Thursday, May 9, 2013



Turista, dumarami pa rin matapos ang insidente sa Mayon - Salceda

Ni Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 9 (PIA) -- Naghatid man ng lungkot ang pagkamatay ng apat na Aleman, pagkakasugat ng limang Thai at isang Austrian dahil sa biglaang pag-aalburuto ng Bulkan Mayon noong Martes ay tumaas pa rin ang bilang ng mga dumarating na turista sa Albay.

“Tumaas ang occupancy rate ng 10 porsyento,” sabi ni Albay Governor Joey Salceda.

"Ang kagandahan ng Mayon ang pangunahing dahilan bakit maraming turista ang pumupunta sa Albay hindi ang aktibidad na mountaineering na nabibighani lang ang iilang naghahanap ng adventure," ayon kay Salceda.

“Mayroon tayong pinakamagandang ATV (all-terrain vehicle) experience sa buong mundo at walang maikukumpara dito sa iba ibang uri ng tracks nito, tanawin na nabibighani kahit mga banyaga,” sabi ni Salceda.

Kamakailan lamang ay sinubukan ng Hollywood actor na si Zac Efron ang pagsakay sa ATV ng Albay sa kanyang dagliang pagbisita sa probinsiya.

“Mula’t sapul ay hindi namin itinaguyod at inirekomenda ang mountaineering, subalit ito ay aming kinokontrol,” sabi ni Salceda.

Pansamantalang sinuspinde ang lahat ng gawain ng tao sa anim na kilometrong permanenteng danger zone ng bulkan maliban sa rescue at retrieval operations dahil sa phreatic explosion noong Martes ng tanyag sa buong mundong bulkang Mayon na nagdulot ng pagkamatay at pagkakasugat ng mga dayuhang turista kasama ang mga lokal na guides na umabot sa 21 lahat.

“Ang batayan ng pagkontrol ng gawain ng tao (sa loob ng pinagbabawal na bahagi ng bulkan) ay ang alert level (ng Phivolcs) hindi ang permanent danger zone restriction,” sabi ni Salceda.

Ang anim na kilometrong permanenteng danger zone ng Mayon na ipinapatupad ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay ipinagbabawal ang permanenteng pagtira subalit hindi ang pagpasok dito ng tao habang ang alert level ang batayan kung papayagan ang mga tao na pumasok sa loob ng ipinagbabawal na bahagi, ayon kay Salceda.

“Ang ibig sabihin ng alert level zero ay walang anumang panganib o nakaambang panganib,” sabi ni Salceda. Kapag alert level zero, ang Mayon ay isang "bundok" lamang at nasa isang mountaineer ang pagtataya sa panganib sa pag-akyat dito, ayon kay Salceda. Nasa alert level zero ang Mayon ng bumuga ito ng abo na walang babala na ikinagulat ng mga dayuhang mountaineers at kanilang mga lokal na gabay.

Hindi lang pag-akyat, kasama din ang pag-ani ng mga tanim at pagkuwa ng mga orkidya at bulaklak, mga aktibidad ng ATV lampas sa lava front ay pansamantalang ipinagbawal, ayon kay Salceda. Umaabot ng 100 metric tons ng mga bulaklak, orkidya at mga pandekorasyong tanim ang inaani bawat taon sa loob ng ipinagbabawal na bahagi ng Mayon, ayon kay Salceda.

“Basta sinabi ng Phivolcs na maayos na ang Mayon, papayagan namin ang pagpasok sa mga pinagbabawal na bahagi nito,” sabi ni Salceda. (MAL/JJJP/PIA5 Albay)



Kabataan nagsagawa ng Summer Youth Camp sa Sorsogon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 9 (PIA) -- Higit pang naging malapit sa isa’t isa at naging buo ang relasyon ng mga kabataan mula sa tatlong bayan ng Sorsogon matapos ang isinagawang Summer Youth Camp at 1st General Alumni Assembly ng mga ito.

Sa temang “Nagkakaisang Kabataan sa Sorsogon Tungo sa Paghubog ng Kasanayan sa Isports, Talento, Pananaw at Desisyon” naganap ang aktibidad mula Mayo 3 hanggang 8 sa Casini Elementary School sa Irosin, Sorsogon sa pakikipagtulungan ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF).

Nilahukan ito ng mga kabataang may edad 13 hanggang 30 mula sa mga bayan ng Bulan, Matnog at Irosin. Karamihan sa mga ito ay nakatapos lamang ng elementarya, nagsimulang magtrabaho sa murang edad, habang ang ilan ay may bisyo ng paninigarilyo.

Ayon kay Aby L. Salceda, over-all chairperson ng Bulan, Irosin, Matnog and Juban Association (BIMJA), layunin ng apat na araw na aktibidad na magabayan ang mga kabataang ito ng tama nang sa gayon ay maging higit na produktibo at hindi lamang nakatuon ang mga aktibidad sa palaro o pagdayo sa iba ibang lugar kung saan mayroong sayawan.

Ginawa namang balanse ang aktibidad kung saan nagkaroon ng mga aktibidad sa palakasan, mga patimpalak sa pagandahan at lecture-workshop ukol sa mahalagang papel ng kabataan sa pamilya, sa kalikasan, sa edukasyon at sa hanapbuhay. Sa pamamagitan ng palabas na tinawag na “living portrait” ng mga kabataan, lumabas ang mga isyung may kaugnayan sa suliranin sa magulang, pagrerebelde, pagkasira ng pag-aaral, pagbibisyo at maagang pagbubuntis sa mga reyalidad na kinakaharap nila.

Sa bahagi naman ng komunidad, lumabas ang korapsyon, political will, geothermal exploration, ilegal na pagpuputol ng kahoy, suliranin sa kalusugan at mga pag-aalsa ng komunidad sa mga pangunahing isyung nakikita ng mga kabataan.

Ayon sa kanila, inspirasyon sa kanila ang nakuhang mga input sa pagharap sa malaking hamon ng pagiging kabataan. Nagpasalamat din ang mga ito sa mga tumulong upang maging matagumpay ang kanilang aktibidad at aminado umano silang malaki ang naitulong nito sa kanila upang higit na maunawaan ang mahalagang papel ng kabataan sa pamilya, komunidad at kalikasan.

Suportado ang naging aktibidad ng BIMJA at ng IRDF ng Philippine Information Agency (PIA), Step Yes Consultancy at iba pang mga volunteer group. (MAL/BAR/PIA5 Sorsogon)


6 Bikolano nanguna sa Midwifery Licensure Exam, CSPC—top performing school

ni Monaliza Z. Eser

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 9 (PIA) -- Anim na Bikolano ang nanguna mula sa 2,323 na sumailalim sa Midwife Licensure Exam na ginanap noong nakaraang Abril 2013 , apat ang nanguna mula sa Bicol University, isa sa Polytechnic College ng Nabua at isa sa Mabini College ng Daet, Camarines Norte, batay sa ipinalabas ng Professional Regulation Commission (PRC) noong Biyernes, Mayo 3.

Mula sa Unibersidad ng Bicol, nanguna si Benedict Rey Montas Serrano sa kanyang nakuhang 89.70% na marka, pangatlo si Ma. Jella Mirabel Turallo na may 89.20% na marka, pang-anim si Alyssa Aieen Mancilla Caabay sa kanyang markang 88.75% at pangpito si Marinel Ala Atos na mayroong 88.70% na markang nakuha sa naturang pagsusulit. Samantala, pang-apat si Janria Turallo Gaminde ng Camarines Sur Polytechnic College ng Nabua na nakakuha ng 88.90%, at naka ika-10 ranggo si Wenadyn Sapico De Guzman ng Mabini College ng Daet, Camarines Norte sa kanyang nakuhang markang 88.20 %.

Kabuuang 1,173 ang pumasa mula sa 2,323 na sumailalim sa naturag pagsusulit batay sa ibinigay na datos ng Board of Midwifery mula sa iba ibang testing centers sa buong bansa.

Sa kabilang dako, ang Camarines Sur Polytechnic College ng Nabua ay tinaguriang na top performing school sa naturang pagsusulit. Mula sa 71 na nagsipagtapos sa nasambit na kolehiyo na sumailalim sa naturang pagsusulit, 65 sa mga ito ang nakapasa. Nakakuha ito ng 91.55 %, mataas ng 3.10 % sa nakuha ng Jose Fabella Memorial Hospital School of Midwifery na pumangalawa naman sa markang 85.25 % na nakuha sa nasabing pagsusulit.

