Anti-epal campaign ng DSWD ilulunsad sa Camarines Norte
Ni Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Abril 5 (PIA) -- Ilulunsad ngayong araw sa lalawigan ng Camarines Norte ang “Bawal Ang Epal Dito Campaign” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isasagawa sa Wiltan Hotel sa bayan ng Daet.
Pangunahing dadalo dito ang mga parent leaders o dalawang kinatawan sa bawat bayan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang print at broadcastl media dito para sa isasagawang press conference.
Kasama rin ang Provincial Advisory Committee ng 4Ps ng Camarines Norte na kinabibilangan ng Provincial Health Office, Provincial Planning and Development Office, Commission on Population at National Nutrition Council.
Kabilang din ang mga hepe mula sa mga tanggapan ng Department of Interior and Local Government, Commission on Elections, Department of Education, National Commission on Indigenous Peoples, Philippine National Police, PhilHealth at ang Philippine Information Agency.
Layunin ng aktibidad ang mapangalagaan ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa mga pulitikong ginagamit ang naturang programa upang mahikayat na masuportahan ang kanilang kandidatura.
Wala rin karapatan ang sinuman na alisin ang benepisyaryo sa talaan ng 4Ps. Ang DSWD Regional at National Office lamang ang may karapatang magtanggal sa pangalan kung hindi tumutupad sa mga kondisyon ng naturang programa.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay programa ng pamahalaan na naglalayong maitaas ang kalidad ng buhay ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong pinansyal para sa edukasyon at nutrisyon ng mga batang edad 0-14, at pagbibigay ng dagdag na kaalaman at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga pamilyang kasama sa programa. (MAL/ROV/PIA5)
Tagalog news: 'Child Labor Free Barangays' ilulunsad sa bayan ng Paracale
Ni Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Abril 5 (PIA) -- Ilulunsad ngayong araw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Camarines Norte ang Child Labor Free Barangays sa bayan ng Paracale na mayroong child laborers.
Isasagawa ito sa El Minero Restaurant dito sa pangunguna ng DOLE katuwang ang lokal na pamahalaan, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at ang Philippine National Police (PNP).
Sa bahagi ng programa, isasagawa ang presentasyon sa mga ordinansa ng barangay kaugnay sa pagkuha at pagbabawal sa mga kabataan na nagtatrabaho sa mga minahan at iba pang mga kahalintulad na gawain.
Isasagawa din ang "Signing of Commitment to Action" kung saan aalisin na ang child laborers sa anim na barangay na nagtatrabaho sa mga minahan at bibigyan ng proteksiyon sa lahat ng pang-aabuso at kapabayaan. Ito ay kanilang bibigyan ng pinakaimportanteng konsiderasyon at interes para sa mga kabataan.
Sa pangako naman ng mga kabataan, tatalikuran na nila ang child labor, ipagpapatuloy at pagbubutihin ang pag-aaral hanggang sa makapagtapos at matupad ang kanilang mga pangarap.
Ayon kay Chief Labor and Employment Officer Ruben L. Romanillos, provincial field officer ng DOLE dito, inihahanda na ng kanilang tanggapan ang mga proyektong pangkabuhayan na ibibigay sa mga magulang ng mga child laborer kabilang na ang Starter Kit at Nego Kart.
At sa proyektong ito ng DOLE, di na papayagan ng mga magulang na magtrabaho ang kanilang mga anak sa minahan at susuportahan ang kanilang pag-aaral.
Nauna ng nabigyan ang barangay Malaguit ng Hog Raising Project ng naturang tanggapan sa 27 benepisyaryo sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga hayop na kanilang pagkakakitaan at pangkabuhayan.
Samantala, batay sa talaan ng Barangay Council for the Protection of Children katuwang ang MSWDO dito, may kabuuang 60 sa anim na barangay ng bayan ng Paracale ang mayroong child laborers na kinabibilangan ng barangay Palanas, Tugos, Malaguit, Tawig, Casalugan at ang barangay Gumaos.
Nakatakda naman na dumating si DOLE USec. Ciriaco Lagunzad upang pangunahan ang naturang programa kung saan magbibigay naman ng mensahe dito sina Mayor Romeo Y. Moreno at Gobernador Edgardo A. Tallado. (MAL/ROV/PIA5)
Paggunita ng semana santa sa Bicol mapayapang naidaos –PNP
ni Sally A. Atento
LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 5 (PIA) -- Mapayapang naidaos ang paggunita ng Semana Santa sa rehiyon ng Bicol ayon kay Police Supt. Renato Bataller, tagapagsalita ng Philippine National Police sa rehiyong ito.
“Sa pangkalahatan, naging mapayapa ang paggunita ng Semana Santa sa ating rehiyon. Ang aming tanggapan ay wala namang naitala na malaking insidente maliban na lamang sa mga naitalang kaso ng banggaan, pamamaril at pagkalunod,” ani Bataller.
Ayon sa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD 5) dito, ang nasabing banggaan na kinasangkutan ng isang Toyota Fortuner at Kawasaki motorcycle na minamaneho ni Fr. Jasper D. Valdez papunta sa gaganaping misa para sa Huwebes Santo sa cathedral, ay naganap sa isang tulay sa Brgy Manhumlad, Matnog Sorsogon bandang alas-5:39 ng umaga ng Marso 28.
Ang biktima na siya ring assistant parish priest ng Matnog Sorsogon, ay isinugod sa Matnog District Hospital matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan subalit ito’y idineklara nang dead on arrival.
Samantala naganap naman sa Bgy. Siay, San Miguel Catanduanes ang pamamaril ng limang di pa nakikilalang armadong kalalakihan sa biktimang nagngangalang Jerome Bernal, 29 anyos, at kanyang live-in partner na si Myline Tindugan, 23 anyos na walong buwang buntis.
Si Bernal ay nasawi habang si Tindugan ay dinala sa Eastern Bicol Medical Center.
Tatlong insidente naman ng pagkalunod ang naitala sa rehiyon.
Ang mga ito ay naganap sa Magpanambo River sa Polangui Albay, Sta Magdalena sa Sorsogon at Puraran Beach sa Baras Catanduanes kung saan nasawi ang isang dayuhang amerikano.
Si Mikel Skot Strandlund, 56 anyos na galing pa sa Minnesota USA ay nalunod matapos matangay ng isang malaking alon.
Agad siyang isinugod sa ospital ng mga tauhan ng Baras Municipal Police Station subalit idineklara nang dead on arrival.
Upang mas mapaigting ang kapayapaan at seguridad para sa paggunita ng Semana Santa lalo na ng mga maglalakbay ay itinayo rin ang mga public assistance centers sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon gayundin sa mga terminal, paliparan at pantalan. (MAL/SAA–PIA5 Albay)
No comments:
Post a Comment