Friday, July 5, 2013

Camarines Norte makikiisa sa selebrasyon ng National Children’s Book Week ngayong Hulyo


By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Hulyo 5 (PIA) -- Makikiisa ang lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Library Services Division ng pamahalaang panlalawigan dito sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng National Children’s Book Week simula sa ika-22 hanggang 26 ng Hulyo.

Sa bahagi ng programa, magkakaroon ng patimpalak sa spelling bee sa Hulyo 22 para sa first elimination sa mga mag-aaral ng ika-anim at ika-pitong baitang sa elementarya mula sa mga pampublikong paaralan ng Camarines Norte.

Isasagawa naman ang second elemination sa Hulyo 24 at championship round sa ika-26 ng Hulyo kung saan isang mag-aaral lamang sa bawat paaralan ang maaaring lumahok dito batay sa regulasyon ng patimpalak.

Ang magwawagi dito ay tatanggap ng P3,000 para sa unang puwesto, P2,000 sa pangalawa at P1,000 sa ikatlong puwesto kalakip din nito ang tropeo.

Tatanggap din ng sertipiko ng pakikiisa ang mga nanalo at mga hindi nagwagi sa naturang patimpalak.

Samantala, magkakaron din ng film showing sa Hulyo 23 kaugnay sa Environmental Protection at story telling sa Hulyo 25 upang mahikayat ang mga kabataan at maraming matututunan mula sa ekspertong guro ng Department of Education (DepEd) na mayroong maraming kaalaman sa pagkukuwento.

Isasagawa din dito ang Inaugural of Children Section upang ipakita ang mga bagong dating na aklat mula sa mga iba't ibang indibidwal na nagbigay tulong upang mapaganda at mapangalagaan ang mga ito at ipapakita rin ang mga nakaraang paligsahan na isinagawa sa panlalawigang aklatan.

Ang mga gawain ay isasagawa sa Library Services Division ng pamahalaang panlalawigan sa kapitolyo probinsiya.

Layunin ng selebrasyon ang mahikayat ang mga kabataan sa pagbabasa ng mga aklat upang madagdagan at mapalawak ang kanilang kaalaman ganundin ay mahikayat rin sila sa pagsusulat na kanilang matututunan sa pamamagitan ng aklat.

Ang tema ngayong taon ng pagdiriwang ay “Sa aklat tayo’y mamumulat.” (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment