Friday, July 12, 2013

BFP Sorsogon, magsasanay sa mga paaralan, tanggapan at iba pang establisimyento ngayong buwan ng NDCM

By Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 12 (PIA) -- Nakatakdang magsasanay ang mga miyembro ng BFP Central Fire Station sa mga paaralan, tanggapan at iba pang establisimyento dito sa lungsod ngayong araw kaugnay ng National Disaster Consciousness Month (NDCM).

Taon-taon ay regular nang ipinagdiriwang sa buong bansa ang NDCM bilang preparasyon sakaling magkaroon man ng hindi inaasahang sakuna tulad ng paglindol, sunog at mga kalamidad.

Isa sa layunin ng NDCM ay pukawin ang kamalayan ng mamamayan upang higit pang pag-ibayuhin ang pag-iingat lalo pa at madalas dalawin ng kalamidad ang probinsya tulad ng bagyo.

Samantala, pangungunahan naman ni BFP Sorsogon City Sr. Insp. Walter Marcial ang unang bugso ng aktibidad dito sa lungsod.

Isa sa mga aktibidad na ito ay ang isasagawang Fire at Earthquake Drill ng mga tauhan ng Sorsogon City Fire Marshal sa VIP Learning Center kalahok ang mga mag-aaral, mga guro at mga opisyal ng paaralan.

Sa Hulyo 17, ay muli itong magsasagawa ng Fire Prevention Seminar (FPS) at Basic First Aid Training (BFAT) sa paaralan ng Aemilianum Institute (AI) at pangungunahan ito ng operations personnel ng Emergency Medical Service (EMS).

Bibisatahin din ng BFP EMS - Operations Personnel ang City Hall upang magsagawa rin doon ng Fire Prevention Seminar at Basic First Aid Training sa mga empleyado.

Sa Hulyo 19, muling babalik ang team sa AI upang magsagawa naman ng Fire at Earthquake Drill, magbibigay din ng lectures sa mga partisipante ng City Hall hinggil sa tamang pangangalaga ng mga masasaktan, ipapakita rin sa senaryo kung paano ang pagbuhat ng mga masasaktan, pagbenda ng nabalian at nasugatan.

Sinabi pa ni Marcial na maaring mabawasan ang malaking danyos sa buhay kapag maagap ang mga tao at mabilis magresponde sa hindi inaasahang kalamidad sa lugar. (MAL/FBT-PIA5 Sorsogon)

No comments:

Post a Comment