Tagalog news: PNP magsasagawa ng Security Sector and Civil Society Forum
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 11 (PIA) -- Isang talakayan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng mga lider at kinatawan ng Civil Society Organization at non-partisan group ang nakatakdang pangunahan ng Sorsogon Police Provincial Office ngayong araw, Abril 11, sa Villa Isabel, lungsod ng Sorsogon.
Sa ipinadalang impormasyon sa tanggapan ng PIA Sorsogon, layunin ng aktibidad na tinagurian nilang “Security Sector and Civil Society Forum” na mapaigting at masustinihan ang pagpapatupad ng mga batas pangseguridad at operasyong magsusulong ng kaligtasan ng publiko.
Sa pamamagitan din ng forum ay inaasahang higit pang mapapaigting ang relasyon at ugnayan sa pagitan ng mga nasa security sector, civil society group at ahensya ng pamahalaan nang sa gayon ay makamit ang mapayapa at patas na halalan o ang tinatawag na Secure And Fair Elections (SAFE) sa darating na ika-13 ng Mayo, 2013.
Matapos ang gagawing briefing presentation ay magkakaroon ng "Open Forum" upang mapag-usapan ang mga mahahalagang isyung may kaugnayan sa SAFE.
Nakatakda ring magbigay ng mensahe si Regional Election Director Atty. Romeo B. Fortes ng Commission on Election Region 5 at si Police Chief Superintendent Atty. Clarence V. Guinto, Acting regional Director ng PNP Bicol. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Talakayan ng mga magsasaka at mangingisda isasagawa sa Camarines Norte
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Abril 11 (PIA) -- Isasagawa ngayong araw ang talakayan ng samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng “Farmers and Fisherfolks Forum” sa agro-sports center ng kapitolyo probinsiya.
Pangungunahan ito ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) katuwang ang mga tanggapan ng Regional Field Unit V ng Department of Agriulculture (DA RFU V), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), PhilRice at Fiber Industry Development Authority (FIDA).
Bahagi ng programa ang paglulunsad ng "National Year of Rice" sa probinsya ngayong taon at ang Commitment Signing.
Ayon sa pahayag ni Acting Provincial Agriculturist Francia C. Pajares ng OPAg, layunin ng paglulunsad ang mapaunlad ang kasapatan sa pagkain at sa ganitong paraan ay madagdagan ang produksiyon at maiiwasan ang pagsasayang ng pagkain.
Aniya, ang bawat Pilipino sa isang araw ay nagsasayang ng dalawang kutsaritang kanin katumbas ng siyam na gramo ng bigas at sa isang taon ito ay umaabot sa 3.3 kilos na pagkain na nasasayang ng bawat Pilipino.
Sa populasyon ng Pilipinas, ang nasasayang na bigas sa loob ng isang taon ay 308,883.4 metrikong tonelada at ang import value nito kung bibilihin sa ibang bansa ay P5.3 bilyon ayon pa rin kay Pajares.
Dagdag pa niya na kung hindi ito masasayang, ito ay makakatipid at makakapagpakain ng 2.7 milyong mahihirap na Pilipino ayon sa Commitment Signing ng mga magsasaka katuwang ang mga naturang tanggapan.
Samantala, ipapamahagi naman ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa 109 na mga benepisyaryo sa kabuuang 263.53 ektaryang taniman ng mais at palay.
Kasama na rin dito ang mga kagamitan sa pagtatanim, mga makina at Post Harvest Facilities, bilaran ng mga produkto o laminated sacks, kagamitan sa pangingisda at pagtatanim ng seaweeds ganundin ang fish cages sa pag-aalaga ng isda.
Ipapamahagi din ang mga kagamitan sa pagtatanim ng abaca, kasama na ang Plantlets nito o pantanim na.
Kaugnay naman sa malayang talakayan, pangunahing pag-uusapan dito ang isyu ng mga mangingisda na nais bigyang solusyon dahil may mga lugar ng pangisdaan na dating taniman ng bakawan kung saan ito ngayon ay abandonado na.
Layunin nitong maibalik o kung maaari ay mataniman pang muli ng mga bakawan para na rin sa proteksiyon sa kapaligiran, gayundin nais din bigyang atensyon ang mga suliranin ng mga magsasaka at mabigyan ng solusyon ang kanilang problema sa pagtatanim.