Dalawa lamang ang napili bilang top performing schools batay sa PRC kung saan ang mga kolehiyo lamang na mayroong di bababa sa 50 examinees at may passing percentage na 80% ang tanging mapapasama sa listahan ng top performing schools. (MAL/MZEser-OJT-BU/PIA5)


Nawawalang Thai naisalba, mga biktima sa pagsabog ng Mayon natagpuan na

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 9 (PIA) -- Kinumpirma ng Albay Provincial Disaster Operation Center na naisalba na ang nag-iisang nawawalang Thai mountaineer habang ang bangkay ng limang namatay ay inihahanda na sa paglilipat at autopsy.

Natagpuang buhay ng mga rescue teams si Boonchai Jattupornpong, 35 taong gulang, 3:45 ng hapon kahapon sa 1,870 meters above sea level, o malapit sa Camp 2 ng Bulkan Mayon. Nagkaroon siya ng bali sa kanang braso, may sunog sa leeg at likod at hindi makalakad dahil sa pagod subalit nasa mabuting kalagayan.

Si Boonchai, ang kaisa-isang nawawala matapos ang pagputok ng Mayon noong Martes, ay naisalba ng composite team na binubuo ng Philippine Red Cross, Office of the Civil Defense, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, mga lokal na pinuno at mountaineers.

Samantala, naibaba na ang bangkay ng lokal na gabay na si Jerome Berin ng retrieval team ngayong 7:15 ng umaga at dinala sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital para sa autopsy. Ang iba pang apat na namatay na lahat mga Aleman na sina Joanne Edosa, Roland Pietieze, Farah Frances, Furian Stelterare ay inaasahang maibababa na rin ngayong tanghali.

Nakaranas ng zero visibility ang composite team malapit sa crater mula pa noong Martes sanhi ng makapal na ulap na nakaabala sa retrieval operations. “Ang sitwasyon ng panahon sa ibabaw ng Mayon ay nagbabago halos bawat minuto,” sabi ni Salceda.

Nahirapan din ang pangkat sa pagsasagawa ng kanilang plano na kunin ang mga bangkay sa pamamagitan ng helicopter dahilan sa hindi makalapag sa 45 degree angle ang magaan na chopper, ayon kay Philippine Air Force (PAF) Lieutenant Colonel Pedro Francisco III.

Ang composite team na binubuo ng 160 katao na suportado ng pitong ambulansiya, tatlong helicopter at maraming sasakyang panlupa ay agarang inorganisa sa loob ng isang oras upang tugunan ang insidente pakatapos ng phreatic explosion, umaga noong Mayo 7, sabi ni OCD Bicol Regional Director Gernardo Rafaelito Alejandro IV.

“Nakita ng buong mundo ang pinakamainam nating magagawa batay sa bilis, uri ng pagtugon at paghawak sa sitwasyon,” sabi ni Salceda. Pakay natin ang mabilis at dagliang pagtugon sa insidente, ayon kay Salceda.

“Agad naming pinagbigay alam sa Department of Foreign Affairs ang aming mga hakbang simula pa alas-otso ng umaga noong Martes at ang mga sangkot na embahada ay masusing nakikipag-ugnayan sa amin sa mga nangyayari at mga gagawin,” sabi ni Salceda.

“Aming tungkulin ang pagsunod sa "protocol" sa pagbibigay tulong sa mga banyagang sangkot sa pangyayaring ito,” sabi ni DFA Bicol Regional Director Maricor Jesalva.

Isasagawa ang autopsy sa mga labi ng biktima at isusunod ang pag-embalsamo at pakikipag-ugnayan sa mga apektadong pamilya, ayon kay Salceda.

Natagpuan ang mga bangkay na magkakalapit sa bawat isa at pinaniniwalaang nagkaroon ng malubhang trauma sa katawan, sugat sa ulo, intra-abdominal, thoracic injuries, internal bleeding dahilan sa gumugulong na malalaking maiinit na bato at pagkalanghap ng abo, ayon sa DOH Bicol.

