Tuesday, April 9, 2013


Tagalog news: Inhinyero, nars hinihikayat pumasok sa Air Force

By Marlon A. Loterte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 9 (PIA) - Mas palalakasin ng Philippine Air Force (PAF) ang hanay nito sa pagpapahayag ng serye ng pagsusulit para sa mga interesado maging kasapi nito sa itinakdang mga lugar sa buong bansa.

“Ang mga nagnanais maging kasapi ay maaring manggaling sa hanay ng mga nagsipagtapos sa kolehiyo gaya ng mga enhinyero at mga nars,” ito ang sinabi ni Colonel Pedro Francisco III, PAF Group Commander ng Tactical Operations Group (TOG) 5 na nakabase sa Albay sa isang panayam sa programa sa radyo na “Aramon Ta Daw” ng Philippine Information Agency (PIA) Region V.

“Ang PAF ay hindi lamang binubuo ng mga piloto subalit karamihan ay mga maintenance officers, security officers, supply officers, ground officers at emergency medical teams o paramedics,” ani Francisco.

Ngayong taon, ang mga pagsusulit para sa nagnanais maging kasapi ng PAF ay itinakda sa Abril 2, 6, 10 at 13 sa 15 na iba-ibang mga lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao. “Para sa mga aplikante mula sa Bikol, ang pagsusulit ay gaganapin sa Abril 10 sa Bicol University College of Science Hall sa Legaspi City,” sabi ni Francisco.

Ang mga nagsipagtapos ng Engineering gaya ng mechanical, civil, electrical at geodetic at nurses ay kabilang sa mga inaasahang mga aplikante na magiging karagdagang tauhan ng PAF na mayroong kadalasang lakas na binubuo ng 15,000 tauhan na kung saan 2,000 ay mga opisyal. “Sa kabuuang 2,000 na mga opisyal, 25 porsyento lamang dito ang mga piloto,” sabi ni Francisco.

Ang isang interesadong aplikante ay dapat lalaki o babae, at ipinanganak na mamamayan sa Pilipinas, nakapagtapos sa kolehiyo, hindi bababa sa limang talampakan ang tangkad, hindi bababa sa 20 taong gulang at hindi lalampas sa 24 taong gulang sa pagsisimula ng pagsasanay, walang asawa at walang legal na obligasyon sa pagsuporta ng anak, akma ang katawan at pag-iisip sa pagsasanay-militar at may mabuting pagkakakilanlan, ayon pa kay Francisco.

Ang mga aplikante ay kinakailangang magsumite ng application form, authenticated photocopy ng NSO birth certificate at transcript of records, at dalawang piraso ng 2x2 na larawan na may puting likuran. “Kailangang magsuot ang aplikante ng puting t-shirt, maong at rubber shoes sa panahon ng aplikasyon at pagsusulit,” ayon kay Francisco.

“Aming naobserbahan na mababa pa sa limang prosyento ang mga kasapi namin ang galing sa rehiyon Bikol na karamihan ay mula sa mga probinsiya ng Camarines,” ayon kay Francisco. Ang PAF Technical Operations Group sa Bikol ay umaasang dumami ang mga kasapi sa pamamagitan ng paghihikayat ng mga aplikante mula sa Albay, Sorsogon, at iba pang mga probinsiya sa Bikol, ayon kay Francisco.

Ang mga pumasang aplikante ay tumatanggap ng sahod, clothing allowance at libreng board and lodging habang nasa pagsasanay. Pakatapos pumasa sa isang taong pagsasanay ay agad silang itinatalaga bilang second lieutenants sa hukbo. “Binibigyan ng PAF ng kaseguruhan sa trabaho ang mga tauhan nito sa buong karera nila bilang mga opisyal,” ayon kay Francisco.

Ang mga interesadong aplikante ay maaring mag-download ng opisyal na application form sa PAF website na www.paf.mil.ph o makipag-ugnayan sa pamamagitan ng telefax number (02)853-5021. Para sa mga aplikante mula sa Bikol, maaari silang mag-text o tumawag sa sumusunod na mga numero: 0918-963-0643 (Smart), 0917-516-8504 (Globe), 0932-874-1023 (Sun). (MAL/JJP/PIA5)

No comments:

Post a Comment