Samantala, ihahayag naman ni Gobernador Edgardo A. Tallado ang kanyang mga nagawa sa sektor ng pangisdaan at agrikultura sa lalawigan ng Camarines Norte simula sa taong 2010 hanggang 2012 at ang kanyang mga plano ngayong taon ng 2013. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tagalog news: Mga political billboards mahigpit na ipinapatupad
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 11 (PIA) -- Mahigpit ang kautusang ipinalabas ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Romeo S. Momo sa mga regional director ng DPWH ukol sa pagtanggal ng mga political billboard na malapit sa mga proyekto ng DPWH.
Ayon kay DPWH Asst. Regional Director Engr. Jesus E. Salmo, napakarami nang mga reklamo ang natatanggap ng DPWH Central Office na nagkalat ang mga political billboard na inilalagay ng mga kandidato at taga-suporta nito malapit sa mga proyektong ipinatutupad ng DPWH.
Kaugnay nito, nagpalabas din ng Memorandum Order No 4086 si Engr. Salmo sa lahat ng mga District Engineer sa buong rehiyon ng Bicol na tanggalin ang mga political billboard na inilagay 100 metro malapit sa mga proyekto ng DPWH at ang mga nasa kalsadang daanan.
Ang kautusan ay alinsunod din sa ipinalabas na Department Order ng DPWH Bilang 30 na may petsang Mayo 7, 2012.
Samantala, muli namang ipinaalala ni Sorsogon 1st District Engineer Romeo Doloiras sa mga kinauukulan na alinsunod din sa nakasaad sa karagdagang panuntunan na ipinalabas na Department Order ng DPWH ukol sa paghahanda at paglalagay ng mga project billboard na dapat na sumunod sa standard na sukat na 1200mm x 2400mm o di kaya’y 4ft x 8 ft.
Wala din umanong political billboard na papayagang mailagay malapit sa mga proyekto ng DPWH at sa mga itinalagang road right-of way, at walang sinumang kontraktor ang maaaring maglagay ng mga pangalan ng pulitiko o anumang political billboard sa mga kagamitang ginagamit sa pagpapa-trabaho.
Ayon pa kay Engr. Doloiras, maari din umanong maging mapanganib sa mga dumadaan at mga motorista hindi lamang ang mga political billboard kundi maging ang mga poster, tarpaulin at iba pang mga ilalagay na campaign material sa kalsada lalo pa’t may mga pagkakataong natatakpan din ang mga karatula ng mga direksyon na inilagay ng DPWH.
Hinikayat din niya ang publiko na magsumbong sa kanilang tanggapan sakaling may mga nakikita ang mga ito na paglabag sa mga itinatakdang tuntunin ng DPWH. (MAL/BAR-PIA5)
Tagalog news: DSWD Municipal Convergence Caravan isinasagawa sa bayan ng Pto. Diaz
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 11 (PIA) -- Isang convergence caravan ang ginaganap ngayon sa bayan ng Pto Diaz sa pangunguna ng Pantawid Pamilya Program (4Ps), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (Kalahi-CIDDS) at Self-Employment Assistance – Kaunlaran (SEA-K) ng DSWD.
Ito ay kasabay ng isinasagawang panlalawigang paglulunsad ng kampanyang “Bawal ang Epal Dito” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong araw sa lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Janette Bellen, in-charge ng Kalahi-CIDDS program ng DSWD sa Pto. Diaz, tinaguriang “Pagkakapit-bisig ng ‘Tatsulo’ Laban sa Kahirapan” Convergence Caravan layunin nilang maipakilala ang programang “Tatsulo” ng DSWD o ang 4Ps, Kalahi-CIDDS at SEA-K ng Pto. Diaz.
Aniya, ang nasabing caravan ay isang paraan ng pagpapaintindi ng kanilang adbokasiya at Information, Education, and Communication (IEC) campaign na rin sa publiko.
Nais din nila umanong maipakita ang iba’t ibang abilidad ng mga benepisyaryo ng tatsulo sa pamamagitan ng slogan at mga larawang gawa at kuha ng mga ito na ipinarada sa isang motorcade kanina.
Ginawa din nila umanong patimpalak ito nang sa gayon ay mabigyan pa ng mas malaking inspirasyon ang mga benepisyaryo na lumahok.
Maliban sa ginawang banal na misa, motorcade at pambungad na programa, ilalahad din ang mga tampok na nagawa na ng programang “Tatsulo.”
Naglagay din ng mga munting kubol o booth ang 23 barangay ng Pto. Diaz upang ipakita ang kanilang mga aning produktong agrikultural.
May mga espesyal din na presentasyon at parlor games kung saan makatatanggap ng mga premyo ang mananalo: Champion, 1st, 2nd, at 3rd para sa Best Slogan, Best Booth, at Best Presentation. Pipili din ng Best performing Community Volunteers. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
No comments:
Post a Comment