“Pinupuri ko ang aksyon ng composite team lalo na ang Red Cross sa kanilang mountaineering skills at ang Philippine Army sa pagpapatuloy ng paghahanap kahit gabi sa pamamagitan ng pagdagdag ng tauhan at flashlights,” sabi ni Salceda. (MAL/JJJP-PIA5 Albay)


Bureau of Immigration, gagamitin ang makabagong ID sa banyaga

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 9 (PIA) -- Isang pekeng Agency Certificate of Registration (ACR) na nakumpiska sa Bicol noong taon 2008 ang nagpasimula ng modernisasyon ng Bureau of Immigration upang gamitin ang microchip-embedded identification card para sa mga banyaga.

“Ang proyekto ay talagang nagsimula pa noong 2005 upang palitan ang dokumentasyon ng ahensiya na gamit ang papel,” sabi ni Bureau of Immigration Bicol Regional Director Josephus Ojano sa panayam ni Philippine Information Agency Regional Director Aida Alcazar-Naz sa programa sa radyo na “Aramon Ta Daw” kamakailan.

Ang nangyaring pagkakahuli ang nagpabilis ng buong proseso ng pagbabago na isinasagawa ng ahensiya upang gamitin ang makabagong teknolohiya. “Kinumpirma nito na talagang may kumakalat ng mga pekeng cards,” sabi ni Ojano.

Ang nasabing pekeng "alien card" ay nagtaglay ng magkaibang tao at pangalan at inabot ang ahensiya ng isang linggo sa pagsagawa ng proseso ng pagpapatunay. “Sa paggamit namin ng makabagong teknolohiya, mahirap gumawa ng peke at ang tsansa na magawa ito ay halos imposible,” sabi ni Ojano.

“Ang magandang balita ay parehas ang presyo ng bagong card sa lumang dokumento,” sabi ni Ojano. Ang dokumento ay tinatawag ding immigrants certificate of residence at patunay ito na ang nagmamay-ari nito ay dokumentadong banyaga. Kadalasan, ang pagproseso ng dokumento ay umaabot ng dalawang buwan, ayon kay Ojano.

“Mula Marso 31 ng kasalukuyang taon, mayroong 1,700 rehistradong banyaga sa Bikol at lampas sa 900 ay nasa lungsod ng Legaspi,” sabi ni Ojano. Karamihan ng mga banyagang naninirahan sa rehiyon ay Tsino at ang iba sa kanila ay pinili nang maging Pilipino, ayon kay Ojano.

Ang susunod na nakararaming grupo ay ang mga relihiyosong misyonero at mangangalakal na mga Bumbay. “Kapuna-puna din ang pagtaas ng aplikante sa student visa at karamihan nito ay nasa Naga City,” sabi ni Ojano. Ang mga banyagang may edad na mababa sa 18 taong gulang ay binibigyan ng Special Study Card Permit ayon sa Section 94 ng Philippine Immigration Act, ayon kay Ojano.

“Nagkakaroon din ng pagbabago sa dami ng mga dating aplikante dala din ng pagpapakasal ng mga Pilipina sa mga banyaga, karamihan ay galing Europa,” sabi ni Ojano.

“Nagsasagawa din kami ng karagdagang serbisyo sa pagbibigay payo sa mga banayagang nagnanais makakuha ng visa upang maintindihan nila ang kultura at kaugaliang Pilipino,” sabi ni Ojano.

Ang "hi-tech identification card" para sa mga bisitang banyaga ay paraan ng Bureau of Immigration sa pagsisiguro na “there is more fun in the Philippines.” (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


MasbateƱo news: Madagmit na bulig, nabaton san mga biktima san sunog sa Masbate

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 9 (PIA) -- Dayon na nakabaton san pag-akoder hali sa gobierno kag Red Cross an lampas sa 80 na pamilya na nawar-an san istaran kawsa san sunog na lumamon sa pira kadosena na kabalayan kahapon sa Ciudad san Masbate.

Sa reports san local radio station dyME, guin ibakwet san mga sinakupan san Masbate City Disaster Risk Reduction and Management Council an mga apektado sa Barangay Hall kag Day Care building kun-diin an mga biktima hinatagan san pagkaon kag kagamitan pangkaturog pareho sa banig, ulunan kag habol.

Kaabaga san disaster council sa pag-aksyon an local chapter san Red Cross na nanghatag san relief goods sa mga nasunugan na wara makasalbar san inda mga personal na kagamitan dahilan san matulin daw an paglakat san kalayo.

Banda alas 2:15 san hapon san mag-ilyabo an isad sa balay na halapit sa city fish port kag merkado. Kawsa san makusog na huyop san hangin amihan, madagmit na tumabok an kalayo kag linamon sani an sobra sitenta na dirikitdikit na kabalayan antes na mapatay san bombero an kalayo.

Segun sa mga biktima, waran man san nareport na nadismente kag nasakitan sa sunog, pero naabo an maabot sa P3-milyones na propyadad san mga pamilya na kadamuan pagbaligya sa merkado an pangabuhay.

Kun may konsolasyon sinda na nabaton sa tunga san trahedya, ini segun sainda an matulin na pag-aksyon san gobierno sa inda kagipitan.

Naaraman kan Disaster Risk Reduction and Management Officer Jerry Guadayo na guina asikaso san iya opisina an distribyusyon san materyales para sa konstruksyon.

Segun kan Guadayo, nagmandu si City Mayor Socrates Tuason sa distribyusyon san sim, cocolumber, pako kag iba pa na materyales na kinahanglan sa madagmit na pagpatindog sa balay san mga nasunugan agod maibanan an ulang sainda pagpangabuhay.

Apwera san gobierno ciudad, naghiwag man an Department of Social Welfare and Development kag gobierno probinsyal para buligan ng mga biktima san sunog. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)


Mabilis na tulong, naibigay mga biktima ng sunog sa Masbate

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 9 (PIA) -- Agad na nakatanggap ng pagkalinga mula sa pamahalaan at Red Cross ang mahigit 80 pamilyang nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok ng ilang dosenang kabahayan noong Martes, Mayo 7, dito.

Sa mga ulat ng lokal istasyon ng radyo na dyME, inilikas ng mga kaanib ng Masbate City Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga nasunugan sa Barangay Hall at Day-Care building kung saan ang mga biktima ay binigyan ng pagkain at kagamitang pantulog tulad ng banig, unan at kumot.

Kaagapay ng disaster council sa pag-aksyon ang lokal na chapter ng Red Cross na namahagi rin ng relief goods sa mga nasunugan na nabigong maisalba ang kanilang mga personal na kagamitan dahil sa napakabilis umano ng kumalat na apoy.

Bandang alas 2:15 ng hapon nang maglagablab ang isa sa kabahayan na kanugnog ng city fish port at pamilihang bayan. Sa lakas na ihip ng hanging amihan, mabilis na tumawid ang apoy at nilamon nito ang mahigit 70 magkakadikit na kabahayan bago ito naapula ng mga bumbero.

Ayon sa mga biktima, walang napaulat na nasawi o nasaktan sa sunog subalit natupok ang tinatayang P3-milyong halaga ng ari-arian ng mga pamilyang karaniwang pagtitinda sa palengke ang ikinabubuhay.

At kung may konsolasyon silang natanggap sa gitna ng trahedya, ito anila ay ang mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan sa kanilang kagipitan.

Napag-alaman kay Disaster Risk Reduction and Management Officer Jerry Guadayo na inaasikaso na ng kanyang tanggapan ang pamamahagi ng materyales sa konstruksyon.

Ayon kay Guadayo, iniutos ni City Mayor Socrates Tuason ang pamamahagi ng yero, coco lumber, pako at iba pang materyales na kailangan sa agarang pagtayo ng mga tahanan ng mga nasunugan upang mabawasan ang abala sa kanilang paghahanapbuhay.

Bukod sa pamahalaang panlungsod, kumilos na rin ang Department of Social Welfare and Development at pamahalaang panlalawigan upang makatulong sa mga nasunugan. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)


Comelec Sorsogon walang naitalang problema sa ginawang pagsusuri at pagseselyo ng PCOS machine

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 9 (PIA) -- Walang naitalang anumang problema ang Commission on Election (Comelec) Sorsogon matapos ang ginawang pagsusuri ng mga Precinct Counting Optical Scan (PCOS) machine nitong Lunes, Marso 6.

