod pang buwan ngayong taon dahil sa mga bagong eco-tourism sites katulad ng mga paliguang dagat at bukal, theme park at iba pa.
Ayon kay Alec Santos, hepe ng Arts Culture and Tourism Office (ACTO) dito, humigit kumulang sa 200,000 lokal at dayuhang turista ang kanilang inaasahang dadagsa at mamamasyal sa lungsod.
Kabilang sa mga listahan ng mga paboritong destinasyon dito ay ang Panicuason Hot Spring and Resort, Malabsay falls at ang bagong Haciendas De Naga na Cool Wave Resort, eco-tourism park at iba pang mga kalapit pook na may magagandang tanawin.
Sinabi ni Santos na umabot na sa 51 porsiyento ang naitalang pagtaas ng tourist arrival sa unang bahagi ng taon kumpara sa mga nakalipas na taon 2010 kung saan nagkaroon lamang ng 37 porsiyento at 43 porsiyento naman noong 2012.
Noong nakalipas na buwan na Marso, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Naga-X o Naga City Excursion Tourism Package.
Ayon Santos, kabilang sa tourism package ay ang tatlong araw at dalawang gabing pagbisita sa mga magagandang resorts sa loob ng lungsod at karatig na mga bayan o mga munisipyong nasasakupan ng Metro Naga. Kasama rin sa package ang personal services, hotel accommodation at resto services.
Samantala, binanggit din ni Pangulong Benigno S. Aquino lll ang pagdagsa ng mga turista sa Bicolandia noong bumisita siya dito noong nakalipas na buwan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na ang debosyon kay Nuestra SeƱora de PeƱafrancia taon-taon ang isa sa mga dinarayo ng mga turista at domestic visitors. Nabanggit din ng Pangulo ang pag-unlad ng Caramoan Peninsula sa lalawigan ng Camarines Sur na naging pangunahing tourist destination sa bansa.(MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
No comments:
Post a Comment