Camarines Norte makikiisa sa isasagawang 'Simultaneous Prayer Vigil at Synchronize Lighting of Candles'
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Mayo 10 (PIA) -- Makikiisa ang lalawigan ng Camarines Norte sa isasagawang magkakasabay na "Prayer Vigil" at "Synchronize Lighting of Candles" kaugnay sa paghahanda sa gaganaping halalan sa ika-13 ng Mayo ngayong taon.
Pangungunahan ito ng 49th Infantry (Good Samaritans) Battalion ng 9th Infantry (SPEAR) Division ng Philippine Army, Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan na makikiisa dito.
Isasagawa ito ngayong araw sa ganap na ikalima ng hapon sa simbahan ng St. John the Baptish Parish sa bayan ng Daet.
Ayon kay Lt. Col. Michael M. Buhat, commanding officer ng Philippine Army dito, layunin ng naturang gawain ang magkaroon ng maayos, tahimik at mapayapang halalan at ipakita din sa pagboto ang pagmamahal sa bayan at sa mga darating pang mga halalan sa pamamagitan ng pagboto at pagpili ng nararapat.
Ayon naman sa kanilang paghahanda sa isasagawang halalan, nakikipag-ugnayan ang kanilang pamunuan sa mga ahensiyang nagpapatupad at tumutulong dito upang mapangalagaan ang seguridad ng halalan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ang tema ng aktibidad ay “Sama-samang panalangin sa matahimik at patas na halalan.” (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tanod at tambay sa Masbate, arestado sa gun ban
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 10 (PIA) -- Isang tanod at isang tambay ang pinakabagong naaresto ng special task force ng pulis at militar na tumutugis sa mga armado ng baril na walang lisensya o loose firearms sa probinsya ng Masbate.
Isang 32 anyos na tanod ang inaresto ng mga kaanib ng Joint PNP-AFP Special Task Force Masbate sa kanyang bahay sa Barangay Dayhagan, bayan ng Aroroy kamakalawa matapos masamsam sa kanya ang isang 12 gauge shotgun at dalawang bala para sa naturang armas.
Sa parehong araw din naaresto ang isang 20-anyos na istambay sa Barangay Coasta Rica, bayan ng San Fernando kung saan narekober mula rito ng mga kasapi ng Regional Pubic Safety Battalion kay Tugbo ang isang .357-caliber Magnum revolver at anim na bala para sa naturang baril.
Inaresto din ang isang 19-anyos na tambay na kasama ni Tugbo matapos masamsam sa suspek ang isang Batangas knife.
Ang mga bayan ng Aroroy at Batuan ay kapwa itinuturing na areas of concern ngayong panahon ng eleksyon.
Ang mga tauhan ng Special Task Force Masbate ay nakakalat na sa probinsya upang disarmahan at pigilan ang sinumang tauhan ng mga pulitiko na nagnanais manalo sa marahas na paraan. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
45 Sorsoganon akreditado ng DOT bilang bagong tour guide
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 10 (PIA) -- Binigyan ng akreditasyon ng Department of Tourism (DoT) ang 45 Sorsoganon bilang mga bagong tour guide ng Sorsogon.
Ito ay matapos na sumailalaim ang mga ito sa tatlong araw na pagsasanay na tinaguriang “Specialized Tour Guiding Techniques Training” sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office sa pakikipagtulungan sa Provincial Tourism Council. Ang pagsasanay na ito ay pinondohan ng DoT Region V.
Sa panayam kay DoT Dir. Maria Ravanilla, sinabi nitong sa laki ng potensyal ng turismo ng Sorsogon, kulang na kulang ang mga tour guide ng lalawigan na mayroong mga tamang kasanayan kung kaya’t nagpapasalamat siya sa pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sapagkat binigyang prayoridad ang ganitong aktibidad sa "Tourism Plans and Programs"ng lalawigan ngayong 2013.
Isa din umano itong pagkakataon para sa kabuhayan ng mga Sorsoganon kung saan sa pamamagitan ng pagiging akreditadong tour guide, tataas ang kanilang kita at mawiwili dito ang mga turistang dadayo dito sapagkat mabibigyan sila ng kaukulang seguridad.
Sinabi din ni Dir. Ravanilla na ngayong pinalawak pa ang ALMASOR (Albay, Masbate, Sorsogon), nabubuksan na rin ang iba pang mga destinasyong pangturismo sa Sorsogon na higit pang aakit ng mga dadayong turista.
