Tagalog news: Kampanyang 'Bawal ang Epal Dito' inilunsad ng DSWD sa Camarines Norte
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Abril 8 (PIA) -- Inilunsad noong Biyernes, Abril 5, ang “Bawal ang Epal Dito” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang bigyan ng kamalayan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na huwag magpagamit sa mga pulitiko kaugnay ng paparating na halalan sa ika-13 ng Mayo ngayong taon.
Ayon kay DSWD Regional Director Arnel B. Garcia, may mga ulat na nakarating sa kanilang tanggapan kung saan di umano’y ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay aalisin sa listahan ng programa kung hindi iboboto ang isang pulitiko.
Ipinaliwanag niya sa mga dumalo sa paglulunsad, lalong lalo na sa mga parent leaders mula sa iba't ibang bayan ng lalawigan, na tanging ang DSWD lamang ang maaring magtanggal sa benepisyaryo sa listahan ng 4Ps kung sila ay hindi susunod sa mga kondisyon na ipinapatupad ng naturang programa.
Aniya ang salitang “epal” ay papel na ang ibig sabihin ay “pumapapel” o nang-aagaw ng “credit” na karaniwang nangyayari sa mga proyekto ng pamahalaan kung saan inilalagay ang pangalan ng pulitiko.
Aniya hindi rin dapat bumoto ang mga benepisyaryo ng 4Ps dahil sa utang na loob at huwag magpagamit sa kampanya ngunit maaring sumama sa personal na inisyatibo na hindi dadalhin ang Pantawid Pamilya.
Naglagay na rin sila ng hotline (09189122813) para sa mga nais magsumbong kaugnay nito at magsasagawa ang ahensiya ng family development sessions kung saan may module na “active citizenry” upang malaman ng isang 4Ps beneficiary kung paano ba pumili ng tamang kandidato at hindi magamit sa kampanya.
Mayroon rin silang “grievance committee” para sa mga reklamo at kapag na verify ang sumbong ay maari na nilang isumite ito sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (Comelec).
Aniya maaring ring masuspende ang isang Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) kapag nagpagamit sa kampanya at maging ang municipal link at parent leader ng 4Ps.
Nanawagan rin siya sa mga pulitiko na para sa delikadesa ay huwag gamitin ang mga mahihirap at sa mga benepisyaryo naman ng 4Ps na kung pipili ng iboboto ay huwag gamitin ang utang na loob bagkus ang kumpetensiya ng may karapatang umupo sa puwesto.
Malaki rin ang papel ng mga ahensiya ng pamahalaan lalong lalo ng mga media na iparating ang ganitong problema upang sila mismo ay maaring mag expose ng mga gumagawa ng epal.
Ipinaliwanag naman ni OIC Provincial Elections Supervisor Atty. Romeo Serrano ng Comelec na nagsisimula pa lamang sila sa pagmomonitor ng mga hindi sumusunod sa mga alituntunin ng campaign advertisement gaya ng poster, sa telebisyon at sa radyo kung saan may limit ang sukat ng poster at ang "airtime."
Aniya ng nakaraan ay hindi pa sila kumikibo sapagkat hindi pa campaign period kaya wala pang nalalabag na batas ang mga kandidato.
Ayon naman kay LGGO V Maridel Verrosa ng DILG Daet ang kanilang tanggapan ay nagmomonitor din ng mga billboards ng mga proyektong nilalagay ang panggalan ng pulitiko na matagal nang ipinagbabawal ng kanilang ahensiya base sa DILG Memorandum 2010-101. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte).
Tagalog news: PCOS, 'tamper proof' – DOST
By Marlon A. Loterte
LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 8 (PIA) -- Pinawi ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga maling balita at pagdududa na pwedeng dayain o manipulahin ang makinang Precinct Count Optical Scanner (PCOS).
“Eksakto at maasahan ang mga PCOS na nagbibigay sa atin ng kasiguruhan ng isang mapagtitiwalaan at makatotohanang eleksyon,” sabi ni DOST Regional Director Tomas Brinas sa programang “Hatol ng Bayan” na isinahimpapawid ng PTV-8 Legaspi ngayong linggo.
Sa pagtugon sa mga tanong ng publiko na ipinadala sa pamamagitan ng text at ng mga nagtataguyod ng nasabing programa, siniguro ni Brinas na walang basehan ang mga espekulasyon sa posibilidad na maaring sirain ang takbo ng PCOS sa panahon ng halalan sa Mayo 13.
“Nasubukan na natin na maasahan ang mga PCOS noong nakaraang eleksiyon tulad ng napatunayan na rin ito sa US at iba pang mga bansa na gumamit ng parehong makina,” sabi ni Brinas.
Sinimulang gamitin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga PCOS nang nakaraang halalan noong 2010 upang palitan ang usad-pagong na mano-manong pagbibilang ng boto at upang maging makabago ang proseso ng halalan at hadlangan ang pagkakaroon ng nakagawiang dayaan at pagmamanipula ng mga balota na nangyari ng mga nakalipas na panahon.
Ipinaliwanag din ni Brinas ang panegurong palatandaan ng mga PCOS.
“Mayroon itong source code na hindi puwedeng palitan at matagal bago ma-decode dahilan sa halos milyong posibilidad ng mga kumbinasyon,” ayon kay Brinas.
Sa sobrang dami ng mga PCOS na nakakalat sa buong bansa sa araw ng halalan, kinakailangan ang napakalaking halaga upang maglunsad ng malawakang manipulasyon ng mga PCOS, sabi ni Brinas.
“Naka-set sa zero ang makina sa initialization at kung ito ay hindi gumana, mapupuna ito sa nakagawiang diagnostics at agarang papalitan ng nakahandang back-up,” sabi ni Brinas.
Hindi rin problema sa PCOS ang kawalan ng kuryente o brownout dahil may sarili itong baterya na puwedeng magpatakbo sa makina sa loob ng 12 oras. “Awtomatiko itong gumagana kapag nawala ang kuryente at kayang tumakbo kahit lampas pa sa mga oras ng halalan hanggang bilangan,” ayon kay Brinas.
Hindi rin gagana ang mga pekeng balota sa PCOS. “Mayroong panegurong tatak ang opisyal na balota at hindi mababasa o dili kaya’y tatanggihan ito ng makina,” sabi ni Brinas. Pinaalalahanan din niya ang mga botante na markahan ng maayos ang mga balota sa pamamagitan ng kaukulang pagmarka at pagsunod sa tamang bilang ng boto sa bawat posisyon. “Hindi tatanggapin ng makina ang mga botong sobra sa hinihingi sa partikular na dami ng kandidato,” sabi ni Brinas. Tatanggapin pa rin ng makina ang mga tamang boto at bibilangin niya ito, ayon kay Brinas.
Ang DOST ang ahensiya ng pamahalaan na responsible sa pagsertipika akreditasyon mga taong hahawak ng PCOS para sa eleksyon sa Mayo ngayong taon. (MAL/JJP-PIA5)
Tagalog news: Comelec muling nagpaala sa mga kandidato at taga-suporta na maging responsable
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 8 (PIA) -- Sa pagpasok ng unang linggo ng kampanya para sa mga lokal na kandidato, muling nagpaalala ang Commission on Election (Comelec) Sorsogon ukol sa tamang paglalagay ng mga election propaganda tulad ng poster, streamer at iba pa, alinsunod sa itinatakda ng RA 9006 o Fair Election Act.
Hindi lamang umano mga indibidwal na mga kandidato ang nasasaklawan ng patakarang ito kundi maging ang mga kumakandidatong partylist kasama na rin ang mga taga-suporta ng kandidato.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino, ipinagbabawal ang pagdidikit ng mga "campaign paraphernalia" sa mga puno ng kahoy, poste ng kuryente, o sa labas ng itinakdang common poster area. Bawal din umano ang paglalagay ng mga "temporary frame" o "structure" na pagdidikitan o sasabitan ng mga poster ng kandidato kung nasa labas ito ng itinakdang "common poster area."
Wala umanong paglabag kung ilalagay ito sa loob ng mga pribadong bakuran subalit nilinaw niyang dapat na nakasunod ang election propaganda sa itinakdang sukat nito.
Binigyang-diin din niya na sa oras na makatanggap sila ng mga reklamong dokumentado, validated at deklaradong affidavit ng nagrereklamo, susulatan nila ang mga kandidatong may ginawang paglabag at bibigyan ng limang araw upang tanggalin ang inirereklamong mga unlawful election propaganda. Sakaling hindi ito sumunod, mapipilitan umano silang i-endorso ang reklamo sa law department ng Comelec para sa kaukulang imbestigasyon at aksyon.
Aniya, dapat na nakikipag-ugnayan ang kandidato at mga taga-suporta nito sa mga municipal at city election officer upang malaman kung saan nakatalaga ang mga common poster area sa mga barangay at hindi kung saan-saan lamang magdididkit nang sa gayon ay wala itong malalabag na alituntunin.
Nilinaw din ni Aquino na mabigat din ang kakaharaping penalidad ng mga lalabag, sapagkat isa itong election offense, kung saan maaaring makulong ang mga ito ng hindi bababa sa isang taon at hindi lalampas sa anim na taon. Maaari ding ma-disqualify at hindi na muli pang makakandidato at makaboto depende sa ginawang paglabag. Wala umanong probation ang sinumang mapapatunayang nakagawa ng election offense, maging ang pangulo ng bansa ay hindi makapagpapalaya ng mga lalabag at tanging ang Comelec lamang ang maaaring magbigay ng pardon o parole.
Sinabi din niya na maging ang mga behikulong may dilaw at pulang plate number ay bawal pagkabitan ng mga campaign material o political advertisement. Kapag inireklamo umano ang mga lalabag dito at mapatunayang nagkasala ay maaaring makulong hindi lamang ang kandidato kundi maging ang drayber o operator ng behikulo at maaari ding makansela ang kanilang prangkisa.
Kaugnay nito nanawagan si Aquino sa mga kandidato at suportador nito na maging responsable at sumunod sa mga itinakdang alituntunin. Iwasan na umano ang mga nakakagawiang kaugalian na hangga’t makalulusot ay lulusot sa batas.
“Kung lahat ay susunod, walang magiging alitan o problema, kaya tinawag na fair election sapagkat dapat na maging parehas ang laban at walang lamangan, kung sino ang gusto ng mga botante yun ang dapat na manalo,” ayon pa sa kanya. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
No comments:
Post a Comment