Ito ay bilang paghahanda sa eleksyon na gaganapin sa Lunes, Mayo 13, 2013, ito ang naging pahayag ni Comelec Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino.

Ayon kay Atty. Aquino, alas syete ng umaga nitong Lunes ng simulan ang pagdadala ng mga PCOS machine sa 690 na mga clustered precincts sa iba’t ibang bahagi ng Sorsogon.

Alas-nuebe ng umaga naman nang sinimulan ang pagsusuri sa makina sa pamamagitan ng isang mock election, naroroon ang isang technician upang gabayan ang Board of Election Inspector at tiyaking maayos ang kundisyon ng makina bago ang ginawang pagseselyo.

Bago magtanghali ay natiyak na ng Comelec base sa mga nakarating sa kanilang ulat na walang anumang aberyang kinaharap ang mga naideliber na mga PCOS machine sa Sorsogon.

Kaugnay nito, tiniyak ng Comelec Sorsogon na handang-handa na ito para sa gagawing halalan sa Lunes.

Samantala, mahigpit din ang seguridad ng mga otoridad maging ang mga opisyal ng barangay sapagkat sa kanila ngayon nakaatang ang responsibilidad sa pagbabantay ng mga PCOS machine hanggang sa matapos ang eleksyon at tuluyan itong maibalik sa Comelec.

Ayon kay Brgy. Captain Norneto M. Gile ng Casini, Irosin, Sorsogon, sistematiko ang gagawin nilang pagbabantay sa makina sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga tanod na magbabantay rito. Umapela din umano siya sa mga residente na makiisa, maging alerto at agad na magsumbong sa kanila sakaling may mapansin silang kakaibang mga galaw o di kaya’y mga kaduda-dudang bagong mukhang aali-aligid sa Casini Elementary School. (MAL/BAR-PIA Sorsogon)



'Thai mountaineers', walang pagsisisi sa pag-akyat sa Mayon volcano; kuntento sa rescue at medical treatment para sa kanila

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 8 (PIA) -- Sa kabila ng trahedya na naranasan kasunod ng phreatic explosion na naganap sa bulkang Mayon kahapon ng umaga, Mayo 7, 2013, walang pagsisisi ang mga Thai mountaineers na umakyat sa naturang bulkan at inihayag nito na kuntento sila sa isinagawang rescue at medical treatment para sa kanila.

Naikwento kay PDRRMC Chairman Joey Salceda nina Nithi Ruangpisit (dentist) at Tanut Ruchipiyrak (pharmacist), pawang 26-anyos gayundin ng isang 40-anyos na computer IT expert na si Benjamaporn Sansuk at 45-anyos na Thai businessman na si Thawiburut Udomkiat na hilig na nila ang umakyat ng mga bundok tulad na lamang sa Mt. Merapi.

Tulad ng pahayag ni Sabine Strohberger, Austrian national na nakaligtas din sa bagsik ng Mayon volcano, di sila takot bumalik ng Albay at umakyat muli sa isa sa pinakaaktibong bulkan sa mundo (Mayon volcano).

Tiniyak ng mga itong kuntento sila sa isinagawang rescue at medical treatment para sa kanila.

Bagamat nangangamba para sa kanilang nawawalang kasamahan na si Boonchai Jattupornpong. Kasalukuyang hinahanap ng 7-man team ang nawawalang Thai national.

Una rito, naibaba na ang narecover na limang labi mula sa Rabbit’s Ear patungong Camp 2 dakong alas-9 kaninang umaga.

Ang mga ito ay kinilalang sina Joan Edosa, Roland Tietze, Farah Frances at Furian Stelter kasama si Jerome Berin na isang Pinoy tour guide. Alas 4:25 kaninang madaling araw nang tumulak ang 50-man Team Mayon Recovery kabilang ang walong local guides para irecover ang mga natitira pang mga labi na biktima ng pag-alburuto ng Mayon volcano. (MAL/ACForaque-PGA/PIA5)


VP Binay nag-turnover ng P8.5M halaga ng programang pabahay, pinuri ang kasunduang pabahay sa Bicol

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 8 (PIA) -- Isang tseke na nagkakahalaga 8.5 milyong piso ang itinurnover ni Vice President Jejomay Binay para sa Housing Loan Receivables Purchase Program ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) sa isang seremonya na ginawa sa Albay noong Linggo, Mayo 5.

“Isa pa rin po ang NHFMC sa mga key shelter agencies na aking pinamamahalaan,” sabi ni Binay.

Ang NHFMC ang ahensiyang ‘tagabili ng utang’… sa layunin nito na tiyaking tuloy-tuloy ang daloy ng pondo sa pabahay, ang lahat ng papeles ng receivables o pautang sa pabahay ng mga bangko at developers ay kaagad nitong pinapalitan ng pera, sabi ni Binay.

“Dahil dito, bawi kaagad ng developers at bangko ang kanilang puhunan, handa kaagad sila magsimula ng panibagong proyektong pabahay,” sabi ni Binay.

Sinaksihan din ni Binay ang paglagda sa kasunduan sa pagitan ng Home Guarantee Corporation (HGC) at ng Local Government Unit (LGU) ng Virac, Catanduanes sa pagbili ng Our Lady’s Village IV-B Housing Project sa Barangay Cavinitan.

“Binili ito sa pinakamababang halaga na pinapayagan ng batas,” sabi ni Binay. Isang commemorative marker ang itinayo na sumasagisag sa paglilipat ng housing project mula HGC tungo sa LUGu ng Virac, ayon kay Binay.

“Napakaganda po ng plano ni Mayor Jose Alberto sa proyektong ito…na gagawing relocation site para sa mga informal settlers ng Virac lalo na doon sa mga nakatira sa tabing-dagat at sa mga lugar na malimit bahain,” sabi ni Binay.

Ang ibang bahagi ng nasabing village ay binabalak ding pagtayuan ng low-cost housing para sa mga empleyado ng munisipyo, ayon kay Binay. Ang nasabing lupain ay may sukat na mahigit siyam na ektarya, ayon kay Binay.

“Ang ganitong mga proyektong pabahay ay isang patunay ng epektibong partnership ng national at local governments upang tugunan ang ating malaking pangangailangan sa pabahay,” ayon kay Binay.

“Ang pabahay ay pampalakas at pampabilis din ng gulong ng ekonomiya…sa bawat bahay na itinatayo, walong trabaho ang nalilikha…iba’t ibang industriya rin ang napapaandar ng pabahay,” sabi ni Binay. (MAL/JJJP/PIA5 Albay)


Mahigit 500 kabataan nagpakita ng talento sa sining at pag-arte sa Cam Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Mayo 8 (PIA) --Nagpakita ang mahigit 500 kabataan ng kanilang galing sa sining at pag-arte o “showcase of talents” nitong Mayo 7, matapos ang pagsasanay ng iba't ibang talento sa pamamagitan ng “Summer Workshop” simula unang araw ng Abril hanggang Mayo 6.

Ayon kay Abel Icatlo, tagapangasiwa ng programa, ang summer workshop ay taon taon ng ginagawa upang mahubog ang kakayahan at kasanayan ng mga kabataan sa iba't ibang talento sa sining at pag-arte ng libre sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Edgardo Tallado.

Aniya ito ay malaking pagkakataon sa mga kabataan upang magamit naman ng mga kabataan na makabuluhan ang kanilang panahon ngayong bakasyon.

Kabilang sa mga pagsasanay na itinuro sa mga kabataan ay ang aerodance, folkdance, flute, banduria, charcoal painting, acrylic painting, pagtugtog ng gitara at ang theater arts o pag-arte sa teatro.

Ang pagpapakita ng talento o showcase of talents ay magandang pagkakataon sa mga kabataan upang maipakita ang kanilang natutunan sa summer workshop.

Taon-taon na itong isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan tuwing panahon ng bakasyon at ngayong taon sumali ang mga mag-aaral ng kinder, elementarya, high school, kolehiyo at maging mga out-of-school youth. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte).




No comments:

Post a Comment