Ipinaliwanag naman ni Ginoong Paul Lim So, isang akreditadong instructor ng Department of Tourism at siyang naging tampok na tagapagsalita sa ginanap na pagsasanay, kung paano kumita sa pagiging tour guide at kung papaanong magbubukas din ito ng iba pang mga kabuhayan.
Dagdag din niya na makatutulong din ang mga may kasanayan ng tour guide sa pangangalaga ng kalikasan ng isang lugar lalo pa’t alam nilang ito ang nagbibigay sa kanila ng mapagkakakitaan.
Kabilang sa mga itinuro sa mga kalahok ang Practical Guiding Techniques, Dos and Don’t’s in Tour Guiding, Tourist Behavior Pattern at Market Profile, Good Customer Service, hotel procedures at mga responsibilidad ng isang tour guide. Nagkaroon din sila ng mock tour guiding sa mga pangunahing destinasyong pangturismo ng Sorsogon tulad ng Donsol sa unang distrito at Bulusan at Matnog sa ikalawang distrito ng Sorsogon.
Ayon sa mga bagong akreditadong tour guide, malaking tulong sa kanila ang libreng pagsasanay na ito at higit pa umanong nahasa ang kanilang kakayahan sa pakikitungo sa mga turista lokal man o dayuhan. Naghayag din ang mga ito ng kahandaang mai-aplay sa lalong madaling panahon ang mga natutunan nila mula sa kanilang naging tagapagsanay. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
COMELEC-Bicol handa na sa halalan sa lunes
By Joseph John J. Perez
LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 10 (PIA) -- Nakaantabay at nakahanda na sa halalan, ito ang pagseseguro na ginawa ni Commission on Elections (COMELEC) Bicol Regional Election Director Romeo Fortes sa isinagawang final briefing para sa paghahanda at pagsusuri COMELEC at deputized agencies kahapon.
“Nakaantabay na kami ayon sa kahandaan sa transmission, pagtatalaga ng tao, pagsusuri at pagseselyo ng PCOS (Precinct Count Optical Scan) machines, kasabay na ang contingency plans kung magkaroon ng sakuna,” sabi ni Fortes.
Lahat ng pangangailangan sa tao para sa halalan gaya ng board of canvassers, board of election inspectors (BEI), kasabay ang support personnel galing sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ay buong natugunan, ayon kay Fortes.
“Ang buong rehiyon ay mayroong seguridad hanggang sa mga presinto na mayroong isang tauhan ng PNP at Army sa bawat presinto,” sabi ni Fortes.
Lahat ng mga kagamitan at dokumento sa halalan ay kumpleto na sa buong rehiyon, ayon kay Fortes. “Nakatanggap kami ng kumpletong set ng voters’ information sheet,” sabi ni Fortes.
Lahat ng PCOS machines ay naipadala at nababantayan na pakatapos ng pagsusuri at pagseselyo nito, ayon kay Fortes. “May mga hindi gumagana subalit ang problema ay maliit lamang dulot ng pagdadala nito na agad namang nakumpuni,” sabi ni Fortes.
Pitong PCOS lamang ang nagkaroon ng konting aberya, dalawa sa Sorsogon, tatlo sa Albay at dalawa sa Catanduanes, ayon kay Fortes.
“Mabuti na lamang na ginawa ang pagsusuri isang linggo bago ang halalan kaya naayos natin ang konting aberya, gayunpaman, mayroon tayong contingency PCOS na nakaabang,” sabi ni Fortes.
“Nakahanda rin tayo sa mga sakuna at mayroon tayong contingency plans,” sabi ni Fortes. Inamin din ni Fortes na hindi nila inaasahan ang biglaang phreatic explosion ng Bulkang Mayon noong Martes. “Sinisiguro namin an aming kahandaan kung magkaroon man ng pagputok ang bulkan,” sabi Fortes.
Kasama sa plano ang hindi paggamit ng mga silid-aralan evacuation centers kung magkaroon ng pagputok ng bulkan kung ginagamit na ito bilang presinto ng halalan, ayon kay Fortes.
“Pinag-aaralan din namin kung paano poprotektahan ang PCOS sa ash fall dahilan sensitibo ang makina at baka magkaaberya,” sabi ni Fortes.
Inimbitahan din ang Philippine Institute Volcanology and Seismology (Phivolcs) Resident Volcanologist na si Ed Laguerta sa pagtitipon upang magbigay ng impormasyon tungkol sa kaganapan sa Mayon.
“Ang nangyari sa Mayon noong Martes ay normal at patuloy na normal ang sitwasyon nito, kung kaya ang pagkakaroon ng anumang pangyayaring sangkot ang bulkan sa mga susunod na araw ay hindi magaganap batay sa aming pagmamatyag,” sabi ni Laguerta.
Samantala, umapela ng tulong si Assistant Regional Election Director Noriel Badiola mula sa mga deputized agencies upang maisakatuparan ang malinis, tapat at matitiwalaang halalan. “Hindi namin kayang ipagtanggol ang kalinisan ng balota kung wala ang mga deputized agencies, kayo po an gaming pag-asa,” sabi ni Badiola. (JJJPerez/PIA5/Albay)
Comelec sa Bicol, may itinalagang speakers’ bureau para sa halalan
By Joseph John J. Perez
LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 10 (PIA) -- Pormal na pinakilala kahapon ng Commission on Elections (COMELEC) sa rehiyon Bicol ang mga kasapi ng speakers’ bureau nito sa ginawang final briefing kahapon ng Commission sa mga deputized agencies nito.
Ayon kay Comelec-Bicol regional election director Atty. Romeo Fortes ang mga kasapi sa COMELEC-Bicol speakers bureau.
“Ako mismo ang tagapagsalita para sa Rehiyon Bikol at ang mga tagapagsalita sa bawat probinsiya ay ang mga provincial election supervisors mismo,” sabi ni Fortes.
Ayon sa Comelec, naorganisa ang speakers bureau mula pa noong Pebrero sa rekomendasyon mismo ng mga provincial election supervisors bilang paghahanda sa halalan ngayong Mayo.
Ang pitong-tao na speakers bureau ay binubuo nina Fortes bilang pinuno, Atty. Annie Romero-Cortez para sa Albay, Atty. Romeo Serrano para sa Camarines Norte, Atty. Alberto CaƱares III para sa Camarines Sur, Atty. Maria Aurea Bo-Bunao para sa Catanduanes, Atty. Noriel Badiola para sa Masbate at Atty. Calixto Aquino para sa Sorsogon.
Ang pangunahing gawain ng pangkat ay magbigay tugon sa panayam ng media, election coverage, programa sa radyo at TV, fora at kahalintulad na gawain na may kaugnayan sa pagsagawa ng halalan sa kanilang pagkatalaga bilang opisyal na kawani ng COMELEC.
Sa kabilang dako, isa ang PIA sa mga deputized agencies ng Comelecpara sa information at education campaign nito.
Sa Bikol, ang PIA ay aktibo sa pagsagawa ng regular na mga programa nito sa radyo na “Aramon Ta Daw” at “Ugnayan sa Bikol” at nagbibigay suporta sa regular na pagsasahimpapawid ng “Hatol Ng Bayan” bilang mga pangunahing paraan nito sa pagbigay impormasyon at edukasyon upang bigyan ng kaalaman ang mga botante.
Ang iba pang mga deputized agencies ay ang Departments of Education, Finance, Transportation and Communication, Energy, Public Works and Highways, Budget and Management, Philippine Postal Corporation, National Telecommunications Commission, Telecommunications Office, Electric Cooperatives, Philippine Airlines, Civil Service Commission, Commission on Audit, Metro Manila Development Authority, government financial institutions, iba pang ahensiya ng pamahalaan, at ibang government owned and controlled corporations.
Ang Comelechotline numbers sa Bicol ay ang sumusunod : (052)480-4812, 821-7961 at 820-5309 para sa Comelec regional office at Albay; (054)571-2307 para sa Camarines Norte; (054)477-0266 para sa Camarines Sur; (052) 811-1050 para sa Catanduanes; (056) 582-0396 para sa Masbate; at (056) 421-57-88 para sa Sorsogon. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)
Philippine Army pangungunahan ang “Sama-samang Panalangin para sa Matahimik at Patas na Halalan 2013”
By Benilda A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Mayo 10 (PIA) – Isang Prayer Vigil at sabay-sabay na pagsisindi ng kandila ang nakatakdang pangunahan ng mga tauhan ng 903rd Infantry Brigade mamayang 6:30 ng gabi sa Capitol Park, Lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay 903rd Brigade Commander Col. Joselito E. Kakilala ang aktibidad ay hindi lamang gaganapin dito sa Sorsogon kundi sa lahat ng dako ng Katimugang Luzon.
Tinaguriang “Sama-samang Panalangin para sa Matahimik at Patas na Halalan 2013”, layunin nitong mapag-isa ang Comelec, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Philippine National police (PNP), Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan (LGU), Civil Society Group (CSO) at media na magsagawa ng isang sama-samang panalangin upang matiyak na makakamit ang ligtas at patas na halalan ngayong 2013.
Ayon pa kay Col. Kakilala, nais din nilang maikintal sa isipan ng publiko na sila mismo ay dapat na maging mapagbantay at aktibong makilahok nang sa gayon ay maisakatuparan nila ang kanilang pulitika na karapatan at malayang makapili ng mga lider nang hindi pinilt at walang pananakot.
Sa gaganaping programa, ilang mga kalahok din ang naatasang magbigay ng mensahe at panalangin ukol sa kapayapaan, katapatan, pagmamahala sa Diyos at sa bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)
PNP Concert para sa mapayapang eleksyon isinagawa sa Sorsogon
By Benilda A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Mayo 10 (PIA) -- Hindi natinag ng ulan ang ginawang aktibidad ng mga kapulisan ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) nitong Miyerkules, Mayo 8, sa isang libreng Peace Concert na ginawa sa Camp Salvador C. Escudero, Sr., Sorsogon City.
Ayon kay Sorsogon Police Provincial Director PSSupt Ramon S. Ranara, kasama ang ginawang konsyerto sa kanilang inisyatibo na mapa-igting pa at masustinihan ang pagpapatupad ng pampublikong seguridad partikular ngayong halalan.
Tinagurian nilang “Konsiyerto Kan Kapulisan Para sa Matinong na Eleksyon”, nais nilang imulat ang kamalayan ng publiko sa kanilang pulitikal na karapatan at makakuha na rin ng suporta mula sa mga kasapi ng civil society group, mga prupesyunal, non-partisan group, ahensya ng pamahalaan at iba pang grupo upang matiyak na kaisa ang mga ito ng PNP sa pagkamit ng maayos at patas na halalan ngayong 2013.
Suportado din ng Philippine Army ang nasabing aktibidad at sa pahayag ni Col. Teody T. Toribio, Commanding officer ng 31st Infantry Battallion, sinabi nitong kaisa sila ng PNP sa hangaring magkaroon ng tapat, maayos at payapang halalan. Sinabi ni Col. Toribio na hindi lamang ngayong eleksyon dapat na magkaisa ang mga Pilipino kundi sa lahat ng panahon sapagkat ang pagkakaisa ang susi sa tunay na kapayapaan at kaunlaran. Dagdag pa niya na maging sila ay ayaw na rin ng karahasan, kundi nais nilang mas maging kaakit-akit pa ang Sorsogon bilang isang payapang komunidad nang sa gayon ay mas maabot pa ng bawat kasapi ang pangarap nitong pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Isinalaysay naman ni PNP Provincial Director Ranara ang mga hakbang na ginawa nila bilang paghahanda upang matiyak ang seguridad ng halalan sa Lunes. Pinasalamatan din nito ang mga inimbita nilang panauhin at maging ang publiko sa suportang ipinakita ng mga ito sa PNP.
Tampok sa nasabing konsyerto ang Police Regional Office 5 (PRO5) Band at civilian performer na buong pusong nagpakita ng kanilang talento sa musika at nagpakita ng pagmamahal sa kapayapaan. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)
125 bilanggo ng provincial jail boboto ngayong halalan
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Mayo 10 (PIA) -- Boboto ngayong darating na halalan ang 125 bilanggo ng Camarines Norte Provincial Jail ng kapitolyo probinsiya kung saan 111 ang lalaki dito at 14 naman ang kababaihan.
Ito ang mga bilanggo na ang kanilang mga kaso ay nasa ilalim ng proseso samantalang ang mga naakusahan ay hindi maaaring bomoto.
Ayon kay Acting Provincial Warden Reynaldo Pajarillo ng Provincial Custodial and Security Services Division ng pamahalaang panlalawigan, ito ay batay sa guidelines ng Resolution no. 9371 “Rules and Regulation on Detainees Registration”.
Ayon pa rin kay Pajarillo, ang lahat ng proposeso upang makaboto ang mga bilanggo ay nasa pangangalaga ng Commission on Elections (COMELEC).
Aniya, ang Special Board of Election Inspector ang tutulong sa mga bilanggo para bomoto ayon sa special composition ng Department of Education (DepEd).
Dagdag pa ni Pajarillo, kasama rin ang kanilang tanggapan sa mga ahensiyang itinalaga ng Commission on Election na nagpapatupad at tutulong sa kaayusan at katamikan sa araw ng halalan.
Ang Camarines Norte Provincial Jail ay mayroon ngayong 328 na bilanggo kung saan 299 dito ay mga lalaki at 29 naman ang mga kababaihan na may mga gawain sa loob ng piitan katulad ng paggawa ng mga handicrafts at ibat-ibang pagkakitaan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment